Ang psoriasis ay isang kondisyon na nagdudulot ng makati, mapula, at patsi-patsi sa balat. Mukha itong simpleng sakit sa balat. Gayunpaman, ang psoriasis ay isang immunological disorder. Matuto nang higit pa sa mga sintomas ng psoriasis dito.
Bakit Nagkakaroon ng Psoriasis?
Sa normal na sitwasyon, ang mga malusog na selula ng balat ay gugugol ng isang buwan para mahati, mag-mature, at umakyat sa ibabaw ng balat para palitan ang mas matatandang selula. Sa psoriasis, gayunpaman, ang ilang mga puting selula ng dugo ay nagiging overactive na nagdudulot ng pagbilis ng cell division mula sa isang buwan patungong 3 hanggang 5 araw. Kaya naman, ang mga selula ng balat na hindi pa gaanong nag-mature ay nagpupunta sa ibabaw ng balat. Ito ang nagdudulot ng mga sintomas ng psoriasis gaya ng matigas, at bitak-bitak na balat at paunti-unting pagkatuklap ng balat.
Ano-ano ang mga sintomas ng Psoriasis?
Ang psoriasis ay nakikita bilang:
- Makati, mapula, at patsi-patsi sa balat, na kadalasang may paunti-unting natuklap na balat
- Namamaga at matigas na kasukasuan
- Pangangati, pag-iinit, o pamamaga ng balat
- Pudpod na mga kuko
Ang laki at lokasyon ng mga naapektuhang bahagi ay maaaring mag-iba-iba mula sa maliit na kasinlaki ng balakubak hanggang sa malalaking patsi. Ang mga ito ay nag-iiba batay sa uri ng psoriasis at sa lala ng kondisyon na nasusukat sa BSA (Body Surface Area).
Mga Uri ng Psoriasis
‘Di-Malalang Psoriasis
Mababa sa o katumbas ng 3% ng bahagi ng katawan. Ang kalidad ng pamumuhay ng pasyente ay hindi gaanong maaapektuhan dahil maliit lamang ang nasasakop na bahagi nito at maaaring magamot sa pamamagitan ng napapanahon at palagiang paglalagay ng mga topical treatment at therapy.
Bahagyang-Malalang Psoriasis
Nasasaklawan nito ang 3% hanggang 10% ng bahagi ng katawan. Mahirap itong magamot gamit ang topical treatment at halatang-halata. Ang ganitong uri ay may makahulugang epekto sa kalidad ng pamumuhay ng pasyente maaaring dahil sa laki ng bahaging naaapektuhan, lokasyon ng mga mantsa sa balat (halimbawa sa mukha, ari, palad, o sa talampakan), o ang pananakit at pangangating dulot ng mga nabanggit na mantsa sa balat.
Malalang Psoriasis
Nasasaklawan nito ang 10% o higit pang bahagi ng katawan. Ang antas ng lalang ito ay hindi na magagamot sa pamamagitan ng topic treatment at therapy. Maaari itong magdulot ng negatibong epekto sa kalidad ng pamumuhay ng pasyente. Kung ang paglala ng psoriasis at patuloy na tumaas at humantong sa puntong ito, kinakailangan nang agarang kumunsulta sa iyong doktor sapagkat ang mga sobrang lalang kaso ay maaaring humantong sa pagkamatay.
Iba’t Ibang Uri ng Psoriasis
Ang psoriasis ay naihahanay sa sumusunod na mga uri at ang mga sintomas ng psoriasis ay ang sumusunod:
- Plaque Psoriasis. Ito ang karaniwang uri. Ito ang nagdudulot ng kilalang mapula, paunti-unting natutuklap na balat na may malapilak na pinagtuklapan. Ito ay kadalasang lumalabas sa mga siko, tuhod, ibabang bahagi ng likuran, at sa bahagi ng anit.
