backup og meta

Nakahahawa ba Ang Psoriasis? Heto Ang mga Facts na Dapat Mong Malaman

Nakahahawa ba Ang Psoriasis? Heto Ang mga Facts na Dapat Mong Malaman

Ang Psoriasis ay isang kondisyon sa balat na nakaaapekto sa milyon-milyong tao sa buong mundo. Sa kabila nito, may mga tanong pa rin ang mga tao tungkol dito, tulad ng “nakahahawa ba ang psoriasis?”

Ano ba talaga ang psoriasis, at ano ang mga bagay na maaaring magdulot ng kondisyong ito? Basahin dito para malaman.

Ano Ang Psoriasis?

Tinatawag na Psoriasis ang isang kondisyon sa balat kung saan mas mabilis ang life cycle ng skin cells. Ginagawa ang skin cells sa pinakababang layer ng epidermis. At habang nag-ma-mature ang cells, unti-unti silang umaakyat, hanggang sa umabot sila sa pinakalabas na layer ng balat. Kalaunan, namamatay ang mga skin cell na ito, natatanggal, at saka pinapalitan ng mga bagong skin cell ang mga namatay. Tumatagal ng 3 hanggang 4 na linggo ang buong proseso mula sa paggawa ng skin cells hanggang sa pagkamatay nito.

Para sa taong may Psoriasis, tumatagal lamang ng 3 hanggang 7 araw ang buong proseso na ito. Dahil dito kaya naiipon sa balat ang mga immature na skin cell, na nagreresulta sa makati at bitak-bitak na mapulang balat na karaniwang nauugnay sa Psoriasis.

Posibleng magkaroon ng Psoriasis sa anumang bahagi ng katawan na may balat. Maaari din nitong maapektuhan ang kuko ng isang tao, na nagiging dahilan upang ito ay maging bako-bako o deformed.

Isa rin itong chronic na kondisyon, at sa kasalukuyan, wala pa ring gamot para sa Psoriasis. Ngunit may mga treatment na makatutulong sa mga tao para mabantayan nang mabuti ang kanilang kondisyon. Pati na rin lifestyle changes at coping mechanisms na maaaring malaman ng mga tao para magkaroon ng mas maginhawang pamumuhay sa kabila ng kanilang kondisyon.

Bakit Ito Nangyayari?

Ngayong may ideya na tayo kung ano ang Psoriasis, oras na para pag-usapan kung ano ang nag-ti-trigger ng biglaang pagdami ng skin cells sa mga taong may psoriasis. Naniniwala ang mga doktor na overactive immune system ang dahilan ng Psoriasis. Ang nangyayari, imbis na labanan ang foreign bodies at invaders, inaatake ng immune system ang sarili nitong cells. Sa kaso ng Psoriasis, skin cells ang mismong inaatake nito.

At para mabawi ang mga nawalang skin cells, magsisimulang gumawa ng mas maraming skin cells kaysa sa karaniwan ang katawan. Dahil dito kaya naiipon ang skin cells at nagkakaroon ng pamamaga na karaniwang nauugnay sa Psoriasis.

Bukod sa epekto nito sa balat, maaari ding magdulot ng pamamaga sa loob ng katawan ang Psoriasis. Humigit-kumulang isa sa tatlong taong may Psoriasis ang nakararanas ng kondisyon na Psoriatic Arthritis. Nangyayari ito tuwing nagkakaroon ng arthritis ang taong may Psoriasis, na isa ring autoimmune disease.

Nakahahawa ba ang Psoriasis?

Ang pagiging nakahahawa ng psoriasis ang isa sa pinaka karaniwang maling kuro-kuro tungkol dito. Kapag nakakakita ng mapula at bitak-bitak na balat ang isang tao, iniisip nila kaagad kung “nakahahawa ba ang psoriasis?” Ngunit ang totoo, walang tsansa na maipasa ang psoriasis mula sa isang tao papunta sa iba.

Dahil isa itong autoimmune disease, at hindi nakahahawang sakit na dulot ng virus o bakterya. Ligtas kang makakalapit sa isang taong may Psoriasis, at hindi rin magdudulot ng problema kahit hawakan pa ang kanilang balat.

Ano ang dahilan ng Psoriasis?

Hanggang ngayon, hindi pa rin malinaw kung ano ang tiyak na sanhi ng mga pagbabago sa immune system na nagiging dahilan ng Psoriasis. Ngunit alam natin na maaaring magdulot ng sintomas ng Psoriasis sa isang tao ang mga mag-ti-trigger dito. Posibleng hindi rin magkaroon ng sintomas ang isang tao sa loob ng maraming taon. Kaya kapag nagkaroon ng mag-ti-trigger dito, maaaring lumabas na lamang ang mga sintomas.

Ito ang dahilan kung bakit kailangang malaman ng mga taong may Psoriasis ang makakapag-trigger ng kanilang sintomas. Malaking tulong na malaman kung paano maiwasan ang mga trigger na ito, uminom ng gamot, at magkaroon ng lifestyle changes upang tumaas ang posibilidad na hindi na ulit lumabas ang mga sintomas.

Maaaring walang lunas para sa Psoriasis, ngunit may mga paraan upang mabantayan ito at mabawasan ang mga sintomas.

Kaya kung ikaw, o isang taong kilala mo, ang nag-aalala at nag-iisip kung “nakahahawa ba ang Psoriasis?,” hindi na kailangang mag-alala. Walang paraan na maipapasa ang Psoriasis sa ibang tao.

Matuto pa tungkol sa Psoriasis dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

1 Psoriasis – Causes – NHS, https://www.nhs.uk/conditions/psoriasis/causes/#:~:text=Psoriasis%20occurs%20when%20skin%20cells,the%20deepest%20layer%20of%20skin, Accessed October 29,2021

2 Psoriasis – Symptoms and causes – Mayo Clinic, https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/psoriasis/symptoms-causes/syc-20355840, Accessed October 29,2021

3 Psoriasis: Causes, Triggers and Treatments: National Psoriasis Foundation, https://www.psoriasis.org/about-psoriasis/, Accessed October 29,2021

4 Psoriasis: Causes, https://www.aad.org/public/diseases/psoriasis/what/causes, Accessed October 29,2021

5 Psoriasis: Symptoms, Causes Treatment, Plaque Psoriasis, https://my.clevelandclinic.org/health/diseases/6866-psoriasis, Accessed October 29,2021

Kasalukuyang Version

06/20/2023

Isinulat ni Daniel de Guzman

Narebyung medikal ni Mia Dacumos, MD

In-update ni: Mia Labrador, MD


Mga Kaugnay na Post

Shampoo Para Sa Psoriasis: Ano Ang Pinakamainam Na Gamitin?

Psoriasis Sa Anit: Bakit Nagkakaroon Nito, At Ano Ang Puwedeng Gawin?


Narebyung medikal ni

Mia Dacumos, MD

Nephrology · Makati Medical Center


Isinulat ni Daniel de Guzman · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement