Maaaring narinig mo na kung ano ang prostate milking, ngunit hindi sigurado kung ano ba talaga ito. Ligtas ba itong gawin? Nakakabawas ba sa pagkakaroon ng kanser ang prostate milking tulad ng sinasabi ng ilang nagmumungkahi nito?
Paano mo “gagatasan” ang prostate?
Basahin ito upang malaman ang mga sagot sa mga tanong na ito.
Ano ang prostate milking?
Ang prostate milking, na kilala rin bilang masahe sa prostate, ay isang proseso ng pagpapasigla ng prostate gland. Ginagawa ito minsan ng mga tao para sa kasarapan, ngunit mayroon din itong ilang medikal na kapakinabangan.
Sa prosesong ito, ipinapasok ng doktor ang kanyang kamay na may guwantes at pampadulas sa tumbong ng lalaki. Matapos nito, minamasahe ng doktor ang prostate hanggang sa may lumabas na likido. Para sa ilang tao, hindi ito maganda sa pakiramdam. Ngunit nasasarapan dito ang iba. Kaya naman ito ang dahilan kung bakit ginagawa ng mga tao ang prostate milking para lamang sa kasarapan.
Medikal na mga Dahilan sa Pagsasagawa ng Prostate Milking
Noong mga huling bahagi ng 1800s at unang bahagi ng 1900s, kinilala ang prostate milking bilang anyo ng gamutan para sa chronic prostatitis. Bago pa ang prostate milking, gumamit ang mga doktor ng iba’t ibang paraan upang gamutin ang prostatitis, tulad ng paggamit ng init, cupping, at paglalagay ng mga linta.
Ang prostatitis ay tumutukoy sa isang kondisyon kung saan ang prostate gland ay nakararanas ng pamamaga. Maaari itong magdulot ng sobrang sakit, lalo na tuwing iihi. Sa ilang mga kaso, puwede rin itong magdulot ng masakit na bulalas.
Nagsasagawa ang mga doktor ng prostate massage (pagmasahe sa prostate) upang masuri ang matukoy kung impeksiyon ba o hindi ang sanhi ng prostatitis. Kilala rin ang pamamaraang ito bilang Stamey-Meares four-glass localization.
Upang gawin ito, gagawa ng apat na bacterial cultures gamit ang apat na magkakaibang samples. Una ay sa inisyal na ihi. Pangalawa ang sample na kuha habang umiihi. Pangatlo ang likido na lumalabas mula sa prostate matapos isagawa ang prostate massage, at ang pang-apat ay sa sample ng ihi matapos ng prostate massage. Gayunpaman, maaaring mahal ang pamamaraang ito at puwedeng magdulot ng hindi magandang pakiramdam sa pasyente. Dahil dito, hindi ginagawa ng mga doktor ang prostate massage palagi.
Paano naman ang Prostate Milking para sa Sexual Pleasure?
May ilang mga taong nagpapa-prostate milking hindi para sa anumang medikal na dahilan, kundi para sa kasarapan. Para sa kanila, ang pagpapasigla ng prostate ay nagpapataas ng kanilang orgasm. At mayroon ding nage-ejaculate habang nagpapa-prostate milking.
Bagaman may nagsasabing nakatutulong ang prostate milking sa erectile dysfunction, wala pang sapat na ebidensya na nagpapatunay nito.
Pagdating sa kaligtasan, hangga’t isinasagawa ang pamamaraang ito nang wasto, wala itong dapat maging problema kung para sa kasarapan.
Nakaiiwas bang Magkaroon ng Kanser ang Prostate Milking?
Pagdating sa tanong na “Nakatutulong bang makaiwas sa kanser ang prostate milking?”, wala pang pag-aaral na sumusuporta dito. Isa sa mga posibleng dahilan kung bakit ito pinaniniwalaan ng mga tao ay dahil may mga paniniwalang ang regular na orgasm ay tumutulong na makaiwas sa prostate kanser. Ngunit maging ito ay walang katotohanan o ebidensya.
May ilang mga pag-aaral na nagpapakitang ang mga lalaking mas madalas mag-ejaculate ay may mababang panganib ng prostate kanser. Ngunit napakaliit lamang ng pagkakaiba, at hindi sapat upang irekomenda ito na maging isang paraan upang makaiwas sa kanser.
Kaya’t habang may ilang medikal na gamit ang prostate milking, pagdating sa pag-iwas sa kanser, hindi ito epektibong paraan upang mangyari iyon.
Key Takeaways
May medikal na dahilan ang prostate milking at ginagamit para sa kasarapan. Bagaman may ilang benepisyo pagdating sa paggamot ng prostatitis, hindi pa napatutunayang epektibo ito upang makaiwas sa kanser.
Kung nais mong mapababa ang panganib mo ng kanser, pinakamainam na paraan ang mamuhay nang malusog at regular na magpatingin sa doktor.
Matuto pa tungkol sa Kalusugan Kalalakihan dito.