Ano ang cellulitis? Nakahahawa ba ang cellulitis? Paano ito ginagamot? Ipagpatuloy ang pagbabasa upang malaman ang mga sagot sa mga ito.
Ang cellulitis ay isang bacterial infection na nakaaapekto sa kaloob-looban ng balat at mga tissues sa ilalim nito. Ang cellulitis ay maaaring dulot ng napakaraming mga bacteria ngunit kadalasan na ito ay dulot ng isang Streptococcus na may dahilan ng dalawang katlo (⅔) ng mga kaso at ng Staphylococcus na siya namang dahilan ng natitirang sangkatlong (⅓) bahagi ng mga kaso.
Ang mga bacteria na karaniwan nang nasa ibabaw ng balat ay maaaring makarating sa mas malalalim na bahagi ng balat sa pamamagitan ng mga hiwa, sugat, kagat ng insekto, at mga crack.
Ang cellulitis ay madaling magamot gamit ang mga tamang antibiotics. Gayunpaman, kung hindi magagamot nang agaran ay maaari itong magdulot ng mga seryosong komplikasyon.
Nakakahawa ba ang Cellulitis? Ang mga Senyales at Sintomas ng Cellulitis
Kayang maapektuhan ng cellulitis ang halos kahit anong bahagi ng katawan. Kapag ang bacteria ay nakapasok sa kaloob-looban ng balat, ang bahagi na may impeksyon ay nagiging:
- Namamaga
- Namumula
- Masakit
- Sensitibo sa Paghawak
- Mainit
Sa mas malalang mga kaso, ang isang taong may cellulitis ay maaaring makaranas ng:
- Lagnat
- Panginginig
- Panghihina
- Pananakit ng Ulo
- Pagsusuka
- Pagkahilo
Sa mas malalang mga kaso, ang pasyente ay maaaring magkaroon ng mabilis na pagtibok ng puso at mababang presyon ng dugo. Ang pasyente ay maaari ding makaranas ng nagtutubig na mga paltos sa paligid ng bahagi na may impeksyon.
Mga Risk Factors
Nakakahawa ba ang cellulitis? Sa karaniwang mga pagkakataon, hindi.
Ang cellulitis ay maaaring makaapekto sa kahit na sino, ano man ang edad na mayroong mga injury sa balat, ngunit may mga risk factors na nakapagpapataas ng tyansa ng pagkakaroon nit. Ang cellulitis ay kadalasang dumadapo sa mga taong:
Diabetic
Ang mga sugat ay mas mabagal na gumagaling kaysa sa karaniwan, kaya naman mas nagiging hantad ang injury na ito sa mga impeksyon.
Mga Naggagamot na nasa Injection
Ang pagtuturok sa balat ng karayon ay maaaring maging sanhi ng pagiging mas hantad ng isang tao sa impeksyon.
Mga Dating May Cellulitis
Ang isang tao ay hindi kailanman makabubuo ng immunity mula sa cellulitis kaya naman ang isa na nagkaroon na nito dati ay maaari pa ring magkaroon ng cellulitis.
Iba pang Risk Factors:
- Sumailalim sa Operasyon
- Mga Kagat ng Hayop at Insekto
- Mga Kondisyon sa Balat gaya ng psoriasis, bulutong, shingles, at scabies
- Fungal Infection gaya ng Alipunga
- Mahinang Resistensya gaya ng mga may HIV
Nakakahawa ba ang Cellulitis?
Ang cellulitis ay hindi kadalasang nakahahawa. Ang pagsama sa iisang lugar sa isang may cellulitis ay hindi nakapagpapataas ng tyansa ng pagkakaroon nito.
Ang bacteria na nagdudulot ng cellulitis ay nakatira na sa ibabaw ng ating mga katawan. Nagsisimula lamang itong magdulot ng mag suliranin kapag pumasok na ito sa kaloob-looban ng ating balat at nagparami.
Sa mga hindi pangkaraniwang kaso gaya ng cellulitis sa ari ng lalaki, ang cellulitis ay kumakalat bilang isang sexually transmitted na impeksyon na nakukuha sa pamamagitan ng oral sex.
Saan nagaganap ang Cellulitis?
Sa mga adulto, ang cellulitis ay kadalasang nagaganap sa mga binti at paa. Sa mga bata, kadalasan nitong naapektuhan ang mukha o leeg.
