Bilang bahagi ng proseso ng pagtanda, dapat nating asahan ang paglaylay ng ating balat, lalo na sa bahagi ng mukha at paligid ng mga mata. Dahil dito, maaaring naghahanap ka ng mga gamutan at paraan upang malabanan ang mga senyales ng pagtanda ng balat. Pamilyar ka ba sa brow lift? Basahin ang artikulong ito upang malaman kung ano ang brow lift.
Ano Ang Brow Lift?
Ang brow lift ay kilala ring forehead lift o forehead rejuvenation. Subalit ano nga ba ang brow lift? Ito ay isang cosmetic procedure na nakatutulong sa pagtaas ng kilay. Ang espasyo sa pagitan ng kilay at pilikmata ay lumiliit habang ang balat at malalambot na tissues ay nawawalan ng elastisidad. Kaya naman, ang parehong kilay at noo ay ang mga unang bahagi ng mukha na kakikitaan ng iba’t ibang senyales ng pagtanda, tulad ng:
- Wrinkles
- Vertical creases
- Frown lines
- Deep forehead furrows
Ang prosesong ito mismo ay nagtatanggal ng sobrang taba at balat habang pinasisikip din ang grupo ng muscles sa paligid ng noo. Dagdag pa, nakatutulong din itong mapabuti ang itsura ng itaas na bahagi ng mata upang mas batang tingnan ang isang tao.
Maaaring ang gamutang ito lamang ang isagawa o kasama ng iba pang facial procedures tulad ng blepharoplasty, facelift, o laser resurfacing ng balat.
Ano Ang Brow Lift? Mga Iba’t Ibang Uri
May tatlong iba’t ibang uri ang prosesong ito, ang classic o coronal brow lift, endoscopic brow lift, at temporal brow lift.
Sa iyong unang appointment, itatanong ng surgeon ang maraming mga katanungan at susuriing mabuti ang istruktura ng iyong mukha, texture ng balat, kulay, at elastisidad. Makatutulong ito sa inyong dalawa kung anong opsyon, mula sa tatlo, ang pinakamainam para sa iyo.
1. Classical o Coronal Brow Lift
Tulad ng anomang iba pang operasyon, ang tradisyunal na uring ito ay gumagamit din ng anesthesia para sa mga pasyente. Bukod dito, ito rin ay kinabibilangang ng proseso ng paghiwa. Nagsisimula ang paghiwa sa kasing taas ng lebel ng tainga hanggang sa noo papunta sa kabilang tainga. Maaari ding piliin ng surgeon ang maingat na pagtaas ng balat ng noo kung kinakailangan. Matapos tanggalin ang sobrang balat, tatahiin ng surgeon ang tahi at saka maglalagay ng dressings at benda.
2. Endoscopic Brow Lift
Ang endoscopic brow lift ay gumagamit din ng anesthesia para sa mga pasyente sa kabila ng pagiging minimally invasive procedure nito. Kinokontrol ng surgeon ang espesyal na equipment upang maingat na tanggalin at itaas ang tissue ng kilay matapos gumawa ng isang set ng maliit na hiwang nakatago sa ilalim ng buhok.
Sa kabuoan, ang prosesong ito ay may mas maikling panahon ng paggaling at mas kaunting hiwa at pasa kaysa sa tradisyunal na paraan.
3. Temporal Brow Lift
Ang isa pang minimally invasive na uri ng proseso ay ang temporal brow lift, na isinasagawa nang may local anesthesia. Ang scaled-back endoscopic lift ay maaaring may maaasahang resulta habnag nangangailangan ng kaunting pahinga.
Ano Ang Brow Lift? Mga Posibleng Panganib At Komplikasyon
Ang surgical procedure na ito ay may maraming mga panganib, kabilang na ang mga sumusunod:
- Pagkakapilat
- Pagbabago ng pakiramdam ng balat (na maaaring panandalian o permanenteng pamamanhid sa noo o tuktok ng anit)
- Hindi pantay na pagkakaposisyon ng kilay
- Pagkalagas ng mga buhok
- Mga problema sa paggalaw ng kilay
Ito rin ay may kaakibat na mga panganib na karaniwan sa anomang ibang malaking operasyon tulad ng pagdurugo, impeksyon, at matinding reaksyon sa anesthesia.
Mga Dapat Asahan Matapos Ang Operasyon
Upang maiwasan ang pamamaga matapos ang operasyon, maaaring maluwag na nakabalot ang iyong noo. Dagdag pa, ang maliit na tubo sa bahagi kung saan may hiwa ay nakatutulong upang matanggal ang sobrang fluid.
Magbibigay ang iyong doktor ng mga tiyak na panuto kung paano ingatan ang iyong tahi. Sa mga unang araw matapos ang brow lift, maaaring ipahinga muna ang iyong noo at umiinom ng iniresetang pain relievers. Bukod pa rito, maaari ding maglagay ng cold compress upang maiwasan ang pamamaga.
Mahalagang malamang ang pangangati at pamamanhid ay maaaaring mangyari habang gumagaling ang tahi, subalit dapat itong mawala sa paglipas ng oras. Kung ang iyong tahi ay may benda, marahil ay tatanggalin ito ng iyong doktor sa loob ng 1-3 araw. Sa kabilang banda, ang tahi ay kadalasang tatanggalin sa loob ng 7-10 araw.
Gayundin, kumonsulta sa iyong doktor upang malaman kung kailan ligtas na bumalik sa pagsasagawa ng mga araw-araw na gawain. Kabilang dito ang paliligo at pagtutuyo ng buhok, maging ang paliligo.
Key Takeaways
Ang pagtaas ng malambot na tissue at balat ng iyong noo at kilay ay nakatutulong upang maging mas bata ang itsura ng isang tao. Gayunpaman, tulad ng bawat operasyon, ang brow lift ay may kaakibat ding mga panganib. Mahalagang kumonsulta sa iyong surgeon tungkol sa mga panganib at benepisyo ng anomang elective cosmetic surgery procedure upang makagawa ng mainam na desisyon para sa iyong kalusugan at mga layunin.
Matuto pa tungkol sa Pag-aalaga at Paglilinis ng Balat dito.