Hindi madaling maging panganay na babae. Dahil sa mga bagay na inaasahan ng ibang tao mula sa’yo. Kailangan mong maging ehemplo at lider sa mga kapatid at sa’yong tahanan. Ikaw ang isa sa inaasahan na magtataguyod ng pamilya — lalo’t na kung dumadaan sa krisis ang iyong mga magulang.
Maraming pagkakataon na tahimik na lamang umiiyak ang ilan sa mga panganay na anak. Dahil sa mga stress at pasanin na dinadala sa buhay. Madalas silang makalimutan at ma-take for granted dahil sa pag-aakala na lagi silang malakas at matapang.
Basahin ang artikulong ito para sa mga kuwento ng mga panganay na babae. At kung paano nila araw-araw hinaharap ang mga pagsubok na dala ng pagiging panganay na anak.
Stressors Ng Panganay Na Babae: Mga Bayarin At Kamag-Anak
Si Artemis hindi niya tunay na pangalan. Isa siyang guro sa pampribadong paaralan. Tatlo silang magkakapatid at siya ang “ate”.
“Sa totoo lang, maayos naman dati, nu’ng hindi pa kami kumuha ng kotse. Sobra ‘yung pumapasok na pera. Pero since nag-pandemic, humina ‘yung kita, naging mabigat na bayaran ‘yung kotse at iba pang gastusin sa bahay, pagkain, at kuryente,” pahayag ni Artemis.
Madalas malaki ang mga bagay na ine-expect sa kanya. Lalo sa mga bagay na dapat niyang ibigay— tulad ng pera. Bukod pa rito, isa ring talentadong tao si Artemis kaya’t lalong lumalaki ang mga bagay na inaasahan ng mga tao sa kanilang tahanan.
Natuklasan ng isang researched published sa Journal of Human Resources na madalas mas nagiging magaling ang panganay na anak. Dahil mas mahusay silang nai-set up para sa akademiko at intelektwal na tagumpay dahil sa parenting style na kanilang naranasan.
Dahil ayon kay Jee-Yeon K. Lehmann, ang first-time parents ay may posibilidad na gawin ang lahat ng mga bagay para sa anak na may greater awareness. Samantala, sa mga susunod na anak ay maaaring maging iba ang paraan ng pagpapalaki sa kanila kung ihahambing sa mga panganay na anak. Mayroong posibilidad na magkaroon sila ng greater extent sa kung ano ang maaari nilang ituring na non-essentials needs para sa kanilang mga anak.
Narito Pa Ang Ilang Dahilan Ng Stress Ng Mga Panganay Na Anak:
Bukod sa mga nabanggit ni Artemis na dahilan ng kanyang stress tulad ng mga bayarin at kamag-anak, nasa ibaba pa ang mga ilang maaaring dahilan ng stress ng mga panganay:
- Mga expectation mula sa ibang tao
- Pagsalo sa mga responsibilidad sa bahay
- Pagiging tila magulang sa mga kapatid
- Pag babalewala sa kanilang efforts at sacrifices
- Pressure sa mga komento ng ibang tao tungkol sa kanilang mga kilos at kakayahan
- Pag-iinvalidate ng kanilang mga pagod na nararamdaman
- Pang-aabuso sa kanilang pagbibigay
- Pagpaparamdam sa kanila na hindi sila sapat bilang tao at anak
- Pagkaubos ng kanilang sweldo at ipon para sa pangangailangan ng pamilya
- Panghuhusga ng mga kamag-anak
Epekto Ng Stress Sa Mga Panganay Na Anak
“Sa bahay, ang stressors ko ay ‘yung mga bayarin at mga kamag-anak na laging nakikialam. At laging may opinyon sa mga desisyon na ginagawa naming pamilya. Laging puno ng tao ang bahay at nawawalan ako ng privacy,” ayon kay Artemis.
Kaya may mga pagkakataon na hindi niya mapigilan na magkaroon ng sama ng loob sa kanyang mga kamag-anak.
