Kamakailan lang ay ibinahagi ng aktres na si Ms. Bea Alonzo ang kanyang kasalukuyang health conditions na hypothyroidism at PCOS. Sa latest vlog ni Ms. Bea na Behind the Gram! The stories behind some of my Instagram posts sa kanyang YouTube Channel, idinetalye ng aktres ang mga kwento sa likod ng kanyang pictures sa Instagram posts.
Isa sa pictures ang tungkol sa paglalaro niya ng tennis, ang kanyang New Year’s resolution nitong January na magkaroon ng bagong hobby. Ayon sa kanya maganda ang sport na tennis ngunit hindi na muna niya ito magagawa. Bukod kasi sa kanyang busy schedule, nag-gain siya ng weight kaya nahihirapan siya sa lateral running dahil sumasakit kanyang mga tuhod.
Ayon pa sa aktres, bukod sa dati na niyang sakit na PCOS, na-diagnose din siya recently ng hypothyroidism, ang dahilan ng pagtaas ng kanyang timbang. Sinabi pa ng aktres na “I’m trying to address it now by working out, by dieting and taking meds for it and supplements, so wish me luck, sana matapos na siya.” Sa artikulong ito ating pag-uusapan ang dalawa sa karaniwang kondisyon ng mga kababaihan, ang Hypothyroidism at PCOS.
Hypothyroidism at PCOS
Ano ang hypothyroidism?
Ang hypothyroidism ay nangyayari kapag ang iodine level ng iyong katawan ay bumababa at ang thyroid gland ay hindi makagawa ng thyroid hormone. Ang kondisyong ito ay tinatawag ding underactive thyroid. Nagiging sanhi ito ng pagbagal ng iyong metabolismo, na nauuwi sa madaling pagkapagod, pagtaas ng timbang, at kawalan ng kakayahan na ma-tolerate ang lamig.
Sanhi ba ng Hypothyroidism ang pagtaas ng timbang mo?
Kung ang iyong hypothyroidism ay hindi nagagamot, maaaring tumaas ang iyong timbang. Kapag sinimulan na ang paggamot, ang timbang mo ay dapat nang mag umpisang bumaba. Gayumpaman, kailangan mo pa ring bantayan ang calories mo at mag-ehersisyo upang bumaba ang timbang. Komunsulta sa iyong doktor tungkol sa weight loss at pagkakaroon ng diet na angkop para sa iyo.
Ilan sa mga Sintomas ng hypothyroidism
- Nakakaramdam ng pagod (fatigue).
- Nakakaranas ng pamamanhid at panginginig sa iyong mga kamay.
- Constipation.
- Pagtaas ng timbang.
- Nakakaranas ng pananakit sa buong katawan mo (maaaring kasama ang panghihina ng kalamnan).
- Ang pagkakaroon ng mas mataas kaysa sa normal na blood cholesterol levels.
- Nakakaramdam ng panlulumo.
- Hindi kayang i-tolerate ang malamig na temperatura.
- Tuyo, magaspang na balat at buhok.
- Pagbaba ng sexual interest.
- Ang pagkakaroon ng madalas at malakas na regla o pagkaroon ng pagbabago sa cycle ng pagreregla
- Nakikita ang mga pisikal na pagbabago sa mukha (kabilang ang paglaylay ng eyelids, pati na rin ang puffiness sa mga mata at mukha).
- Pagkakaroon ng pagbabago sa tono ng boses, na maaaring mas mababa at paos.
- Pakiramdam na mas makakalimutin (“brain fog”).
Maiiwasan ba ang hypothyroidism?
Hindi mapipigilan ang pagkakaroon ng hypothyroidism. Ang pinakamahusay na paraan upang maiwasan ang pagkakaroon ng seryosong anyo ng kondisyon ay bantayan ang mga palatandaan ng hypothyroidism. Kung nakakaranas ka ng alinman sa mga sintomas ng hypothyroidism, ang pinakamagandang gawin ay makipag-usap sa iyong healthcare provider. Ang hypothyroidism ay manageable kung malaman mo ito nang maaga at makapagsimula agad ng paggamot.
Paggamot
Ang hypothyroidism o underactive thyroid ay karaniwang ginagamot sa pamamagitan ng pagbabalik ng dami ng hormone na hindi nagagawa ng iyong thyroid. Ito ay ginagawa sa pag-inom ng daily hormone replacement tablets na tinatawag na levothyroxine. Pinatataas nito ang dami ng thyroid hormone na ginagawa ng iyong katawan, pinapantay ang lebel nito.
Maaaring ma-manage ang sakit na hypothyroidism. Ngunit kailangang tuloy-tuloy ang gamutan para ma-normalize ang dami ng hormones sa iyong katawan. Sa maingat na pangangalaga, at follow-up appointments sa iyong doktor, maaari kang mamuhay ng normal at malusog.
Hypothyroidism at PCOS
Ano ang PCOS?
Ang polycystic ovary syndrome (PCOS) ay ang pinakakaraniwang hormonal condition sa mga kababaihang nasa reproductive age. Ang mga ovary ay nagpo-produce ng abnormal na dami ng androgens.Sanhi ito ng pagkakaroon ng irregular na regla, sobrang pagdami ng buhok, acne at infertility. Maraming kababaihan na may PCOS ang dumaranas din ng pagtaas ng timbang. Mas mataas din ang risk sa pagkakaroon ng diabetes at high blood pressure.
Paano ginagamot ang PCOS?
Ang paggamot sa PCOS ay naka-focus sa pamamahala sa mga bagay na may kinalaman sa iyo. Maaaring kabilang dito ang infertility, hirsutism, acne o obesity. Ang partikular na paggamot ay maaaring lifestyle changes, medication o kombinasyon ng dalawa.
Depende rin sa ilang factors ang treatment para sa PCOS. Kabilang dito ang edad, kung gaano kalubha ang mga sintomas, at ang pangkalahatang kalusugan. Ang uri ng paggamot ay maaari ding depende sa kung gusto mong mabuntis sa hinaharap.
Paano ito maiiwasan?
Bagaman walang lunas para sa PCOS, matutulungan ka ng iyong healthcare provider na pamahalaan ang iyong mga sintomas. Ang mga epekto ng PCOS ay maaaring magbago overtime. Gayunpaman, walang paggamot na permanenteng gumagaling dito.
Walang napatunayang paraan upang maiwasan ang PCOS, ngunit maaari kang gumawa ng maliliit na hakbang upang mabawasan ang iyong mga sintomas. Halimbawa ang pagkain ng masusustansyang pagkain, ang regular na pag-eehersisyo at pagkakaroon ng malusog na timbang. Makakatulong ang mga ito sa iyo na maiwasan ang mga epekto ng PCOS.
[embed-health-tool-bmr]