- Nail Psoriasis. Maaari nitong maapektuhan ang mga kuko sa kamay at sa paa. Nagdudulot ito ng pagkapudpod (ang maliliit na parang uka na kamukhang-kamukha ng mga dimples ng isang bola ng golf) sa mga daliri sa kamay at kuko sa paa. Ang hindi karaniwang paghaba ng kuko at maaaring magdulot ng pagluwag, pagbibitak-bitak, at paghiwalay sa nail bed ng mga kuko sa kamay at paa.
- Gluttate Psoriasis. Ang uring ito ay kadalasang nakaaapekto sa mga batang adulto at mga bata. Ito ay mga maliliit, hugis-drop na mga mantsa sa katawan, braso, at mga binto. Ito ay dulot ng viral at bacterial na impeksyon gaya ng strep throat at tonsilitis, o iba pang salik gaya ng stress, mga injury sa balat, at mga medikasyong laban sa malaria at beta.
- Inverse Psoriasis. Ang uring ito ay nagdudulot ng madudulas na patsi ng pulang balat na napalalala ng pawis at pagkikiskisan ng balat. Naapektuhan nito ang balat sa suso, pwet, at bahagi ng ari, at maaaring mapalala ng mga fungal infections.
- Pustular Psoriasis. Ito ang hindi gaanong karaniwang uri na nagdudulot ng mga pus-filled na mga mantsa sa anyo ng maaaring malalaking mga patsi o maliliit na mga spot sa palas at/o talampakan.
- Erythrodermic Psoriasis. Ito marahil ang pinakabihira at mapanganib na uri ng psoriasis. Maaari nitong punuin ang buong katawan ng mapula, paunti-unting natutuklap na rashes na maaaring magdulot ng sobrang pangangati o nagbabagang pananakit. Ang ibang mga malalalang kaso ay maaaring nakamamatay.
Mga Komplikasyon ng Psoriasis
Bukod sa pangkalahatang hindi komportableng pakiramdam at emotional na epekto dulot ng halatang-halatang kondisyon sa balat na ito, ang psoriasis ay maaari ding magdulot ng sumusunod na mga komplikasyon.
- Psoriatic Arthritis. Namamaga at masakit na mga kasukasuan na kadalasang makikita sa kahit anong uri ng arthritis. Ang psoriatic arthritis ay resulta ng pag-atake ng psoriasis sa mga malulusog na selula at tissue na nagdudulot ng pamamaga sa mga kasukasuan. Ito ay maaaring magdulot ng pananakit ng mga kasukasuan, kahirapan sa paggalaw nito, at sa ilang mga malalalang kaso, permanenteng pagkasira ng kasukasuan.
- Cardiovascular Diseases. Ang mga pasyenteng may psoriasis ay may mas mataas na banta ng pagkakaroon ng mga cardiovascular diseases gaya ng stroke. Hindi pa malinaw ang tiyak na ugnayan sa pagitan ng cardiovascular diseases at psoriasis. Gayunpaman, ang pamamaga at ang abnormal na tugon ng immune system ay ang pinaghihinalaang dahilan.
- Iba pang Kondisyon. Ang mga pasyenteng may psoriasis ay mas mataas na banta ng pagkakaroon ng iba pang mga sakit gaya ng diabetes, Crohn disease, at mga problema sa metabolismo. Ang mga taong gumagamit ng matinding panggagamot para sa psoriasis ay maaari ding magkaroon ng mas mataas na banta ng pagkakaroon ng mga tiyak na uri ng kanser.
Key Takeaways
Bagaman karamihan ng mga kaso ng psoriasis ay hindi malala, mainam pa ring maging maingat at responsable sa iminungkahing paraan ng panggagamot. Maaari kasi itong lumala sa puntong hindi na ito makontrol at maging mas delikado at posible pa ngang makamatay. Palaging kumunsulta sa iyong doktor kung may mga agam-agam.
Matuto ng higit pa ukol sa Psoriasis dito.