Hindi na maipagkakailang maaaring rason ang kasarian ng isang tao kung bakit madali siyang kapitan ng sakit. Halimbawa, mas karaniwang nangyayari ang breast cancer sa mga babae, kahit na nangyayari din ito sa mga lalaki. At ang iba pang sakit tulad ng prostate cancer o ovarian cancer na nakakaapekto sa mga partikular na organ. Ngunit alam mo bang mas karaniwang mangyari ang autoimmune disease ng babae kumpara sa lalaki?
Bakit ito nangyayari? At anong mga hakbang ang maaaring gawin ng mga babae upang maiwasan ang pagkakaroon ng sakit na ito?
Ano ang autoimmune disease?
Bago natin pag-usapan ang tungkol sa paglaganap ng autoimmune disease ng babae, kailangan muna nating alamin kung ano ang autoimmune disease.
Binubuo ng grupo ng mga cell at organ ang ating immune system. Nagtutulungan ito upang malabanan ang mga foreign invader o mga bagay na hindi kilala ng ating katawan. Sa tuwing nahahawa ng bakterya o ng virus, kumikilos ang immune system para labanan ang mga ito.
Ngunit may ilang pangyayari kung saan hindi makilala ng autoimmune system ang pagkakaiba ng mga cell sa katawan at mga foreign invader. Sa tuwing nangyayari ito, nagpapadala ng antibodies ang immune system para labanan ang mga malulusog na cell ng katawan. Ito ang nangyayari sa tuwing may autoimmune disease ang isang tao.
Kahit na nakaaapekto sa parehong lalaki at babae ang mga autoimmune disease, mas karaniwan pa rin ito sa mga babae sa kadahilanang ipapaliwanag sa ibaba.
Bakit mas karaniwan ang autoimmune disease ng babae?
Tinatayang 80% ng taong may autoimmune disease ay babae. At may kinalaman ang dahilan sa kung paano kumikilos ang mga chromosome kung bakit ito nangyayari. Tinatawag na chromosome ang mga bahagi ng DNA na nagdadala ng genetic information ng isang nilalang.
Ang X at Y chromosome ng isang tao, o sex chromosome ang tumutukoy sa kasarian ng isang tao sa kanilang pagsilang. May XX chromosome ang mga babae, habang may XY chromosome naman ang mga lalaki. Nangangahulugang dahil sa XX chromosome ng mga babae, mas nilalabanan nila ang mga sakit na mayroong X chromosome.
Ibig sabihin, kahit may problema ang isang X chromosome, maaari pa ring kumilos nang maayos ang isa pang kopya ng X chromosome. Pinaniniwalaang ito ang dahilan kung bakit karaniwang mas mahaba ang buhay ng mga babae kaysa sa mga lalaki.
Gayunpaman, nauugnay din ang benepisyo ng pagkakaroon ng XX chromosome sa mas mataas na posibilidad na magkaroon ng autoimmune disease. Sa kadahilanang natagpuang may kinalaman ang X chromosome sa autoimmunity. May dalawang X chromosome ang mga babae kaya ang ibig sabihin, mayroon silang “double dose” ng genes. Dahil dito, mas mataas ang panganib nila mula sa autoimmune disease.
Maaaring may papel din ang mga hormone
Sinasabi ng isang teorya na may kinalaman ang hormones ng mga babae sa autoimmune disease. Partikular na ang estrogen na maaaring dahilan kung bakit mas lapitin ang mga babae sa mga sakit.
Sinuportahan din naman ito ng ilang mga kaso kung saan nawala ang sakit ng mga babaeng may rheumatoid arthritis nang magbuntis sila. Ngunit pagtapos nila manganak, bumalik din ang kanilang sakit. Dagdag pa rito, mas mababa ang posibilidad na magkaroon ng gout ang mga babae bago mag-menopause kaysa pagtapos ng kanilang menopause.
Nangangahulugang maaaring may kinalaman ang hormonal changes na pinagdadaanan ng mga babae sa buhay sa pagkakaroon nila ng mas mataas na panganib mula sa mga autoimmune disease.
Dapat bang mag-alala ang kababaihan?
Dahil mas karaniwan ang autoimmune disease ng babae, dapat ba silang mag-alala? Sa katunayan, oo at hindi.
Oo, dahil kailangang maging mas maingat sa mga sintomas ng autoimmune disease ng babae. Maaaring makatulong ang pagkakaroon ng regular na checkup. Sa ganitong paraan, kung magkasakit sila, malalabanan ito sa lalong madaling panahon at mababawasan ang magiging epekto nito.
Ngunit hindi nangangahulugang dapat na patuloy na matakot ang babae sa pagkakaroon ng autoimmune disease. Mahalaga ang pagsunod sa mga kinakailangang hakbang upang manatiling malusog. Subukan ding gawin ang makakaya upang mabantayan ang sariling kalusugan.
Matuto pa tungkol sa Kalusugan ng Kababaihan dito.