backup og meta

Kagat Ng Surot: Paano Ito Magagamot, At Paano Ito Maiiwasan?

Madalas ay natatakot ang marami sa atin sa kagat ng surot dahil sa discomfort na pwede nitong idulot sa’tin gaya ng pangangati ng katawan. Kilala rin sa tawag na “bed bugs” ang mga surot at kadalasang lumalabas sa gabi upang makakuha ng warm-blooded animals at dugo ng tao. Karaniwan na sumisiksik ang mga surot sa ating kama at mayroon silang mabilis na paggapang. 

Kagat Ng Surot: Paano Ito Magagamot, At Paano Ito Maiiwasan?

Ang mga surot ay maitim at maliliit na insekto na mahilig mamahay sa muebles, sahig, at dingding ng ating bahay. Hindi lumilipad at tumatalon ang mga surot, pero maaari itong mag-iwan ng mga mapupula at makating marka sa iba’t ibang bahagi ng ating katawan. Kaya naman ang karaniwang tanong ng mga taong nakagat ng surot ay kung paano ito maiiwasan at magagamot.

Alamin sa artikulong ito.

Paano Natin Pwedeng Iwasan Ang Kagat Ng Surot?

Madaling nakakagala, nakakapunta, at nakakakapit ang surot sa iba’t ibang kagamitan. Kaugnay nito, malaki ang posibilidad na mapadpad sa ating mga gamit ang surot at maiuwi mo sila nang hindi mo namamalayan.

Kaya naman gumawa kami ng list ng mga paraan na maaari mong gawin para maiwasan ang kagat ng surot at pagkakaroon nito sa’yong tahanan. Narito ang mga sumusunod:

  • Panatilihin at regular na maglinis ng bahay at mga gamit na pwedeng pamahayan at itlogan ng mga surot at iba pang mga insekto.
  • Kapag ikaw ay magpapasok ng muebles sa bahay, siguraduhin mo na masisiyasat ang mga kasuluk-sulukan ng muebles para makita kung may bahay o itlogan ito ng mga surot.
  • Sa oras na ikaw ay magche-check in o manunuluyan sa ibang kwarto tingnan mong mabuti ang higaan, at upholstery sa inyong mga upuan upang makita kung may surot at hindi ka makagat o makapag-uwi nito sa’yong tahanan.
  • Kapag ikaw ay nakauwi na mula sa’yong byahe hubarin agad ang sinuot na damit at kung maaari ay labhan ito kaagad maging ang iba pang mga damit na ginamit sa bakasyon. Pagkatapos labhan ang mga damit, patuyuin ito sa hot dryer at i-vacuum ang iyong bagahe. Sa oras na matapos gamitin ang vacuum alisin at itapon agad ang bag ng iyong vacuum.
  • Ilagay ang iyong mga bagahe sa suitcase stand at iwasan na ilapag ito sa sahig o sa kama. Dapat mo ring iwasan na maidikit ito sa mga muebles at dingding upang hindi mapuntahan o mapamahayan ng surot.

Mapanganib Ba Ang Kagat Ng Surot?

Ang mga surot ay hindi naman kilala na tagapaghatid ng sakit, bagamat pwede kang magkaroon ng mga mamula-mulang mga pantal na makakati kapag ikaw ay nakagat nito. Maaari kang magkaroon ng napakatinding iritasyon sa balat kapag nakagat ka nito. Mahirap din alisin ang surot na namamahay sa ating mga tahanan.

Paano Nabubuhay Ang Surot?

Maliit na hugis oval ang surot na nabubuhay sa pamamagitan ng dugo ng tao at mga hayop. Sinasabi na kasing laki ng apple seed ang mga matatandang surot. Ang mga baby na surot naman ay kasing laki ng poppy seeds.

Kadalasan na kulay kayumanggi o brown ang surot. Subalit nagiging kulay pula ito kapag sila ay nabusog na sa kanilang pagkain. Mabilis na dumarami ang mga surot sapagkat ang mga babaeng bed bugs ay may kakayahang mangitlog ng daan-daang mga surot at kasing laki ng alikabok ang bawat itlog nito.

Paano Ka Kinakagat Ng Surot?

Sinasabi na sa una pwedeng akalain mo na kagat lang ng lamok ang surot dahil hindi mo naman agad mararamdaman ang pagkagat ng insektong ito. May ini-inject kasi sa balat na pampamanhid ang mga surot bago sila mangagat at manisip ng dugo ng tao. Maraming pagkakataon na lumipas na ang ilang araw bago mo mapansin na kinagat ka na pala ng surot.

Ano Ang Itsura Ng Kagat Ng Surot Sa Balat?

Kapag nakagat ka ng surot pwede kang makakita ng mga maliliit na kulay pula na para bang namamagang mga pantal. Pwedeng maging kumpol-kumpol ito na parang may pattern na sinusunod.

