Napapansin mo ba na madalas mangati ang iyong balat ngunit hindi mo pa rin matukoy kung anong ugat nito? Hindi ka dapat mabahala dahil ang artikulong ito ay magbibigay sayo ng karampatang impormasyon tungkol sa pruritus at iba’t ibang mga gamot sa pangangati ng balat.
[embed-health-tool-child-growth-chart]
Pag-unawa Kung Ano ang Pangangati ng Balat
Isang hindi komportable at hindi kaaya-ayang pakiramdam ang pangangati na nagdudulot ng pagkamot ng apektadong lugar. Sa larangang medikal, ito ay tinatawag na pruritis. Maaari itong mangyari sa kahit na anong bahagi ng katawan. Halimbawa na lang ang maliliit na bahagi na nakapaligid sa mismong kagat ng insekto (localized). O kaya naman sa buong katawan (generalized) na maaaring magdulot ng mga pantal o iba pang mga senyales ng allergic reaction.
Bukod pa rito, maaari rin itong buhat ng tuyong balat na karaniwan sa mga matatanda. Ito ay dahil malaki ang posibilidad ng pagtuyo ng balat habang tumatanda.
Depende sa sanhi ng pangangati, ang balat ay maaaring magmukhang normal, mapula, magaspang, o mabukol. Ang paulit-ulit na pagkamot ay maaaring magdulot ng pagkapal ng bahagi ng balat na maaaring magdugo o magkaroon ng impeksyon.
Kung kaya, ang mga gamot sa pangangati ng balat ay mahalaga upang maiwasan ang paghantong nito sa mas malalang sitwasyon.
Ano ang mga Pangkaraniwang Sanhi ng Pangangati?
Mayroong iba’t ibang mga dahilan kung bakit maaaring makati ang iyong balat tulad ng mga sumusunod:
- Kondisyon ng balat. Kabilang dito ang tuyong balat (xerosis), eczema, psoriasis, scabies, parasites, pagkasunog, pagpepeklat, pagkagat ng insekto, at pantal.
- Internal diseases. Ang pangangati ng buong katawan ay maaaring sintomas ng nakatagong sakit. Anemia, diabetes, sakit sa atay, sakit sa bato, mga problema sa thyroid, maging ang multiple myeloma o lymphoma ay ilan sa mga posibleng karamdaman.
- Nerve disorders. Kabilang sa halimbawa ang multiple sclerosis, pinched nerves, at shingles (herpes zoster).
- Psychiatric conditions. Anxiety, obsessive compulsive disorder, at depression ang ilan sa mga maaarong dahilan ng pangangati ng balat.
- Pangangati at iba pang allergic reactions. Maaaring magdulot ng pangangati at mga pantal ang wool, sabon, mga kemikal, at iba pang mga sangkap. Gayundin, ang ilang mga gamot tulad ng opiods (narcotic pain medications).
Ano-ano ang mga Gamot sa Pangangati ng Balat?
Dahil maraming maaaring sanhi, mayroon din iba’t ibang gamot sa pangangati ng balat.
Ang unang hakbang sa pamamahala ng makating balat ay maiwasan ang panganib na mangyari pa lamang ito. Posible itong maisagawa sa pamamagitan ng araw-araw na pagligo, pag-moisturize, at paggamit ng mga iniresetang gamot. Nakatutulong din ang wet wrap therapy upang makontrol ang kati. Matapos maligo, mangyaring tuloy-tuloy ang pag-apply ng mga moisturizer na may ceramide upang magreplenish ang skin barrier.
Ilan din sa mga natural at maaaring gawin sa bahay na gamot sa pangangati ng balat ay ang mga sumusunod:
- Pag-iwas sa pagkamot ng balat; tapik-tapikin na lang ito imbes na lumala pa sa pagkamot.
- Paggamit ng mga maluluwag at preskong damit.
- Pag-iwas sa mga maiinit at maalinsangang lugar.
- Panatilihing maikli ang iyong mga kuko.
- Pagligo sa malamig o maligamgam na tubig upang maibsan ang pangangati.
- Pagbabad ng colloidal oatmeal o baking soda habang naliligo. Maaari mo ring direktang ilapat ito sa balat bilang isang paste.
- Pag-inom ng antihistamine o ibang over-the-counter corticosteroid upang makatulog nang maayos kahit nangangati.
- Paglagay ng cold compress sa apektadong lugar.
- Paglagay ng cooling agents tulad ng menthol o calamine sa naturang bahagi ng katawan. Makatutulong din ang patuloy na paggamit ng moisturizing lotion o cream na may ceramides at walang amoy upang mas mabawasan ang pangangati
- Paggamit ng humidifier sa pagtulog.
- Pag-iwas sa stress.
Dagdag pa rito, maaari ring mabawasan ang mga sintomas ng pangngati sa paggamit ng topical at immunosuppresant medications, at phototherapy.
Mahalagang Mensahe
Lahat ng tao ay maaaring mangati. Ngunit, minsan ay nakakailang at nakakabahalang pakiramdam lalo na kung ito ay patuloy-tuloy. Mayroong mga gamot sa pangangati ng balat na maaari mong gawin sa bahay upang maibsan ang pakiramdam na dulot nito. At higit sa lahat, makaiiwas ka rin sa paglala ng kondisyon ng iyong balat.
Alamin ang iba pa tungkol sa Pangangalaga ay Pangangati sa Balat dito.