Nagtatanong ang maraming tao kung nawawala ba ng kusa ang ingrown sa paa dahil ang pagkakaroon ng ingrown ay isang malaking discomfort para sa marami. Pwede kasing makaranas ng pananakit ng paa at kuko ang isang indibidwal dahil sa kanilang ingrown na kuko, lalo na kung ito ay napapabayaan at hindi nabibigyan ng angkop na treatment.
Kaya naman napakaganda na malaman ang katotohanan kung nawawala ba ng kusa ang ingrown sa paa upang maiwasan ang anumang maling paggamot sa ating mga kuko.
Basahin mo ang artikulong ito para malaman ang kasagutan at matutunan ang mga mahahalagang impormasyon tungkol sa ingrown.
Ano Ang Ingrown Na Kuko?
Posibleng magkaroon ng ingrown na kuko sa paa ang lahat ng tao at magdulot ng matinding pananakit sa kanila. Ang ingrown ay tumutukoy sa hindi normal na pagtubo ng mga kuko at pagsiksik nito sa ilalim ng ating mga balat.
Mga Sintomas Ng Pagkakaroon Ng Ingrown
Narito ang initial symptoms ng ingrown sa paa:
- Pamumula ng toenail
- Panlalambot ng mga gilid ng toenail na may kasamang pananakit
- Ang balat na nakapalibot sa toenail ay namamaga o matigas
- Mayroong build-up fluid sa kuko o gilid ng kuko
- Pananakit sa kuko kapag nilalagyan ito ng pressure
Epekto Ng Ingrown Sa Paa
Sa pagkakaroon ng ingrown na kuko, maaaring magresulta ito sa mga sumusunod:
- Pananakit ng paa at mismong kuko na may ingrown na kuko
- Hindi komportable na paglalakad
- Pagkakaroon ng pagsusugat sa paa at kuko
Tandaan na sa mga malalang kaso pwedeng magdulot ng impeksyon ang ingrown na kuko lalo na kung hindi ito mabibigyan ng angkop na treatment. Pero madali naman masolusyunan ang problema sa ingrown lalo na kung maayos na magugupitan ang mga humahabang kuko sa’ting mga paa. Ngunit tandaan na hindi pa rin mawawala ang panganib na tumubo muli ang ingrown. Kaya mas mainam na maging maingat sa paraan ng paggupit at pagtanggal ng ingrown na kuko. Sa ganitong pag-iingat hindi mauuwi sa anumang komplikasyon ang mga sugat na matatamo mula sa paggamot dito. Dahil sa oras na magkaroon ng sugat o matanggalan ka ng balat mas madaling makakapasok ang bacteria na pwedeng maging dahilan ng impeksyon.
Paano Malalaman Kung Infected Na Ang Ingrown Na Kuko?
Narito ang list ng mga palatandaan ng toe infection:
- Pamumula at pagkakaroon ng inflamed skin
- Panlalambot
- Pamamaga
- Pus discharge
- Pagdurugo
Nawawala Ba Ng Kusa Ang Ingrown Sa Paa?
Bagamat karaniwan na sa maraming tao ang pagkakaroon ng ingrown na kuko, maaaring kusang mawala ito kahit walang intervention na gawin para dito. Pero kadalasan ang mga tao ay ginagamot o inaalis ito sa bahay dahil ayaw nilang maabala na mga discomfort na pwedeng ibigay sa kanila ng ingrown.
Dagdag pa rito ang maagang treatment sa’yong ingrown na kuko ay makakatulong para sa mabilis na pagpapagaling ng kuko at pagbaba ng risk ng infection. Ngunit dapat ka pa ring maging maingat at narito ang ilang mga tip kung paano aalisin ang ingrown na kuko:
- Pagbabad ng paa sa tubig ng ilang minuto upang maibsan ang pananakit ng paa. Tandaan lamang na ang init at lamig ng tubig ay depende sa kagustuhan ng isang tao na may ingrown.
- Bigyan ng wastong treatment ang kuko sa pamamagitan ng pagtiyak na pantay at maayos ang pagkakagupit ng kuko.
- Iwasan mong pudpurin ang iyong kuko.
- Kung nagkasugat ka dahil sa ingrown na kuko, gamutin ito nang maayos para maiwasan ang anumang impeksyon. Maaari kang magpakonsulta sa doktor upang mabigyan ka ng wastong payo at paggamot.
- Iwasan ang pagsusuot ng masisikip na sapatos.
Kailan Dapat Magpakonsulta Sa Doktor?
Sa oras na hindi gumaling ang kuko o paa sa loob ng 2-3 araw, ipinapayo na magpakonsulta sa doktor. Ito’y upang hindi lumala ang pamamaga at makita kung mayroon bang infection mula sa sugat.
Ang mga tao rin na mayroong medical condition gaya ng diabetes ay ipinapayo na magpakonsulta sa doktor lalo na kung nagkaroon ng sila ng sugat dahil sa ingrown na kuko.
Ang lahat ng mga nabanggit sa artikulo ay hindi kapalit ng anumang medikal na payo, diagnosis at treatment. Kaya naman ipinapayo na hindi ka dapat maging padalos-dalos sa paggamot lalo na kung mapapansin na lumalala na ang iyong ingrown. Mas makakabuti kung magpapakonsulta sa doktor lalo na kung mayroon kang medikal na kondisyon tulad ng diabetes.
Iwasan mo rin ang paulit-ulit na pag-trim sa kuko at paglalagay ng ating mga paa sa lugar na pwedeng pagmulan ng bakterya. Siguraduhin din natin na malinis ang ating mga kasangkapan na gagamitin sa paglilinis ng kuko at paggamot sa ingrown.
Matuto pa tungkol sa Pangangalaga ng Kuko dito.