Sa oras na makagat ka ng surot, hindi ito dapat kinakamot agad. Pwede itong magdugo at humantong sa pangangati ng iba pang bahagi ng katawan at impeksyon.

Ano Ang Epekto Ng Kagat Ng Surot?

Narito ang list ng mga epekto na pwedeng idulot sa’yo ng mga kagat ng surot:

  • Pangangati
  • Pamamaga ng balat
  • Pamumula ng balat
  • Pagkakaroon ng mga maliliit na pantal
  • Pagkakaroon ng masakit na burning sensation sa balat
  • Papular eruption o pagkakaroon ng mga nakataas at patag na patches
  • Pagkakaroon ng maliliit na batik ng dugo mula sa kagat ng mga surot

Magpakonsulta sa doktor sa oras na maranasan ang mga sumusunod na matinding mga epekto:

  • Kahirapan sa paghinga
  • Pagkakaroon ng paltos
  • Lagnat
  • Nasusuka na para bang trinatrangkaso
  • Pagkakaroon ng namamagang dila
  • Hindi regular na pagtibok ng iyong puso

Huwag ring kakalimutan na sa oras na hindi mo maalis ang surot sa iyong tahanan pwede nitong maapektuhan ang kalidad ng iyong pagtulog at kalusugan.

Paano Ginagamot Ang Kagat Ng Surot Sa’yong Balat?

Narito ang mga paraan upang magamot ang kagat ng mga surot:

  • Hugasan ang mga kagat ng surot ng malinis na tubig na may sabon. Ito’y upang maiwasan ang impeksyon at mabawasan ang pangangati ng balat.
  • Gumamit ng cold cloth o ice pack na nakabalot sa towel. Ipunas sa bahagi ng katawan na nakagat ng surot.
  • Maaari kang gumawa ng paste ng pinaghalong tubig at baking soda upang mapawi ang iyong pangangati.
  • Magpahid ng essentials oils gaya ng camphor para mas mapabilis ang paggaling ng mga kagat.

Tandaan mo rin na para mas makasigurado sa paggamot na pwedeng gamitin sa kagat ng mga surot ay mainam na magpakonsulta ka sa doktor. Maaari kasing magrekomenda ang mga eksperto ng iba pang mga treatment na nakadepende sa iyong kasalukuyang sitwasyon, skin type, at kalubhaan ng kagat ng mga surot. Kaya naman ipinapayo ang pakikipag-usap at pagpapakonsulta sa kanila.

Key Takeaways

Para mawala nang tuluyan ang mga surot sa tahanan, kinakailangan na maging malinis ang iyong mga kagamitan at tahanan. Maaari mong labhan ang mga bedsheet at alisin ang mga alikabok at dumi sa inyong bahay. Huwag mo ring kakalimutan na magpakonsulta sa doktor sa oras na makaranas ng mga sintomas ng kagat ng surot na hindi humuhupa kahit nakapagsagawa ka na ng home remedy. Mahalaga na malaman mo ang mga medikal na payo, diagnosis, at treatment na magmumula sa doktor para maiwasan ang anumang komplikasyon.

Matuto pa tungkol sa Kalusugan ng Balat dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Bed Bugs – What They Are and How to Control Them, https://www.health.ny.gov/environmental/pests/bedbugs.htm, Accessed August 18, 2022

Mga Surot, https://www.gov.mb.ca/asset_library/en/bedbugs/fact_sheet_tagalog.pdf, Accessed August 18, 2022

Bed Bugs: Diagnosis and Treatment, https://www.aad.org/public/diseases/a-z/bed-bugs-treatment, Accessed August 18, 2022

Bedbugs https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/bedbugs/symptoms-causes/syc-20370001, Accessed August 18, 2022

Bed Bugs FAQs, https://www.cdc.gov/parasites/bedbugs/faqs.html, Accessed August 18, 2022

Bed Bugs, https://www.pestworld.org/pest-guide/bed-bugs/bed-bugs/, Accessed August 18, 2022

Bed Bugs Appearance and LIfe Cycle, https://www.epa.gov/bedbugs/bed-bugs-appearance-and-life-cycle, Accessed August 18, 2022

Kasalukuyang Version

02/24/2026

Isinulat ni Lornalyn Austria

Narebyung medikal ni Hello Doctor Medical Panel

In-update ni: Jan Alwyn Batara


Mga Kaugnay na Post

Gamot Para Sa Makating Balat: Heto Ang Maaari Mong Subukan

Kagat Ng Lamok Sa Bata: Ano Ang Mainam Na Solusyon Dito?


Narebyung medikal ni

Hello Doctor Medical Panel

General Practitioner


Isinulat ni Lornalyn Austria · a

ad iconPatalastas

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconPatalastas
ad iconPatalastas