Ang pagiging babae ay isang biyaya at hamon, dahil marami tayong natatangging karanasan na hindi nararanasan ng mga lalaki. Marami tayong bagay na hindi magagawa kung isa kang lalaki — tulad ng pagbubuntis. Ngunit sa kabila ng pagkakaroon natin ng mga natatangging kakayahan, madalas natin na hindi napapansin ang kalagayan ng ating kalusugan na nagreresulta ng pagkakaroon natin ng mga medikal na problema. Kaya naman, gumawa ang Hello Doctor ng isang artikulo na tatalakay sa mga karaniwang sakit ng mga kababaihan. Nang sagayon magkaroon ka ng ideya sa mga kondisyon na maaari mong danasin bilang babae.
Being a woman
Ayon sa European Institute for Gender Equality, maaaring maging assigned female human being ang isang tao kung na-assign sila bilang female sex sa kanilang kapanganakan. Kung saan, ang pag-assign sa iyo bilang isang babae ay nakadepende sa reproductive organs na mayroon ka.
Gayunpaman, binanggit din ng European Institute for Gender Equality na pwedeng maging female ang isang taong dine-define ang kanyang sarili bilang isang babae.
Karaniwang hamon sa kalusugan ng mga babae
Bagamat may mga tao na itinuturing ang kanilang sarilli bilang babae kahit wala silang female reproductive organs, hindi pa rin natin maitatanggi na ang mga indibidwal na ipinanganak na nagtataglay ng female reproductive organs ay may iba’t ibang hamon sa kalusugan na hindi nararanasan ng mga lalaki.
Ang mga panganib sa kalusugan ng kababaihan ay patuloy na tumataas nang husto sa paglipas ng panahon. Kung saan, apektado sila ng iba’t ibang isyu sa kalusugan, mula sa PCOS hanggang sa kanser sa suso at cervical na karaniwan sa mga babae.
Idagdag mo pa ang mga kondisyon na maaaring idulot ng pagbubuntis, gaya ng prepartum at postpartum depression, na nangangailangan ng malaking pagtuon sa pangangalaga ng kalusugan ng kababaihan. Kaugnay nito, ipinapayo ng doktor na alamin ng babae ang mga karaniwang sakit ng mga kababaihan, para mas mapamahalaan ang kondisyon at mapangalagaan ang sarili.
Kaya naman patuloy na basahin ang article na ito upang malaman ang karaniwang sakit ng mga babae sa panahon ngayon.
10 Karaniwang sakit ng mga kababaihan
Kanser
Ayon sa World Health Organization (WHO), dalawa sa pinakakaraniwang kanser na nakakaapekto sa mga babae ay ang breast at cervical cancer. Ngunit ang maagang pagtuklas ng parehong mga kanser ang susi upang mapangalagaan ang kalusugan at pamahalaan ang kondisyon.
Batay na rin sa impormasyon na mula sa WHO, ang latest global figures ay nagpapakita ng humigit-kumulang kalahating milyon na mga kababaihang namamatay mula sa cervical cancer, at kalahating milyon mula naman sa kanser sa suso bawat taon.
Karamihan sa mga pagkamatay na ito ay nagaganap sa mga mababa at middle income countries na halos non-existent ang screening, pag-iwas, paggamot, at ang pagbabakuna laban sa human papilloma virus ay napakatagal.
Sakit sa puso
Ayon sa artikulo na “Health Issues to Women’s Health” sa Estados Unidos ang sakit sa puso ay dahilan ng isa sa bawat 4 na pagkamatay sa mga kababaihan. Kung saan, lumabas rin sa mga pag-aaral na nakakaapekto ang coronary heart failure sa mga babaeng may malaking pamumuo ng plaque sa kanilang coronary arteries. Dahil pinipigilan ng plaques ang pagdaloy ng dugo ng tao na maaaring lumala at humantong sa mga sumusunod:
- angina
- atake sa puso
- heart failure
- arrhythmias
- Mga isyu sa kalusugan ng isip
Batay muli sa WHO, iminumungkahi ng mga ebidensya na ang kababaihan ay mas madaling makaranas ng mga sumusunod:
- pagkabalisa;
- depresyon; at
- somatic complaints (mga pisikal na sintomas na hindi maipaliwanag medically)
Ang depresyon ang pinakakaraniwang problema sa kalusugan ng isip para sa mga kababaihan at ang suicide naman ang isa sa pangunahing sanhi ng kamatayan para sa mga kababaihang wala pang 60 taong gulang. Ayon din sa mga doktor, ang natural hormonal fluctuations ay maaaring humantong sa depresyon at pagkabalisa.