Maaari ding maganap ang cellulitis sa:
- Tiyan (abdominal cellulitis)
- Suso (breast cellulitis)
- Sa Paligid ng Butas ng Pwet (perianal cellulitis)
- Sa Paligid ng Mata (periorbital cellulitis)
Paggagamot
Ang cellulitis ay kadalasang ginagamot sa pamamagitan ng mga antibiotics. Ang pag-inom at dosis ay depende sa lokasyon ng impeksyon sa sa lala ng kondisyon.
Para sa mga medikasyong oral, ang iyong doktor ay maaaring magmungkahi ng pag-inom ng antibiotics sa loob ng 5 hanggang 10 araw ngunit maaari itong tumagal ng hanggang 14 na araw.
Ang mga gamot sa cellulitis ay:
- Topical Antibiotics
- Oral Antibiotics
- Intravenous Antibiotics
- Itinuturok na Antibiotics
- Pag-oopera (kung mayroong koleksyon ng puss na kailangan i-drain out)
- Mga Gamot sa Pananakit
Kadalasang nagagamot ng antibiotics ang cellulitis, ngunit kung may resistance ang isa sa gamot na ito, mas mahirap gamutin ang cellulitis.
Ang Community-Acquireed methicillin-resistant staphylococcus aureus o MRSA ay maaaring magdulot ng cellulitis na hindi magagamot ng karaniwang paraan ng paggagamot. Kung ang senyales at sintomas ng cellulitis ay hindi pa naaalis sa kabila ng pag-inom ng mga antibiotics, may tyansa na ikaw ay mayroong MRSA.
Mga Komplikasyon
Kung hindi kaagad na magagamot, ang cellulitis ay maaaring kumalat mula sa balat patungo sa daluyan ng dugo, na maaaring magdulot ng sepsis. Ang sepsis ay ang pinakamatinding reaksyon ng immune system sa impeksyon. Ang sepsis ay nagtutulak sa immune system para atakihin ang mga tissue sa katawan na kalauna’y maaaring magdulot ng organ failure.
Ang ibang mga posibleng komplikasyon ay kinasasangkutan ng impeksyon sa covering ng utak at spinal cord (meningitis), pagkamatay ng tissue (gangrene), impeksyon sa buto (osteomyelitis), at pamamaga ng puso (endocarditis).
Pag-iwas
Kung mayroon kang anomang injury sa balat, napatataas nito ang tyansa na ikaw ay magkaroon ng cellulitis. Nakakahawa ba ang cellulitis? Kahit na sino ay maaaring magkaroon ng cellulitis bagaman hindi ito karaniwang nakahahawa.
Gayunpaman, may ilang mga bagay na maaari mong gawin para maiwasan ang pagkakaroon ng sakit na ito.
Gamutin ang mga Sugat
Tiyaking nahuhugasan ng tubig ang anumang mga gasgas at hiwa. Maglagay ng paunang lunas sa mga sugat, kagat, at iba pang injury sa balat. Ang pagtatakip sa sugat at pagpapalit ng bandage nang palagian ay makatutulong upang maiwasan ang mga impeksyon sa balat.
Iwasan ang Injury
Maging maingat sa paggamit ng matutulis na mga bagay. Magsuot ng pamproteksyon kung may malaking posibilidad ng pagkakaroon ng mga gasgas, magsuot ng long sleeves kung sakaling aakyat o susuong sa kagubatan.
I-moisturize ang Balat
Maaaring mangyari ang cellulitis sa mga cracks sa balat. Maglagay ng moisturizers o mga cream lalo na sa talampakan upang maiwasan ang pagiging dry ng balat.
Protektahan ang Iyong mga Paa
Gumamit ng angkop na sapin sa paa sa anumang mga aktibidad na iyong gagawin, gaya ng pagsusuot ng bota kung ikaw ay maglalakad sa ulanan upang maiwasang mabasa ang iyong mga paa.
Hugasan ang Iyong mga Kamay
Ang paghuhugas ng iyong mga kamay, lalong-lalo na ng iyong mga kuko, ay makatutulong para maiwasan ang pagkakaroon ng cellulitis. Ang mga kuko ay mas mabilis na makapagkakalat ng bacteria at kadalasan tayong kumakamot gamit ang ating mga kuko.
Panatilihin ang Magandang Kalusugan
Ang diabetes at mahinang immune system ay nagiging dahilan upang maging hantad ang isa sa cellulitis. Ang page-ehersisyo, pagpapanatiling hydrated, at pagkain nang tama ay ilan lamang sa mga bagay na kailangan mong gawin para manatiling malusog.
Key Takeaways
Matuto nang higit pa tungkol sa mga Sakit sa Balat dito.