Hindi man katapusan ng mundo ang pagkawala ng iyong buhok ay nais mo pa ring malaman kung ano ang dahilan ng pagkakalbo. Para sa karamihan ng mga tao, ito ay hindi katanggap-tanggap. Maaaring iniisip mo kung ano ang maaari mong gawin upang maiwasan ito o ang tinatawag na alopecia. Ayon sa NYU Langone Health, 80 porsyento ng mga lalaki at 50 porsyento ng mga babae ang nakakaranas ng pagnipis o pagkawala ng buhok.
Habang tumatanda ay bumabagal ang pagtubo ng iyong buhok. May mga taong nagkakaroon ng alopecia kahit bata pa dahil sa genetics. Maiiwasan ang pagkakalbo ngunit kailangan ang maagang interbensyon. Ang pagkawala ng buhok ay isang progresibong kondisyon at lumalala lamang sa paglipas ng panahon. Umaabot sa punto kung saan hindi na ito magagamot.
Mga dahilan ng pagkakalbo
1. Heredity dahilan ng pagkakalbo
Ang pinakakaraniwang sanhi ng pagkakalbo ay ang isang kondisyon na namamana. Ang ilang pagkakalbo na maaaring dulot ng mana ay ang androgenic alopecia, male-pattern baldness, at female-pattern baldness. Ito ay kadalasang nangyayari nang unti-unti at sa mga predictable na patterns. Maaaring umuurong na linya ng buhok at mga kalbo sa mga lalaki at pagnipis ng buhok sa kahabaan ng korona ng anit sa mga babae.
Ang mga lalaki at babae ay nagkakaroon ng ganitong uri ng pagkawala ng buhok. Nangangahulugan ito na minana mo ang mga genes na nagiging sanhi ng pagliit ng iyong mga hair follicles. Maaaring magsimula ito sa iyong kabataan, ngunit karaniwan ay sa pagtanda.
2. Stress dahilan ng pagkakalbo
Maaaring mauwi sa pagkakalbo ang stress, pagkabalisa at ang sumusunod na kondisyon:
Telogen effluvium
Ang kondisyong ito ay karaniwang sanhi ng pansamantalang paglagas ng buhok. Ito ay kadalasang nagtatagal ng tatlo hanggang anim na buwan. Maaaring itulak ng stress ang mga hair follicles sa isang yugto ng pagpapahinga. Sa paglipas ng panahon, ang buhok ay maaaring mas madaling malaglag. Ang telogen effluvium ay maaari ding sanhi ng hindi masustansya at sapat na nutrisyon at pagbabago sa mga antas ng hormones.
Trichotillomania
Maaaring literal na hinuhugot mo ang iyong buhok kapag ikaw ay na-stress o tensyonado. Ito ay isang senyales ng trichotillomania at maaaring maging dahilan ng pagkakalbo. Sa ganitong sikolohikal na kondisyon, ang mga tao ay humaharap sa mga negatibong emosyon sa pamamagitan ng paghila ng buhok mula sa anit, mukha, at iba pang bahagi ng katawan. Ito ay kadalasang nakikita sa mga teenagers na babae.
Alopecia areata
Inaatake ng iyong immune system ang mga hair follicles ng buhok, na nagiging dahilan ng pagkakalbo. Sa ilang mga kaso, ang alopecia areata ay maaaring sanhi ng pagnipis ng buhok. Sa ibang mga kaso, maaaring magdulot ng mga bald spot. Maaaring tumubo muli ang buhok sa paglipas ng panahon, pagkatapos ay malalaglag muli. Hindi sigurado ang mga doktor kung ano ang nagiging sanhi ng alopecia areata.
3. Sobrang pag-aayos ng buhok
Ang sobrang pag-istilo ng buhok ay maaaring maging dahilan ng pagkakalbo. Isang sanhi din ang mahigpit na pagtali sa buhok tulad ng pigtails o cornrows at ang hot oil treatments. Kung magkakaroon ng pagkakapilat, maaaring maging permanente ang pagkawala ng buhok. Ang paulit-ulit na paghila ay maaaring maging sanhi ng pagkasira o pagkalaglag ng mga hibla ng iyong buhok.
4. Hormonal changes at medical problems
Mas mabagal at manipis ang pagtubo ng buhok kapag bumaba ang mga antas ng estrogen at progesterone. Ang pagbaba ng mga hormone na ito ay nagdudulot ng pagtaas sa produksyon ng androgens. Pinaliliit ng androgens ang mga follicle ng buhok, na nagiging dahilan ng pagkakalbo.
Ang iba’t ibang mga kondisyon ay maaaring maging dahilan ng pagkakalbo. Kabilang dito ang:
- Pagbubuntis
- Panganganak
- Menopause
- Mga problema sa thyroid
- Alopecia areata
- Impeksyon sa anit tulad ng ringworm
5. Kakulangan sa nutrisyon
Ang kakulangan sa nutrisyon ay maaaring maging dahilan ng pagkakalbo. Ang mababang antas ng iron, Vitamin D, at zinc ay nauugnay sa labis na paglalagas at pagkawala ng buhok.
Sa karamihan ng mga kaso, madaling maitama ang mga kakulangan sa bitamina gamit ang mga supplements. Karaniwang gagawa ng pagsusuri ng dugo ang iyong doktor bago magrekomenda ng supplement.