Isa ang premenstrual syndrome (PMS), na kadalasan sa mga babae na pwedeng magresulta ng pagkairita o depresyon. Marami ring ina ang nakararanas ng “baby blues” o postpartum depression pagkatapos nilang manganak. Habang ang perimenopause, o ang transisyon papunta sa menopause ay pwede ring magresulta ng problema sa mental health.
Polycystic Ovary Syndrome (PCOS)
Ang polycystic ovary syndrome (PCOS) ay isang kondisyon kung saan ang ovaries ay gumagawa ng abnormal na dami ng androgens. Gayunpaman, ang eksaktong dahilan ng PCOS ay hindi pa rin malinaw.
Dagdag pa rito, maraming kababaihan na may PCOS ang may insulin resistance. Nangangahulugan ito na ang katawan ay hindi nagagamit nang maayos ang insulin. Kung saan, ang insulin levels na namumuo sa katawan ay maaaring magdulot ng mas mataas na antas ng androgen, at ang sobrang katabaan ay pwede ring magpataas ng mga antas ng insulin at magpalala ng mga sintomas ng PCOS. Maaari ring tumakbo ang PCOS sa mga pamilya, at karaniwan ito para sa magkapatid na babae o mag-ina.
Narito ang ilan sa mga sumusunod na sintomas ng PCOS:
- acne
- oily na balat
- sobrang pagtubo ng buhok sa tiyan, mukha, dibdib, at maging sa hinlalaki at daliri sa paa
- balakubak
- pananakit ng balakang
- pagnipis o pagkalbo ng buhok
- Sexually Transmitted Diseases (STDs)
Isa ito sa mga impeksyon na pwedeng makuha sa pakikipag-sex sa isang indibidwal na nagtataglay ng kondisyon na ito. Ang impeksyon na ito ay maaaring sanhi ng parasite, bakterya, at virus. Mas malala rin ang epekto ng STD sa kalusugan ng mga babae, at kung isang buntis ang nagkaroon nito, pwede ring magdusa ang sanggol mula sa mga malubhang epekto ng STD sa kalusugan.
Human Immunodeficiency virus (HIV)
Ang HIV ay nakakaapekto sa mga partikular na cells ng immune system (CD4 cells). Kung saan sa paglipas ng panahon, maaaring sirain ng HIV ang mga cells na ito hanggang sa hindi na makayanang labanan ng katawan ang impeksyon. Kapag nagkaroon ka rin ng kondisyon na ito, tandaan mo na hindi na maaalis sa katawan ng tao ang HIV—ibig sabihin nito kapag may HIV ang isang tao, mayroon na siya nito habang buhay.
Dagdag pa rito, ang mga babaeng nahawaan ng HIV ay karaniwang nakukuha ito sa pamamagitan ng pakikipag-sex sa isang lalaking infected — o nakuha ito ng mga babae sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga karayom sa isang infected person.
Walang lunas ang HIV sa ngayon, ngunit sa wastong pangangalagang medikal, makokontrol ang virus. Huwag mo ring kakalimutan na ang HIV ay isang virus na maaaring humantong sa acquired immune deficiency syndrome, o AIDS. Kung saan ang AIDS, ang huling yugto ng impeksyon sa HIV, kapag ang immune system ng isang tao ay lubhang napinsala.
Mga isyu ng pagbubuntis
Maaaring lumala ang mga dati nang kondisyon ng mga babae sa panahon ng pagbubuntis. Kung saan, pwede ito maging banta sa kalusugan ng ina at ng kanyang anak. Ayon sa mga artikulo at doktor, ang hika, diabetes, at depresyon ay maaaring makapinsala sa ina at anak sa panahon ng pagbubuntis kung hindi ito mapangasiwaan ng maayos.
Isa pa sa karaniwang isyu ng mga babae sa pagbubuntis ay posibilidad ng pagbaba ng bilang ng kanilang red blood cells na pwedeng humantong sa anemia, o magdulot ng depresyon. Pero huwag kang mag-alala dahil maaaring pamahalaan at gamutin ng obstetricians ang karaniwan at bihirang mga isyu sa kalusugan na lumalabas sa panahon ng pagbubuntis.
