Maraming sumusubok sa mga benepisyo ng halamang gamot sa prostate dahil isa ang prostate enlargement sa mga sakit na pwedeng maranasan ng kalalakihan. Ang paglaki ng prostate o benign prostatic hyperplasia (BPH) ay ang paglaki ng sukat ng prostate gland. Ang prostate gland ay bahagi ng reproductive system ng lalaki na makikita sa bandang ilalim ng kanilang pantog. Lumilikha ito ng prostatic fluid na sumasama sa kanilang semilya sa panahon na sila ay nilalabasan — at ayon sa mga eksperto mahalaga ito dahil kailangan ng kanilang sperm cells ng proteksyon sa acidity ng vagina. Kaya naman napakahalaga para sa mga kalalakihan na masolusyunan ang prostate enlargement upang mas mapangalagaan ang sarili. Pero bago natin tukuyin ang mga halamang gamot sa prostate, mahalaga na malaman muna natin ang mga impormasyon tungkol sa paglaki ng prostate.
Basahin ang mga sumusunod.
Kailan Pwedeng Magkaroon Ng Prostate Enlargement Ang Isang Lalake?
Karaniwang nagkakaroon ng paglaki ng prostate ang isang lalaki kapag sila ay nagkaka-edad na. Nagiging sanhi din ito upang matamaan ang urethra ng lalaki na dahilan ng kanilang masakit at hirap na pag-ihi.
Anu-Ano Ang Dahilan Ng Paglaki Ng Prostate?
Bukod sa pagtanda ng isang lalaki, sa ngayon hindi pa rin natutukoy ang talagang sanhi ng prostate enlargement. Gayunpaman may mga pagsusuri ang nagsasabi na ang hormones ay may kinalaman sa paglaki ng prostate. Dagdag pa, may mga pag-aaral ang nagsasabi rin na may malaking pagkakataon ang mga lalaking may hypertension at diabetes na magkaroon ng benign prostatic hyperplasia.
Anu-Ano Ang Sintomas Ng Prostate Enlargement?
- Pagkakaroon ng dugo sa ihi
- Hirap sa pag-ihi
- Nagkakaroon ng kahirapan sa pagpigil sa pag-ihi
- Madalas na pag-ihi
- Paggising o nagigising sa gabi para lang umihi
- Mahina ang pag-agis ng ihi
- Hindi makaihi
Halamang Gamot Sa Prostate
Ang paglaki ng prostate ay pwedeng malunasan sa pamamagitan ng iba’t ibang treatment gaya ng therapy, prostate surgery, o gamot. Gayunpaman, ang ibang mga kalalakihan ay bumabaling sa paggamit ng mga halamang gamot sa prostate, dahil mas mura ito kung ikukumpara sa iba pang panggamot.
Sa paggamit ng halamang gamot sa prostate, mahalaga na ipaalam mo muna ito sa’yong doktor. Mahalagang masigurado ang iyong sariling kaligtasan. Maaari kasi na magkaroon ng negatibong reaksyon at pagtanggap ang iyong katawan sa mga herbal medicine na ito lalo na kung may iba ka pang sakit na umiiral. Napakahalaga ng pagpapakonsulta sa doktor at eksperto para maiwasan ang anumang medikal na komplikasyon. Huwag mo ring kakalimutan na ang lahat ng mababasa sa artikulong ito ay hindi kapalit na medikal na payo, treatment at diagnosis ng doktor at ospital.
Green Tea
Ipinakita ng iba’t ibang pag-aaral na ang green tea ay nagtataglay ng antioxidants na tumutulong sa pagpapabagal ng paglaganap ng kanser sa prostate, at nagpapababa ng panganib ng kanser sa prostate.
Saw Palmetto
Ang saw palmetto ay isa sa mga pinakapopular na plant-based prostate enlargement therapies. Isa itong species ng palm shrub native sa Timog-Silangan ng US. Ang berries nito ay ginagamit sa mga supplement upang itaguyod ang malusog na prostate.
Huling Paalala
Ang mga paggamot sa prostate ay nakadepende sa mga sumusunod:
- Laki ng prostate ng isang lalaki
- Edad
-
- Lebel ng sintomas sa pag-ihi
Mahalaga na isaalang-alang ang mga sumusunod para sa pagkakaroon ng wastong treatment. Hindi rin dapat isawalang-bahala ang pagpapagamot at pagpapatingin sa doktor lalo na kung ang mga sintomas ay nakakasagabal na sa iyong pang-araw-araw na pamumuhay.
Key Takeaways
Hindi maiiwasan ang paglaki ng prostate ng mga kalalakihan dahil bahagi na ito ng kanilang pagtanda. Ipinapayo sa bawat lalaki ang pagkakaroon ng healthy lifestyle at regular na pagkonsulta sa doktor para sa pangangalaga ng sarili. Huwag mo ring kakalimutan na kumonsulta sa doktor para sa mga gamot na iyong iinumin para maiwasan ang anumang medikal na problema.
Matuto pa tungkol sa Kalusugan ng Kalalakihan dito.