“Mahirap ang sitwasyon dahil lahat ng pera ay napupunta sa bayarin, walang naitatabi. Kapag may emergency, walang pagkukuhanan,” pahayag ni Artemis.
Dahil isa sa stressors ni Artemis ang bayarin at kamag-anak, hindi niya maiwasan na minsan makaramdam siya ng pagkabalisa.
“Sa totoo lang, mahirap i-handle ‘yung stressors dahil most of the time nasa bahay ako, work from home. Pero sa tulong na rin ng aking mga kaibigan, kung saan ako nakakapagsabi ng sama ng loob. Gumagaan ‘yung dinadala ko at nakakahingi ako ng payo. Madalas rin ay umaalis ako sa bahay para makahinga at makipagkita sa mga kaibigan,” pagwawakas ni Artemis.
Narito pa ang ilang mga epekto ng stress sa mga panganay na anak:
Ayon sa pag-aaral na pinamagatang “Birth Order and Anxiety: Is the Oldest Child the most Anxious”. Marami ang nakita sa previous studies na mga ebidensya na mas nakakaranas ng stress ang mga panganay na anak, kumpara sa mga nakababatang kapatid. Ang mga nasa ibaba ang list ng mga epekto na maaaring maranasan ng mga panganak na babae dahil sa stressors:
- Depresyon
- Pagkabalisa
- Risk sa pagkakaroon ng mental illness at disorder
- Pagkakaroon ng unhealthy perfectionist tendencies
- Pagtatanim ng galit o sama ng loob
- Pagiging magagalitin at emosyonal sa malaki o maliit na bagay
- Pagdevelop ng negatibong pag-iisip
- Kawalan ng pagtitiwala sa sarili
- Pagkakaroon ng ‘di magandang relasyon sa pamilya
- Pag-o-overthink
- Magulong sleep pattern
First Born Traits
Si Aria hindi niya tunay na pangalan ay naulila sa ama. Matapos mamatay ng kanyang ama noong ika-22 ng Abril 2019 dahil sa malakas na lindol sa Bulacan.
“Noong namatay ‘yung papa ko, doon na lalo nag-start ang pagbigat ng mga responsibilidad ko. Hindi ko makakalimutan na experience ‘yung sinabihan ako ng tita ko na huwag akong masyadong umiyak. Kasi lalong mahihirapan ang nanay ko.”
Dahil sa pangyayaring iyon, sinikap ni Aria na maging matapang at malakas para sa kanyang kapatid at ina. Ayon sa mga pag-aaral, consistent napatunayan na ang mga panganak na anak ay kayang maging lider. Dahil slightly ay mas may talino at abildad sila kaysa sa kanilang mga kapatid ayon sa psychologist na si Sabrina Molden.
“Di ko ine-expect ‘yung mga naging pagbabago sa nanay ko. Ginagawa ko lahat ng efforts na pwedeng gawin. Pero kulang pa rin, madalas nag-aaway na kami. Dahil hindi na nagtatagpo ‘yung mga opinyon at gusto namin. Ang hirap mag-adjust kasi parang ako ‘yung pumalit sa tatay ko,” pahayag ni Aria.
Kahit madalas na nasasaktan si Aria sa mga pag-aaway nila ng kanyang ina ay patuloy pa rin niya iniintindi ang kalagayan ng ina. Dagdag pa rito, ipinapakita ni Aria ang first born personality traits na madalas na makikita sa mga panganay na anak. Narito ang mga sumusunod first born traits ayon sa artikulong “Birth Order Traits: Your Guide to Sibling Personality Difference”.
- Maasahan o reliable
- Madaling makonsensya o conscientious
- Maingat
- Makontrol
- Structured
Panganay Na Babae: Pagiging Breadwinner Ng Pamilya
“Sa ngayon, ako ang tumatayong breadwinner sa pamilya. Mula sa pagpapalaki ng mga kapatid, ngayon bilang head of the family ang responsibilidad ko,” pahayag ni Nadine hindi niya tunay na pangalan.
Napakalaking hamon nito para sa isang anak kung paano bubuhayin ang kanyang pamilya. Ang pagiging breadwinner ay isa sa madalas nagiging papel ng mga panganay sa isang pamilya.
“Dahil sa sakit ng nanay ko, kinailangan nyang huminto sa pagiging OFW sa Saudi. Hindi makaalis ang tatay ko at need ng constant na nag-aalaga ng nanay ko. Ang mga kapatid ko ay nag-aaral pa,” ayon kay Nadine.
Hindi biro ang pakikipaglaban ni Nadine at ng iba pang mga panganay na babae. Dahil madalas silang nakararanas ng mga episode na nanghihina na ang kanilang mga loob. Kung saan may mga gabi na hindi na sila makatulog dahil sa labis na pag-iisip. Ayon sa mga eksperto maaaring magdulot ito ng panghihina ng immune system ng isang tao.
“Nakakastress talaga ‘pag short sa pera, lalo na ‘pag ikaw lang ang aasahan na gumawa ng paraan dito. Nakaka-pressure tuwing sasapit ang bayaran ng bills at kung ano pa. Lalo na at hindi naman kalakihan ang sahod ng mga guro dito sa atin,” pahayag ni Nadine.
Paano Nakakaapekto Ang Mga Responsibilidad Ng Panganay Sa Kanilang Buhay?
“In a way, masaya ako ‘pag napapagaan ko ang buhay ng pamilya ko. Lalo pag napro-provide ko ang needs nila. Total sacrifice talaga. At ‘pag may sakripisyo, naje-jeopardize na rin doon ang pansarili kong mga pangarap at plano. Minsan nakaka-guilty na mas gusto mo i-pursue ‘yung nais ng puso mo. Pero babalik tayo lagi sa tanong na “paano ang pamilya ko?” ayon kay Nadine.
Sa pagkakaroon ng mabigat na pasanin ng mga panganay na anak. Ito ang madalas na dahilan kung bakit nade-deprive sila sa mga bagay na gusto nila at pinapangarap, kung saan ito ang sanhi ng madalas na pagdurusa ng mga panganay.
“Hindi ka nire-require pero alam mo na nakaatang ang responsibilidad na ito sayo, the moment na pinanganak ka,” pagdadagdag ni Nadine.
Isa sa mga dahilan kung bakit napupunta sa ganitong sitwasyon ang mga panganay. Dahil na rin sa cycle ng nosyon na ang mga panganay ay tumulong dapat sa magulang, bilang bahagi ng pagpapakita ng pagpapahalaga sa pamilya.
Tandaan, wala namang masama sa nosyon na ito subalit nagiging mabigat ito para sa mga panganay. Lalo na kung nagkakapatong-patong na ang kanilang responsibilidad sanhi para mapabayaan ang sariling buhay.
“Sobrang hirap maging panganay,” pagwawakas ni Nadine.
Tips Para Sa Pagpapagaan Ng Loob Ng Mga Panganay Na Anak
Mahalaga na malaman ang ilan sa pwedeng gawin ng mga panganay upang makayanan ang bigat ng responsibilidad. Narito ang mga sumusunod na tips:
- Sikaping makapagpahinga.
- Makipag-usap sa mga kaibigan.
- Pag-iyak para gumaan ang nararamdamang bigat ng loob.
- Pag-iisip ng mga sariling pangarap sa buhay.
- Paglahok sa retreat programs.
- Paggawa ng mga hilig at interes.
Key Takeaways
Hindi biro ang responsibilidad ng pagiging panganay, lalo na sa mga kababaihan. Makikita na ang pagiging panganay ng mga babae ay pagpapakita rin ng natural na kalakasan ng kababaihan. Makatutulong ng malaki ang pangangamusta sa kanila at pag-alam ng kanilang nararamdaman, para gumaan ang kanilang loob at lalo pang maging matatag sa hamon ng buhay. Kailangan din ng pisikal, mental at emosyonal na suporta ng mga panganay na anak, dahil tao lang din sila na may limitasyon at hangganan.
Matuto pa tungkol sa Kalusugan ng Kababaihan dito.