Habang nag-aayos ka ng iyong buhok, napansin mo na mayroong mga puti-puti na nahuhulog mula sa iyong scalp. Dahil dito, bigla kang napatanong sa iyong sarili kung ano ang posibleng nagdulot ng pagkakaroon mo ng balakubak. Ito ba ay buhat ng hindi tamang paggamit ng shampoo? O totoo bang nagkakadandruff kapag stress? Alamin kung bakit nagkakaroon ng ganito at ang posibleng solusyon para rito.
Pag-Unawa Sa Kondisyon
Mapa bata o matanda, karaniwan ang pagkakaroon ng tinatawag na balakubak o dandruff sa Ingles. Ito ay tumutukoy sa kondisyon ng anit kung saan mayroong mga maliliit na piraso ng tuyong balat na natatanggal mula sa anit.
Binubuo ang top layer ng balat ng mga dead cells, na nagbibigay proteksyon sa mga mas marurupok na mga cells sa ibaba. Normal para sa mga ito na malaglag o maalis dahil ang katawan ay patuloy na gumagawa ng mga bagong cells. Gayunpaman, mas malalaking “scales” ang nahuhulog at mas mabilis itong nangyayari kapag ito ay kinikilala na bilang balakubak.
Sanhi ito ng isang fungus, ang Malassezia, na nagdudulot ng pagkairita sa sebaceous glands. At kapag na-trigger ang immune response, humahantong ito sa pagkakaroon ng scaly rash.
Bukod pa rito, maaari rin itong dulot ng irritated at oily na balat, contact dermatitis buhat ng pagkasensitibo sa ilang mga produkto para sa buhok, maging ang ilang mga kondisyon sa balat tulad ng psoriasis at eczema.
Ang ibang tao ay kinikilala rin ito bilang mild form ng seborrheic dermatitis. Ito ay tumutukoy sa isang mapula, makati, at makaliskis na reaksyon. Maaaring maapektuhan ang iba pang bahagi ng katawan, kabilang ng mukha, kilay, balbas, at gitnang bahagi ng dibdib.
Bagaman hindi naman ito malala o nakakahawa, hindi pa rin maiiwasan ang pagkakailang buhat ng pagkakaroon nito.
Ano Ang Senyales Ng Pagkakaroon Ng Balakubak?
Ilan sa mga karaniwang senyales at sintomas ng pagkakaroon ng balakubak ay kinabibilangan ng mga sumusunod:
- Pagkakaroon ng skin flakes sa anit, buhok, kilay, balbas, bigote, o balikat
- Pangangati ng anit
Ang mga sanggol ay maaari ring magkaroon ng scaly at crusty scalp kasabay ng pagkakaroon ng cradle crap. Malaki rin ang posibilidad na mapalala ng stress at malamig na panahon ang naturang kondisyon.
Karaniwang nagsisimula ang balakubak sa young adulthood at nagpapatuloy hanggang middle age. Ngunit hindi ibig sabihin nito na hindi maaaring magkaroon ang mga mas matatanda. Dagdag pa rito, mas madalas ito sa mga lalaki kaysa sa mga babae. Para sa ilang mga tao, ang problemang ito ay maaaring panghabambuhay.
Paano Ginagamot Ang Balakubak?
Ang pinaka-epektibong paraan upang gamutin at kontrolin ang balakubak ay sa pamamagitan ng paggamit ng anti-dandruff shampoo at mga scalp treatments. Karaniwang kabilang ang isa o higit pang mga active ingredients sa mga naturang klase ng shampoo:
- Coal tar
- Fluocinolone
- Ketoconazole
- Salicyclic acid
- Selenium sulfide
- Zinc Pyrithione
Inirerekomenda rin ng mga dermatologists na palitan ang regular na shampoo ng antifungal shampoo kapag lumitaw ang mga dandruff. Maaaring kailanganin ang regular na paggamit ng mga dandruff shampoo para makontrol ito. Habang bumubuti ang mga sintomas, maaaring minsanan na lang ang paggamit nito.
Bukod pa rito, mahalaga rin ang pamamaraan ng paghugas ng buhok. Para sa pinakamagandang benepisyo, maaari mong sabunin ang buhok ng dalawang beses. Sa pangalawang pagkakataon, iwanan ito sa iyong buhok sa loob ng limang minuto bago tuluyang banlawan. Ang paglaan ng ilang minuto ang makapagbibigay ng oras para umaksyon ang gamot nang maayos.
Ang dalas ng pag-shampoo ay nag-iiba sa bawat tao. May ilan na maaaring kailanganing mag-shampoo dalawang beses sa isang linggo, habang ang iba naman ay mas madalas o araw-araw.
Marami ang nakakalimot na bahagi ang anit sa dapat sabunin. Makatutulong ang pagmamasahe sa anit upang maisulong ang sirkulasyon, ngunit ang pagkayod sa anit ay maaaring makapinsala.
Key Takeaways
Bagaman marami ang naniniwala na ang dandruff ay buhat ng poor hygiene, wala itong katotohanan. Kadalasan ang naturang kondisyon ay hindi naman nangangailangan ng medikal na atensyon. Maaari itong masolusyunan sa pamamagitan ng paggamit ng gentle daily shampoo o mga anti-dandruff shampoo na mayroong mga nabanggit na active ingredients.
Alamin ang iba pa tungkol sa Pangangalaga Sa Buhok at Anit dito.