Lahat ng tao ay posibleng magkaroon ng kagat ng ipis, dahil isa ang ipis sa mga insekto at peste na makikita sa kahit saang lugar. Kung saan maaaring gumapang ang ipis sa iyong mga gamit at pagkain. May mga pagkakataon din na makikita ang mga ipis sa ating tahanan dahil sa kanilang paninirahan at paglulungga sa bahay ng isang tao. Dagdag pa rito, maaari rin na maging sanhi ang ipis ng impeksyon at sakit lalo na kapag na kagat sila nito. Kaya naman ang karaniwang tanong ng mga bawat indibidwal ngayon ay kung ano ang mga dapat gawin kapag nakagat sila ng ipis upang maiwasan ang anumang medikal na problema.
Pero, bago natin sagutin ang katanungan na ito, alamin muna natin ang mahahalagang impormasyon tungkol sa ipis.
Overview Sa Kagat Ng Ipis
Sa Ingles kilala ang kagat ng ipis sa katawagang “cockroach bite” kung saan hindi naman ito mapanganib na kondisyon. Gayunpaman, ang kagat ng mga ipis ay maaaring magdulot ng allergic reaction. Sapagkat ang laway ng ipis ay itinuturing na isang allergen ng mga taong may allergy na pwedeng magresulta o maging sanhi ng mga sumusunod:
- Kahirapan sa paghinga
- Pagkakaroon ng pamamaga sa daluyan ng hangin
- Pagsusuka
- Pananakit ng tiyan
- At iba pang mga kondisyon
Huwag mo ring kakalimutan na kapag napabayaan ang mga kagat ng insekto sa iyong balat maaaring mauwi ito sa komplikasyon. Sapagkat, ang ipis ay maraming taglay na mikrobyo na pwedeng makapinsala sa’yong kalusugan.
Nakukuha ng ipis ang mga mikrobyo mula sa mga tambakan ng basura at kanal. At kapag nakagat ang isang tao ng ipis ay naililipat ito sa kanila. Sa oras na ganito ang maganap pwedeng kumalat ito sa ating dugo at maging dahilan ng sepsis (impeksyon sa dugo).
Kung saan ang sepsis ay pwedeng makapinsala sa mga ilang organs ng tao, at kung napabayaan ito maaaring humantong ito sa mga sumusunod:
- Septic shock
- Pagbagsak ng presyon ng dugo
- Kamatayan
- Pamamaga ng labi, lalamunan, at dila
- Pagbabara sa daluyan ng hangin
- Pagkahilo
- Pananakit ng tuyan
- Pagkakaroon ng pakiramdam na naduduwal o nasusuka
Sa oras na maranasan ang alinman sa mga nabanggit dahil sa kagat ng mga ipis, humingi agad ng medikal na atensyon. Sapagkat maaaring magdulot ito ng panganib sa buhay ng isang tao, lalo na kung makakaranas pa ng severe allergic reaction.
Mga Palatandaan
Kapag nakagat ang isang tao ng ipis pwedeng makaranas siya ng mga sumusunod na palatandaan o sintomas:
- Pagkakaroon ng malaking pantal na ‘di hamak na mas malaki sa kagat ng mga lamok
- Sobrang pangangati ng mga pantal
- Pamamaga ng pantal o bahagyang pag-alsa nito sa balat
- Pagkakaroon ng mga mas maliliit na pantal na nakapalibot o malapit sa malaking pantal
May mga pagkakataon na mahirap tukuyin at siguraduhin kung ang namuong mga pantal sa balat ay dahil sa kagat ng mga ipis. Ito’y dahil marami tayong mga kondisyon sa balat na pwedeng taglayin ang isang tao.
Bakit Kinakagat Ng Ipis Ang Tao?
Sa katunayan, madalang lamang mangagat ang ipis at nangangagat lamang sila kung konti lamang ang kanilang nakuhang pagkain o kaya’y na-istorbo sila.
Narito pa ang ilang mga sumusunod na dahilan kung bakit nangangagat ang ipis:
- Pagkakaroon ng mga tira-tirang pagkain sa mukha, bibig, at mga kamay
- Pagkakaroon ng maraming dead skin particle (libag sa katawan)
Tandaan mo na madalas nangangagat ang ipis sa mga bahagi ng katawan ng tao na walang takip o damit.
Ano Ang Dapat Gawin Kapag Nakagat Ng Ipis?
Pwedeng gumaling ang kagat ng mga ipis sa balat ng tao sa loob ng ilang araw sa pamamagitan ng home remedies. Maaari kang magpahid ng antiseptic, insect bite cream, at maglagay ng yelo sa balat na may kagat ng mga ipis.
Narito pa ang ilang mga bagay na maaaring gawin sa oras na makagat ka ng ipis:
- Hugasan ang bahagi ng katawan na may kagat ng mga ipis.
- Maglagay ng cold compress o ibalot ang yelo sa tela upang ilapat o ipahid sa parte ng katawan na may kagat.
- Iwasan ang pagkutkot o paghawak sa mga bahagi ng katawan na kinagatan ng ipis para maiwasan ang impeksyon.
- Magpakonsulta sa doktor lalo na kung malapit sa mata at bibig ang kagat ng mga ipis. Kinakailangan ito para malaman kung kinakailangan mong uminom ng mga antibiotic.
Key Takeaways
Para maiwasan ang kagat ng mga ipis sikapin na mapanatiling malinis ang iyong katawan at tahanan. Sapagkat, malaki ang maitutulong ng kalinisan upang makaiwas ka sa mga mapaminsalang mga insekto. Huwag mo ring kakalimutan na humingi agad ng medikal na atensyon kapag nakaranas ng mga matitinding sintomas kaugnay sa kagat ng mga ipis sa balat. Dahil pwedeng magresulta ito ng panganib sa buhay ng isang tao, lalo na kung nakakaranas pa ng severe allergic reaction ang isang indibidwal dahil sa ipis.
Matuto pa tungkol sa Kalusugan ng Balat dito.