backup og meta

Discharge Mula Sa Vagina Na Abnormal, Paano Malalaman?

Discharge Mula Sa Vagina Na Abnormal, Paano Malalaman?

Maraming masasabi ang discharge mula sa vagina tungkol sa overall health, mula sa mga menstrual cycle hanggang sa mga pangunahing risk sa kalusugan.

Ang discharge mula sa vagina ay may iba’t ibang kulay, karamihan sa mga ito ay normal. Ngunit ano ang abnormal na paglabas ng discharge mula sa vagina? Mahalagang malaman kung ano ang maaaring sinasabi ng bawat kulay, at kung kailangan mong magpatingin kaagad sa doktor.

Ano ang discharge mula sa vagina?

Ang discharge ng vagina ay isang likido o semisolid substance na ginawa ng mga gland sa loob ng ari at cervix. Ito ay nakakatulong sa pag-alis ng mga dead cell at bacteria, na pinananatiling malinis ang ari at pinipigilan ang impeksiyon.

Ang normal na discharge mula sa vagina ay malinaw, parang gatas na puti, at kadalasang walang amoy. Gayunpaman, nag-iiba rin ang consistency at kulay depende sa kung nasaan ka sa iyong menstrual cycle.

Ngunit ano ang abnormal na vaginal discharge? Maaring magbago ang kulay ng discharge dahil sa kawalan ng balanse ng bacteria ng ari. Depende sa oras ng buwan, babaguhin ng discharge ang consistency at texture.

Mga kulay ng discharge mula sa ari at kung ano ang maaaring ibig sabihin

Sa pamamagitan ng pagsusuri sa discharge, mas mahusay mong maiintindihan ang iyong kasalukuyang vaginal health. Ang vaginal discharge– kahit na may iba’t ibang kulay– ay madalas hindi nakakapinsala at hindi dapat ikabahala.

Ngunit palaging kumunsulta sa iyong doktor para kumpirmahin ang anumang mga hinala tungkol sa kalusugan ng iyong ari.

Ano ang abnormal na discharge mula sa vagina? Narito ang ilan sa mga pinakakaraniwang kulay at shade at kung ano ang maaaring ibig sabihin ng mga ito.

Pink

Ang pink na discharge ay madalas na nakikita sa simula ng iyong cycle. Sa panahon ng early pregnancy, ang paglabas ng pink ay nangangahulugan din ng implantation bleeding, na kadalasan ay normal.

Ang bahagyang pagkapunit sa ari o cervix pagkatapos ng pakikipagtalik ay nagbubunga din ng kulay-rosas na discharge.

Pula

Mula sa matingkad na pula hanggang sa dark-rust color, ang pulang discharge ay karaniwan sa panahon ng regla. Nangyayari din ang spotting, o light bleeding, dahil sa mga pagbabago sa hormonal at ilang paraan ng birth control.

Habang ang ilan ay may hindi regular na regla, ang inter-menstrual bleeding ay maaaring magpahiwatig ng isang isyu sa kalusugan.

Kung ikaw ay dumaan na sa menopause at bigla kang makaranas ng pagdurugo, magpatingin sa doktor dahil ito ay maaaring senyales ng endometrial cancer.

Puti

Ang puting discharge ay karaniwang tanda ng malusog na lubrication. Gayunpaman, kung ito ay makapal, maputi, at may malakas na amoy, ito ay maaaring dahil sa isang yeast infection.

Ang yeast infection ay nagdudulot ng pangangati at irritation ng vulva (ang panlabas na bahagi ng ari).

Sa kabutihang palad, ang mga impeksyon sa yeast ay madaling gamutin gamit ang over-the-counter na gamot.

Yellow to green

Kung ang discharge ay may bahagyang dilaw na kulay, kadalasan ay dahil ito sa iyong diet o ilang mga dietary supplements. Pero kung ito ay may mas dark na kulay ng dilaw o berde, ito ay malamang na dahil sa bacterial infection o sexually transmitted disease.

Ang Chlamydia, gonorrhea, o trichomoniasis ay mga halimbawa ng maaaring mayroon ka. Kung mayroon itong mabahong amoy at makapal na texture, magpatingin kaagad sa doktor.

Gray

Ito ay malamang na sintomas ng bacterial vaginosis (BV), isang karaniwang impeksiyon sa mga kababaihan. Nangyayari ito kapag may hindi balanseng paglaki ng normal na flora, ang mga natural na mikroorganismo sa ari.

Nagdudulot din ang BV ng pangangati, mabahong amoy, at pamumula sa paligid ng butas ng ari. Ito ay karaniwang hindi komportable, ngunit maaaring gamutin sa isang simpleng antibiotic o antibacterial gel.