Interstitial Cystitis
Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention (CDC), ang interstitial cystitis (IC) ay isang chronic condition ng pantog na nagreresulta sa paulit-ulit na discomfort, pananakit sa pantog, at pelvic region. Ang mga taong may IC ay kadalasang may namamaga o irritated bladder walls na maaaring magdulot ng pagkakapilat at paninigas ng pantog. Dagdag pa rito, maaaring maapektuhan ng IC ang sinuman; gayunpaman, ito ay mas madalas sa mga babae kumpara sa mga lalaki.
Narito ang mga sumusunod na sintomas ng IC batay sa artikulo na naka-publish sa CDC:
- Pananakit ng tiyan o pelvic mild discomfort
- Madalas na pag-ihi
- Isang pakiramdam ng pangangailangan ng madaliang pag-ihi
- Pakiramdam ng presyon ng tiyan o pelvic
- Tenderness
- Matinding pananakit ng pantog o pelvic region
- Matinding pananakit ng ibabang bahagi ng tiyan na tumitindi habang napupuno o nawawalan ng laman ang urinary bladder
- Endometriosis
Ayon sa CDC Isa sa karaniwang sakit ng mga kababaihan ay ang endometriosis. Ito ay isang problemang nakakaapekto sa matris ng isang babae—ang lugar kung saan lumalaki ang isang baby kapag buntis ang isang babae.
Nagaganap ang endometriosis kapag ang tissues na karaniwang naka-lines sa matris ay lumalaki sa ibang lugar. Maaari itong lumaki sa ovaries, sa likod ng matris, sa bituka, o sa pantog. Bihirang tumubo ito sa ibang bahagi ng katawan.
Ang “misplaced” tissue na ito ay pwedeng magdulot ng pananakit, pagkabaog, at heavy periods. Kung saan, ang pananakit ay kadalasang nasa tiyan, ibabang likod, o pelvic area ng babae. Gayunpaman, may mga kaso na ang ilang mga kababaihan ay walang anumang sintomas, at ang pagkakaroon ng problema sa pagbubuntis ang kanilang unang senyales na nagtataglay sila ng endometriosis.
Uterine Fibroids
Batay muli sa CDC, ang uterine fibroids ay isa sa karaniwang sakit ng mga kababaihan at pinakakaraniwang non cancerous tumors sa mga kababaihan na nasa “childbearing age”. Ang fibroids ay gawa sa muscles cells at iba pang mga tissues na tumutubo sa loob at paligid ng wall ng matris, o sinapupunan. Sa ngayon, ang dahilan ng fibroids ay hindi pa rin matukoy.
Narito ang mga sintomas ng fibroids:
- Mabigat o masakit na periods o pagdurugo sa pagitan ng regla
- Pakiramdam na “puno” sa ibabang bahagi ng tiyan
- Madalas na pag-ihi
- Nakakaramdam ng sakit habang nakikipag-sex
- Sakit sa ibabang bahagi ng likod
- Mga problema sa reproductive, tulad ng infertility, miscarriage, o maagang labor
Kailan dapat magpakonsulta sa doktor?
Dapat regular na nagpapakonsulta ang isang babae sa isang doktor at eksperto para malaman niya ang status ng kanyang overall health, at magkaroon ng early detection sa mga karaniwang sakit ng mga kababaihan na pwedeng maranasan.
Importante sa kalusugan ng kababaihan ang pagiging “aware” sa lahat ng bagay tungkol sa pagbubuntis, at menopause, hanggang sa mga isyu gaya ng uterine fibroids, pelvic floor disorder at urinary tract health.
Dapat rin bantayan ng mga babae ang mga abnormal na sintomas tulad ng pagdurugo sa pagitan ng regla, bukol sa dibdib, pagbabago ng hugis ng dibdib, abnormal discharge sa ari, madalas na pag-ihi — o pagkakaroon ng pananakit habang nakikipagtalik. Tandaan mo na kung dumaranas ka ng alinman sa mga sintomas na ito, makipag-usap kaagad sa iyong doktoro gynecologist.













