Isa ka ba sa mga nagtatanong kung paano alagaan ang kilikili, dahil gustong mong ma-achieve ang flawless at maputing kulay ng balat para sa iyong underarm? Huwag kang mag-aalala, narito sa artikulong ito ang kasagutan sa lahat ng iyong mga tanong.
Nagsagawa ang Hello Doctor ng interbyu kay Dr. Jaeim Maranan para malaman natin kung paano alagaan ang kilikili, at bakit nagiging maitim ang underarm ng isang tao.
Patuloy na basahin ang artikulong ito.
Doc, bakit big deal ang pagiging maitim ng kilikili sa mga tao?
Doc Maranan: Iba’t-iba ang dahilan ng mga tao kung bakit nagiging “big deal” ang pagiging maitim ng kilikili ng mga tao.
Una, maaaring hindi ganito ang estado ng kilikili dati at nakakapanibago ang itsura dulot ng pagbabago ng kulay.
Pangalawa, may nagiging impact ang pagiging maitim na kilikili sa self-esteem ng tao. Samakatuwid, bumababa ang self-esteem ng isang tao dahil sa konsepto ng media ng kung ano ang maganda, dapat, o perpekto, at dahil sa nature natin to strive for beauty or perfection, nagkakaroon ng malaking impact kung hindi natin ito nakakamtan.
Pangatlo, may mga taong hindi nakakapag-sleeveless dahil sa hiya makita ang “hindi perpektong” kilikili.
Sa kabuuan, nagkakaroon ito ng impact dahil ito ay nagdudulot ng malaking pagbabago sa cosmetic at psychosocial na aspeto ng pamumuhay ng isang tao.
Normal lamang ba Doc ang pagkakaroon ng maitim na kilikili? Bakit?
Doc Marana: Depende, maaaring hindi ito normal kung biglaan ang pagbabago, o kung dulot ito ng ibang sakit o kundisyon, tulad ng diabetes, obesity, hormonal disorders, ibang gamot, o cancer. Ngunit kung wala namang existing na sakit, sabi nga ng American Osteopathic College of Dermatology, kadalasan ito ay common at harmless.
Normal rin ito sa sense na hindi ito nagdudulot ng sintomas na nakakasagabal sa araw-araw na gawain. Hindi rin ito nangangailangan ng medikal na solusyon maliban na lamang kung kagustuhan ng pasyente.
Paano nagiging maitim ang kilikili ng isang tao, doc?
Doc Maranan: Para mas maintindihan natin, kailangan natin i-discuss na ang kulay ng balat ay base sa melanin. Ngayon, kung mas madaming nagagawang melanin sa epidermis o dermis, ito ay nagiging hyperpigmentation sa balat o nagdudulot ng pangingitim.
May mga kondisyon tulad ng acanthosis nigricans kung saan may pangingitim sa mga kili-kili, sa singit or sa batok, na kadalasang nauugnay sa obesity, diabetes, o abnormal hormone levels. Bukod dito, maaaring ito ay dulot ng iritasyon sa balat ng dahil sa shaving, pwede ring sa pagkiskis ng kilikili sa madalas na pagsuot ng masisikip na damit, madalas o sobrang page-exfoliate, o pwede ring dulot ng mga kemikal galing sa deodorants.
Anu-ano doc ang mga paraan kung paano aalagaan ang kilikili?
Doc Maranan: Para mabawasan ang iritasyon sa balat na dulot ng madalas na pagshe-shave, maaaring bawasan o tuluyang itigil ito at magpa-wax o magpa-laser na lang. Kung walang choice kundi mag-shave at mas preferred ito, gumamit na lang palagi ng malinis at bago na razor. Palagi ring gumamit ng shaving cream o gel kapag nagshe-shave. Hindi makabubuti kung magshe-shave ng dry ang skin dahil mas prone ito sa pangingitim at pagkasugat ng dahil sa friksyon.
Maaari rin na baguhin ang deodorant, dahil maaaring may ibang mas mabisang deodorant or anti-perspirant, at magsuot ng maluluwag at kumportableng damit.
Bilang doktor ano ang maipapayo mo sa mga taong nais alagaan ang kanilang kilikili?
Doc Maranan: Importante ang imahe natin at na mapangalagaan ang self-esteem natin, kung kaya’t nagiging impactful ang maiitim na kilikili. Ngunit tandaan na sa katunayan, na mas marami ang mayroong maitim na kili-kili at ito ay normal at natural na reaksyon ng katawan kung walang kaakibat na kondisyon.
Ngayon kung ang kadahilanan ng pag-itim ng kilikili ay dulot ng kaakibat na kondisyon na nangangailangan inuman ng gamot, mas maigi na kumonsulta sa doktor. Pero kung ito naman ay hindi dulot ng kasamang sakit, maaari naman kumonsulta sa doktor ukol sa mga paraan para mapaputi ito.
Dapat tandaan na ang pagpapaputi ng kilikili ay kinakailangan rin pagtiyagaan dahil hindi ito madali. Kadalasan ay nangangailangan ito ng mahabang oras para ma-achieve, lalo na kung hindi gagamit ng procedure tulad ng laser, etc.
Pero pinaka-importante tandaan na kahit maitim ang kilikili ay pwedeng isuot ang kahit na anong gusto isuot. Kung maaari ay wag magpadala sa opinyon o sinasabi ng ibang tao–ang importante ay kumportable at masaya ka sa sarili mong katawan.
Matuto pa tungkol sa Kalusugan ng Balat dito.