Kapag ang kalusugan na ng ari ng lalaki ang pinag-uusapan, karaniwang iniisip ng karamihan ang tungkol sa erectile dysfunction o mga sexually transmitted na impeksyon. Bagamat ang mga kondisyong ito ay tiyak na nakakaapekto sa pangkalahatang kalusugan, higit pa rito ang kalusugan ng ari.
Ang kalusugan ng ari ng lalaki ay isang mahalagang bahagi ng kalusugan ng buong katawan. Ito ay higit pa sa iyong kakayahang makakuha at mapanatili ang pagtigas, makapag-masturbate at magparami. Mayroong iba’t ibang mga bagay na maaaring makaapekto sa kalusugan ng ari, kabilang ang sumusunod:
- Mga kasanayan sa kalinisan
- Pagbabago sa pamumuhay
- Mga kondisyon sa kalusugan
- Kakayahang umihi nang komportable
- Fertility
Kalusugan ng ari ng lalaki: ano ang ibig sabihin?
Ang mga problema sa ari ay maaaring maging tanda ng isang problema sa kalusugan. Ang patuloy na mga isyu sa kalusugan na nakakaapekto sa iyong ari ay maaaring makaapekto sa iba pang bahagi ng iyong buhay. Maaari itong magdulot ng stress, mga problema sa relasyon o mahinang kumpiyansa sa sarili.
Kapag alam mo ang mga palatandaan at sintomas ng mga problema sa iyong ari, mas madaling alamin kung ano ang dapat gawin upang protektahan ang kalusugan ng iyong ari. Tandaan, hindi lamang sangkot dito ang kalusugan ng ari, kung hindi pati na rin ang pangkalahatang kalusugan.
Bakit mahalaga ang kalusugan ng ari ng lalaki?
Ang ari ng lalaki ay mahalaga sa pangkalahatang kalusugan dahil sa urinary at reproductive na gawain nito. Kung ang ari ng lalaki ay hindi gumagana nang maayos, ito ay maaaring dahil sa iba pang mga problema tulad ng diabetes o sakit sa puso. Dapat mong bigyang-pansin ang hitsura at paggana ng iyong ari upang matalakay mo ang anumang mga problema sa iyong doktor.
Ugnayan ng kalusugan ng ari ng lalaki at mga sakit
Ang pagpapanatili ng maayos na kalusugan ng iyong ari ay mahalaga sa pagpapanatili ng iyong pangkalahatang kalusugan. Ang isang malusog na ari ay nag-aalis ng ihi, nagbibigay-daan upang tamasahin ang pakikipagtalik at pagpaparami.
Maaaring makakuha ang iyong doktor ng mga kapaki-pakinabang na pahiwatig tungkol sa iyong kalusugan mula sa mga problema na maaaring mayroon ka sa iyong ari. Ang mga ito ay maaaring magpahiwatig ng mga problema sa ibang parte ng iyong katawan. Kabilang sa mga posibleng problemang pangkalusugan ay diabetes, mataas na presyon ng dugo at sakit sa puso. Ang isang problemang tinatawag na erectile dysfunction ay maaaring mula sa mahinang daloy ng dugo sa iyong ari. Kung mayroon kang erectile dysfunction, malamang na magsilbing hudyat ito upang suriin din ng doktor ang iba pang mga problemang ito.
Mga problema sa ari ng lalaki
Erectile Dysfunction
Kung ikaw ay may ED, hindi mo makukuha o mapanatiling matigas at nakatayo ang iyong ari upang makipagtalik. Maraming dahilan ang ED. Ang ilang mga pag gamot para sa ED ay mga iniinom na gamot, turok at penile implants.
Ang ED ay nakakaapekto sa hanggang 30 milyong lalaki. Ito ay nangyayari kapag ang isang tao ay hindi makakuha o mapanatili ang pagtayo ng ari ng sapat na katagalan para sa sekswal na aktibidad.
Ayon sa Urology Care Foundation, nangyayari ang mga problema sa kalusugan ng ari ng lalaki tulad ng ED kapag ang mga problema sa erection ay naging pangmatagalan na isyu. Ang ilang mga kadahilanan, tulad ng stress o mga isyu sa relasyon, ay maaaring magpalala ng ED.
Ang ilang mga karaniwang sanhi ng ED ay kinabibilangan ng:
- Edad na mahigit 50 taong gulang
- Mataas na presyon ng dugo
- Antas ng blood sugar
- Paninigarilyo
- Mga kondisyon sa puso
- Labis na katabaan
- Kulang sa ehersisyo
- Mataas na antas ng kolesterol
- Paggamit ng droga o alkohol
Priapism
Ang kondisyong ito ay nangyayari kapag ang iyong ari ay nananatiling tuwid ng mas matagal kaysa sa apat na oras. Isa itong problema sa kalusugan ng ari ng lalaki na kailangang maikunsulta kaagad sa doktor. Maaari kang makaranas ng pangmatagalang erectile dysfunction at pangmatagalang pinsala sa iyong ari kung hindi agad nabigyan ng lunas ang priapism.
Ang priapism ay isang paulit-ulit na pagtigas ng ari na hindi naaapektuhan ng orgasm. Ang mga pagtayo na nangyayari sa kondisyong ito ay maaaring masakit at hindi palaging nauugnay sa sekswal na aktibidad. Kabilang sa mga karaniwang sanhi ang sumusunod:
- Mga gamot tulad ng anticoagulants, antihypertensives, antidepressants, at iba pa
- Alkohol at droga lalo na ang cocaine at marijuana
- Problema sa spinal cord at ilang mga sakit sa dugo
Ang priapism ay problema sa kalusugan ng ari ng lalaki na itinuturing na isang medikal na emergency. Kapag may paninigas na tumagal ng higit sa apat na oras, dapat kang magamot sa isang emergency room. Karaniwang paggamot ay ang pagbawas ng flow ng dugo mula sa ari ng lalaki. Maaari ding gumamit ng mga gamot upang makatulong sa pagbabawas ng malakas ng flow ng dugo sa ari ng lalake. Bibihira ngunit kung minsan, kinakailangan ang operasyon upang itama ang problema at maiwasan ang permanenteng pinsala sa ari.
Maraming bagay na maaaring makaapekto sa kalusugan ng ari ng lalaki. Maaari itong problema sa pag-ihi, pagkakaroon ng erection, at problema sa fertility. Habang tumatanda, maaaring normal lamang ang mga sexual dysfunctions tulad ng erectile dysfunction. Mas mabuting makipagkita agad sa doktor kung may mga sintomas ng problema sa ari.