Clear

Ito ang pinakakaraniwang discharge na may madulas at egg-white consistency. Ang mga kababaihan ay mas malamang na makaranas nito dahil sa mga sumusunod:

Ovulation. Kung ang iyong average na menstrual cycle ay 28 araw, malamang na ikaw ay sa ika-14. Kaya may cervical mucus.

Pagbubuntis. Ang mga hormonal imbalances ay nangyayari sa panahon ng pagbubuntis. Ito ay karaniwang isang senyales ng dami ng discharge.

Sexual arousal. Inaasahan ang pagtaas ng libido sa panahon ng obulasyon. Ang likido ay dumadaan sa mga daluyan ng dugo kapag nagdi-dilate ang ari.

Abnormal na discharge ng ari

Ano ang abnormal na vaginal discharge? Bukod sa hindi pangkaraniwang amoy at hitsura ng discharge mula sa vagina, magpatingin sa doktor kung makaranas ka ng anumang sintomas tulad ng:

  • Pangangati
  • Pananakit o discomfort
  • Burning sensation kapag umihi ka
  • Mabahong amoy
  • Mabula na texture
  • Pagdurugo sa ari na walang kaugnayan sa iyong regla
  • Discharge na may cottage cheese consistency
  • Pamamaga sa paligid ng vulva

Karaniwang ginagawa ang mga pagsusuri sa pelvic, habang ang ilang mga doktor ay kumukuha ng sample ng discharge para sa testing.

Paano maiiwasan ang abnormal na discharge?

Normal at malusog ang vaginal discharge, kadalasan. Ito ang paraan ng paglilinis ng ating katawan. Gayunpaman, maiiwasan ang mga hindi regular na pagbabago sa pamamagitan ng paggawa ng mga sumusunod:

  • Pagkatapos gumamit ng banyo, punasan mula sa harap, palikod. Pinipigilan nito ang pagpasok ng bacteria mula sa rectal area papunta sa iyong ari.
  • Iwasang magsuot ng masikip, close-fitting na mga damit ng mahabang oras.
  • Pumili ng cotton underwear na nagbibigay-daan sa iyong ari na “huminga.”
  • Magkaroon ng kamalayan sa laundry detergent o fabric softener na iyong ginagamit.
  • Tuyuin ang iyong ari gamit ang malinis na tuwalya o tissue pagkatapos maligo.
  • Ang latex sa condom at ilang sperm-killing gel na ginagamit para sa birth control ay maaaring magdulot ng pangangati. Makipag-usap sa iyong doktor tungkol sa mga posibleng alternatibo.
  • Huwag mag-douche. Maaari nitong mapataas ang iyong risk na magkaroon ng pelvic inflammatory disease.
  • Limitahan ang paggamit ng mga hygiene spray, mabangong toilet paper, at deodorant pad.

Ang Pag-handle sa vaginal discharge

Ang discharge mula sa vagina ay hindi kailangang maging dahilan ng pagkaalarma. Kadalasang salamin ng natural na proseso ng paglilinis at lubrication ng katawan ang malusog na discharge.

Nagbabago ang discharge depende sa kung ano ang kailangan ng ating katawan. Tumataas ito sa oras ng pakikipagtalik para maiwasan ang discomfort, at lumalapot sa panahon ng obulasyon na nakakatulong kapag sinusubukan mong magbuntis.

Ano ang abnormal na discharge mula sa vagina? Ang kulay at consistency ng iyong discharge ay maaari ding nagsasabi ng mga isyu sa reproductive health. Ang mga imbalance at mga impeksyon ay puedeng maging sanhi ng malaking pagbabago sa iyong discharge.

Maaaring kailanganin ang gamot. Humingi ng medikal na tulong kung ang mga hindi regular na pagbabago ay nangyayari kasabay ng pangangati o pelvic pain.

[embed-health-tool-ovulation]

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Types of Vaginal Discharge and What They Mean https://www.unitypoint.org/livewell/article.aspx?id=06f8f035-9f6e-4a79-bb58-9045b9d7d0d8 Accessed 23 May 2020

Vaginal discharge https://www.mayoclinic.org/symptoms/vaginal-discharge/basics/definition/sym-20050825 Accessed 23 May 2020

How to decode vaginal discharge https://health.clevelandclinic.org/vaginal-discharge-mean/ Accessed 23 May 2020

Kasalukuyang Version

01/23/2023

Isinulat ni Corazon Marpuri

Narebyung medikal ni Mike Kenneth Go Doratan, MD

In-update ni: Jan Alwyn Batara


Mga Kaugnay na Post

Alamin: Anu-Ano Ang Mga Paraan Para Palakihin Ang Dibdib?

Adenomyosis: Ano Ang Epekto Nito Sa Katawan?


Narebyung medikal ni

Mike Kenneth Go Doratan, MD

General Surgery · The Medical City Ortigas


Isinulat ni Corazon Marpuri · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement