Huwag mabahala sa nagbabalat na kamay, dahil malulunasan ito gamit ang mga natural na sangkap tulad ng honey, aloe vera, at coconut oil. Gayunpaman, dapat kang kumunsulta sa iyong doktor para sa tamang paggamot kung ito ay sanhi ng isang sakit sa balat. Matuto pa tungkol sa pagbabalat ng kamay dito.
Posibleng Dahilan Ng Nagbabalat Na Kamay
Maaaring magbalat, pumutok, at dumugo ang iyong balat sa daliri kapag ito ay parating nae-expose sa mga matatapang na kemikal o mainit na tubig. Ang nagbabalat na kamay ay maaaring sanhi rin ng medikal na kondisyon. Kung kaya’t, kailangan mong maunawaan ang sanhi ng pinsala sa balat kung nais mo itong magamot.
Karamihan naman ng kaso ng pagbabalat ng mga daliri ay hindi dahil sa isang seryosong kondisyon. Gayunpaman, may mga pagkakataon na ito ay palatandaan ng problema sa kalusugan. Ito ang mga posibleng dahilan ng pagbabalat sa mga daliri:
1. Tuyong Balat
Maaaring dumugo ang mga bitak sa dulo ng daliri dahil sa sobrang pagkatuyo. Ang tuyong balat ay karaniwan kapag malamig ang panahon o kapag tuyo ang hangin. Maaari ring madaling matuyo ang balat kung ang ginagamit mong pangligo ay mainit na tubig. Ang mga matapang na kemikal na taglay ng mga sabon, at iba pang komersyal na panglilinis ay maaari ding magresulta sa panunuyo ng balat.
Maliban sa nagbabalat na kamay, may ibang sintomas din ang nanunuyo na balat gaya ng:
- Nangangati na balat
- Bitak na balat
- Naninikip na balat
- Namumula o maitim na balat
2. Labis Na Paghuhugas Ng Kamay
Ang labis na paghuhugas ng kamay ay maaaring humantong sa pag-crack at pagbabalat ng mga daliri. Ito ay posible kung palagi kang gumagamit ng sabon sa bawat oras. Maaaring masira ang mga lipid layer sa ibabaw ng balat kapag laging na-expose sa kemikal. Kalaunan, ito ay maaaring humantong sa pangangati at pag-flake ng balat.
Ang matagalang paggamit ng mainit na tubig ay maaaring magresulta sa seryosong pagbibitak ng balat sa daliri. Samakatuwid, ito ay pwedeng lumala kapag di ka gumagamit ng moisturizer. Maari din itong mairita sa palagiang pagpupunas ng kamay gamit ang scented paper towels na may kemikal.
3. Matapang na Kemikal
May mga kemikal sa mga moisturizers, sabon, shampoo, mga hand sanitizer/ alcohol, at iba pang produktong pampaganda na maaaring makairita sa balat. Kadalasan, ito ay nauuwi sa pagbitak ng balat sa daliri. Ang mga karaniwang kemikal na pwedeng magresulta sa nagbabalat na kamay ay ang sumusunod:
- Scenting agents o pampabango
- Isothiazolinone
- Cocamidopropyl betaine
- Antibacterial topical medications
- Preservatives gaya ng formaldehyde
Maaaring hindi ka naman allergic sa lahat ng kemikal na ito. Gayunpaman, pwede kang kumunsulta sa iyong doktor kung gusto mong malaman kung anong kemikal ang maaaring makairita sa iyong balat. Malamang na hilingin ng iyong doktor na ikaw ay sumailalim sa allergy test.
4. Matagal Na Pagkalantad Sa Araw
Ang matagal na pagbilad sa araw ay maaari ding magresulta sa nagbabalat na kamay. Kapag ikaw ay nagka-sunburn, ang iyong balat ay pwedeng uminit, maging kulay pula o pink, at magbitak pagkaraan ng ilang araw. Aabutin ito ng ilang araw o linggo bago gumaling. Pwede ka namang makaiwas sa sunburn kung gagamit ka ng sunscreen bago magbilad sa araw.
5. Weather
Ang extreme weather condition ay pwedeng magresulta sa nagbabalat na kamay. Pwedeng magbitak at maging flaky ang iyong balat kapag ang ang klima ay sobrang tuyo, napakainit, o sobrang lamig.
6. Thumb Sucking
Ang thumb sucking pa pagsipsip ng hinlalaki ay isa sa mga dahilan ng nagbabalat na kamay ng mga bata. Mayroon din namang matatanda na nagta-thumb sucking pa rin. Kung hindi mo maiwasan ang pagsipsip ng iyong hinlalaki at nagbibitak na ang iyong daliri, pwede kang kumunsulta sa iyong doktor.
7. Hindi Balanseng Pag-Inom Ng Vitamins
Maaari din magresulta sa pagbitak ng balat sa daliri ang kakulangan o sobrang vitamins sa katawan. Ang kakulangan sa vitamin B3 (niacin) ay maaaring magdulot ng pellagra. Ito ay isang kondisyon na humahantong sa pamamaga ng balat, pagtatae at pagkawala ng memorya.
Ang sobrang vitamin A ay maaaring maging sanhi ng pangangati ng balat at pagkasira ng mga kuko. Ang iba pang sintomas ng sobrang vitamin A sa katawan ay ang sumusunod:
- Sakit ng ulo
- Pagpakapagod
- Pagduduwal
- Pagkahilo
8. Eczema
Ang Eczema ay maaaring magresulta sa nagbabalat na kamay at daliri. May iba’t-ibang uri ng Eczema at ang pinaka karaniwan dito ay ang atopic dermatitis, isang chronic skin disease. Isa sa mga sintomas nito ay ang pangangati ng balat. May iba pang mga palatandaan gaya ng pamumula, pag-crack, pagbabalat, at ang pagkakaroon ng balat na malambot pag hinawakan.
Ang skin disease na ito ay nagreresulta sa sobrang exposure sa matatapang na kemikal ngunit pwede ding hereditary.
9. Allergies
Ang nagbabalat na kamay at daliri ay maaaring magresulta matapos kang makahawak ng isang allergen o ang tinatawag na contact dermatitis. Halimbawa, ang nickel na nasa iilang alahas ay maaaring maging sanhi ng pamumula, pangangati, pamamaga, at patumpik-tumpik na balat. Bukod sa nickel allergy, ang latex allergy ay maaari ding makaapekto sa balat ng mga kamay.
10. Psoriasis
Ang Psoriasis ay isang chronic dermatological disease kung saan nagkakaroon ng kaliskis ang balat dahil sa mabilis na pagtubo ng mga skin cells. Ang kondisyon na ito ay maaaring magdulot ng mga sugat sa balat at mga patumpik na patak.
11. Exfoliative Keratolysis
Ang exfoliative keratolysis ay nauuso sa mga mainit na buwan. Maaari itong magresulta sa mga paltos , pagtuklap, at pagputok sa dulo ng mga daliri. Ang kondisyong ito ay maaaring mas malala kung ikaw ay na-expose sa isang matapang na kemikal.
12. Kawasaki Disease
Ang Kawasaki disease ay isang bihirang kondisyon na makikita sa mga batang wala pang limang taong gulang. Tumatagal ang sakit na ito ng ilang linggo, at may tatlong yugto na nagpapakita ng iba’t ibang sintomas. Ang sintomas ng unang yugto ay isang mataas na lagnat na nagpapatuloy ng higit sa limang araw. Ang nagbabalat na kamay at mga daliri ay kadalasang tanda ng ikalawang yugto. Sa ikatlong yugto, ang mga palad at talampakan ay karaniwang pula at namamaga.
Bakit Nagbabalat ang Daliri ng Mga Bata?
Karamihan sa kaso ng mga batang may nagbabalat na mga daliri ay hindi naman dapat dahilan ng pag-aalala. Gayunpaman, ang mga sanhi ng pagbabalat ng mga daliri sa mga matatanda (tulad ng nakalista sa itaas) ay maaaring mangyari din sa mga bata. Samakatuwid, kailangan dalhin ang bata sa doktor upang masuri at malaman kung ang sanhi ay dermatological disease.
Anong Gagawin Kung May Nagbabalat Na Kamay
Kung nagbabalat ang iyong mga daliri dahil sa isang kondisyong medikal, kailangan mong magpatingin sa doktor sa lalong madaling panahon. Gayunpaman, kung ang iyong mga daliri ay nagbabalat dahil sa hindi naman mapanganib na mga kadahilanan, maaari mong sundin itong mga nakasanayang home remedies:
- Gumamit ng Aloe Vera. Makakatulong ito sa pagpawi ng pangangati at pagbabalat ng mga daliri. Kailangan mo lamang mag-scrape ng gel mula sa sariwang aloe vera. Ilapat ito sa apektadong parte ng hindi bababa sa dalawang beses sa isang araw, at iwanan ito hanggang sa matuyo.
- Gumamit ng coconut oil. Matagal ng ginagamit na home remedy ang coconut oil para sa maraming problema sa balat. Kasali na dito ang tuyo, patumpik-tumpik na balat at maging ang acne. Maaari kang maglagay ng coconut oil sa iyong mga kamay bilang moisturizer.
- Gumamit ng honey. Ang honey ay isang natural at epektibong moisturizer. Kailangan ilagay ang honey sa nagbabalat na kamay at hayaan ito sa loob ng kalahating oras bago hugasan.
- Uminom ng sapat na tubig. Ang pag-inom ng tubig ay isang simple ngunit epektibong lunas para sa maraming problema sa balat gaya ng tuyo at flaky hands.
- Pumili ng masustansyang pagkain. Karamihan sa mga problema sa balat ay sanhi ng hindi malusog na gawi sa pagkain. Kaya naman kumain ng prutas, gulay, yogurt, legumes at karne na hindi gaanong mataba. Makakatulong ang mga pagkaing ito na panatilihing malusog ang iyong balat at pangangatawan. Nakakatulong din ang pansamantalang pag-iwas sa mga malalansang pagkain tulad ng isda, itlog, manok na maaaring maka-trigger din ng allergic reaction at lumala ang pangangati at pagbabalat.
- Gumamit ng gloves. Laging gumamit ng gloves kapag naglilinis ng bahay lalo na kapag gumagamit ng matapang na kemikal. Ito ang pinakamainam na paraan upang maprotektahan ang iyong maselan na balat.
Ang nagbabalat na kamay at mga daliri ay hindi naman mapanganib. Gayunpaman, maaari rin itong maging tanda ng isang mapanganib na sakit na nangangailangan ng tamang paggamot. Higit sa lahat, bigyang-pansin ang mga palatandaan na ito upang protektahan ang iyong kalusugan!
[embed-health-tool-bmr]
Matuto ng iba pang impormasyon sa sakit sa balat dito.