Ano ang lipoedema? Ang lipoedema o lipedema ay literal na nangangahulugang “fluid sa taba.” Ito ay isang malubhang kondisyon na sanhi ng hindi normal na pamumuo ng taba sa ilalim ng balat. Ito ay madalas mangyari sa mga binti, hita, braso, at bahagi ng puwit, at bihira naman sa mga kamay at paa. Ang kondisyong ito ay dahilan upang ang mga apektadong bahagi ay makaramdam ng pananakit at pagiging sensitibo. Ang lipoedema ay karaniwang nakikita sa mga kababaihan kaysa sa mga kalalakihan. Sa mga kababaihan, ang kondisyong ito ay kadalasang nangyayari habang nagbubuntis o menopause.
Ang kondisyong ito ay madalas na mapagkamalang obesity.
Nangyayari ang lipoedema kapag may hindi normal na pamumuo ng taba sa tiyak at ilalim na bahagi ng balat. Ito ay taliwas sa obesity na kinabibilangan ng pangkalahatang pamumuo ng fat ng katawan. Ang pamumuong ito ng taba ay nakapagpapatas ng produksyon ng hyaluronic acid sa tissues ng balat. Ito ay nagiging sanhi upang taba ay maging tila gelatin ang itsura. Dahil dito, ang apektadong bahagi ay nagiging matigas at mabigat.
[embed-health-tool-bmi]
Ano Ang Lipoedema? Stages Nito
Tinatawag ding “Painful Fat Syndrome” ang lipoedema, at ito ay may apat na stages. Ang texture ng balat at ang kalubhaan ng kondisyon ay nagbabago sa bawat yugto.
Stage 1 – Sa stage na ito, ang balat ay tila normal ang itsura subalit maaaring magkaroon ng tila sponge na consistency.
Stage 2 – Sa stage na ito, may mga kapansin-pansing pagbabago sa texture ng balat. Maaaring mapansin ang pamumuo ng taba sa tiyak na bahagi ng balat, lalo na sa malapit sa tuhod o bukong-bukong.
Stage 3 – Sa stage na ito, ang apektadong bahagi ay kapansin-pansing malaki. Maaari ding makaranas ng paninigas ng binti at nagiging mas matigas ang texture ng balat.
Stage 4 – Sa stage na ito, may malaking pamumuo ng taba. Nasisira na nito ngayon ang buong lymph system sa mga apektadong bahagi. Maaaring makaranas ng pamamaga sa mga apektadong bahagi.
Ano Ang Lipoedema? Mga Sintomas
Ang karaniwang sintomas ng lipoedema ay ang paglaki ng hita, puwitan, at binti dulot ng sobrang pamumuo ng taba. Habang lumulubha ang kondisyon, ang apektadong bahagi ay nagiging mas mabigat. Sa ilang mga kaso, ang apektadong bahagi ay nagiging sensitibo rin. Maaari ding makaranas ng pananakit sa bahaging may pamumuo ng taba.
Ang iba pang mga sintomas ng Painful Fat Syndrome ay kinabibilangan ng pagkakaroon ng nodules sa balat, pasa, at pamamaga.
Ang apektadong bahagi ay maaaring normal ang itsura sa panimulang stages. Subalit sa paglipas ng panahon, nawawala ang pagkaelastiko ng balat. Ang mga indibiduwal na may ganitong kondisyon ay maaaring makaranas ng madaling pagkakaroon ng pasa.
Maari ding makaranas ng depresyon at pagkabalisa ang mga indibidwal na mayroon nito dulot ng pagbabago sa itsura ng kanilang katawan.
Ano Ang Lipoedema? Mga Sanhi
- Ang tiyak na sanhi ng lipoedema ay hindi pa natutuklasan. Gayunpman, ang genes ay maaaring nakaaapekto sa pagkakaroon ng kondisyong ito. Ang mga kasong ito ay pinakakaraniwan sa mga indibidwal na may family history ng lipoedema.
- Ang pagbabago sa hormones ay ang pangunahing sanhi rin ng kondisyong ito. Madalas mapansin ang mga pagbabago sa hormones sa pagsisimula ng puberty, habang nagbubuntis, o nakararanas ng menopause.
Ano Ang Lipoedema? Sino Ang Nasa Panganib?
Ang lipoedema ay maaaring mas mangyari habang nasa tiyak na yugto ng buhay ang isang babae, tulad ng puberty o kapag papalapit na ang unang regla, pagbubuntis, nakararanas ng menopause, o dulot ng hormone replacement therapy. Kaya naman, ang mga kababaihan ay may mas mataas na tyansang magkaroon ng lipoedema habang nasa mga yugtong ito dahil sa hindi maiiwasang pagbabago sa hormone.
Ang mga indibidwal na may family history ng lipoedema ay may mas mataas na tyansang magkaroon ng kondisyong ito.
Ang pagiging overweight ay nakapagpapataas din ng tyansang magkaroon nito.
Ano Ang Lipoedema? Diagnosis
Ang ilang doktor ay maaaring magkamali sa pag-diagnose ng lipoedema, inaakala nilang itong ay obesity. Kaya naman, mahalagang ma-diagnose nang tama ang lipoedema o ang Painful Fat Syndrome para sa wastong gamutan. Ipinapayong humingi ng medikal na tulong doktor na espesyalista sa sakit na iyo. Maaaring itanong ng doktor ang mga sintomas na iyong nararanasan at magsagawa ng pisikal na pagsusuri. Irerekomenda rin ang pagsailalim sa ilang tests upang maging tiyak ang diagnosis at staging. Ang ilan sa tests na ito ay kinabibilangan ng lipoedema, MRI, o ultrasound.
Ano Ang Lipoedema? Gamutan
Walang tiyak na gamutang maaaring gamitin o isagawa para gamutin ang lipoedema. Maaaring magrekomenda ng iyong doktor ng mga hakbang upang makontrol ang mg sintomas. Upang maiwasan ang paglubha ng kondisyong ito, maaari ding irekomenda ng iyong doktor ang pagbabago sa diet at paraan ng pamumuhay.
May tiyak na therapies na maaaring gawin na epektibo upang maibsan ang mga sintomas, gayundin upang mabawasan ang laki ng apektadong bahagi. Sa maagang stages, maaaring irekomenda ng iyong doktor ang hormone therapy at tumescent liposuction. Ang hormone therapy ay kapaki-pakinabang kung ang namuong taba ay dulot ng pagbubuntis, menopause o puberty. Ang tumescent liposuction ay isang proseso kung saan ipapasok ng doktor sa apektadong bahagi ng katawan ang probe atsaka magtuturok ng solution. Makatutulong ang solusyon upang “madurog” ang namuong taba, at mabawasan ang kapansin-pansing laki nito. Maaari din nitong makontrol ang pagdurugo habang isinasagawa ang operasyon.
Sa malulubhang stages, kung saan may sobrang pamumuo ng taba, maaaring irekomenda ng iyong doktor ang compression therapy, massage, at hormonal therapies. Ang manual lymphatic drainage ay isang paraan ng pagmamasahe kung saan ang apektadong bahagi ay marahang minamasahe gamit ang langis. Ang pagmamasahe ay makatutulong sa paggalaw ng sobrang taba sa apektadong bahagi. Sa compression therapy, maaaring irekomenda ng iyong doktor ang pagsusuot compression garment na nakatutulong upang mabawasan ang pamamaga at maiwasan ang pamumuo ng taba.
Mahalagang tandaan na ang mga gamot tulad ng diuretics ay hindi nakatutulong upang gamutin ang lipoedema o Painful Fat Syndrome.
Sa mga kaso kung san ang therapies at pag-iingat sa paraan ng pamumuhay ay hindi epektibo, maaaring irekomenda ng iyong doktor ang pagsailalim sa operasyon upang tanggalin ang fatty tissues.
Pagbabago Sa Paraan Ng Pamumuhay
Dagdag pa sa therapies, ang pag-iingat sa paraan ng pamumuhay at home remedies ay makatutulong upang maibsan ang mga sintomas at mapigilan ang pamumuo ng taba.
Ang ilan sa mga pag-iingat sa paraan ng pamumuhay na maaaring isaalang-alang ay ang mga sumusunod:
- Isama ang pag-eehersisyo sa iyong araw-araw na gawain. Magsagawa ng mga ehersisyong makatutulong upang mapabuti ang paggalaw ng lymphatic fluid. Kumonsulta sa iyong doktor upang malaman ang angkop na ehersisyo para sa iyo. Kabilang sa mga inirerekomendang ehersisyo ay ang paglalangoy, paglalakad, jogging, spot jogging , pagbibisiklete, pilates, at iba pa.
- Ang mga indibidwal na may lipoedema ay kadalasang nakararanas ng pagkabalisa at depresyon. Ipinapayo ang pakikipag-usap sa mga kamag-anak, kaibigaan, at kasama sa trabaho tungkol sa kondisyong pinagdaraanan. Maaari ding humingi ng tulong sa support groups. Maaari ding makatulong ang mga teknik sa pagrerelaks, yoga, at meditasyon para sa malusog na isipan at katawan.
- Ang mga indibidwal na may lipoedema o Painful Fat Syndrome ay may mas mataas na tyansang magkaroon ng mga impeksyon sa balat. Ipinapayo ang maingat na pag-aalaga sa iyong balat. Gumamit ng mga produkto para sa balat na natural at walang kemikal.
Home Remedies
- Ang pagbabago sa diet ay makatutulong upang mawala ang lipoedema fat. Dapat iwasan ang pagkain ng mga produktong gawa sa gatas, refined na asukal, maaanghang o malalangis na pagkain, at pagkaing nakapakete. Maaring dagdagan ang pagkain ng mga prutas, gulay, at whole grains. Ang pagbabago sa diet ay hindi nangangahulugang hindi pagkain ng mga kinahihiligang pagkain. Ang diet o pagbawas sa dami ng kinakaing pagkain ay sa kabuoan hindi epektibo upang gamutin ang lipoedema. Habang isinasagawa ang diet, maaaring mawala ang taba mula sa mga bahagi ng katawang hindi apektado ng kondisyon. Bago gumawa ng anomang pagbabago sa iyong diet, tiyaking kumonsulta sa doktor o nutritionist.
- Manatiling hydrated. Dagdagan ang pag-inom ng fluid. Ang pag-inom ng maraming fluids ay makatutulong upang makagalaw ang cells ng taba at maiwasan ang pamumuo nito sa iisang lugar.
Matuto pa tungkol sa mga Isyu sa Kalusugan ng mga Kababaihan dito.