Makapagpapagaan ng loob ng mga taong kadalasang may pantal sa balat ang pag-alam sa tamang uri ng gamot sa pantal. Patuloy na magbasa upang malaman kung ano ang pantal, at ano ang maaaring gawin kung magsimula silang lumitaw sa iyong balat.
Ano Ang Pantal?
Ang pantal, kilala rin bilang urticaria, ay isang uri ng skin reaction. Madalas itong nakikita bilang mapula-pulang pantal o blotches sa balat, at lubha ring makati.
Karaniwang sanhi ng allergic reaction mula sa iba’t ibang substances ang pantal, pero madalas na mula sila sa mga pagkain o gamot. Depende sa kung gaano kalubha ang reaksyon, maaari ding sabayan ng iba pang sintomas ng allergic reaction ang pantal.
May mga kaso rin kung saan maaaring ang kagat ng lamok, pagkakabilad sa araw, o kahit pagkakadiin lang sa balat ang maging dahilan ng pantal.
Kadalasan, hindi seryoso ang kaso ng pantal. Sa katunayan, lumilipas lang ito sa ilang tao, at kadalasang nawawala agad ang pantal paglipas ng panahon, kahit na walang anumang gamot sa pantal.
Gayunpaman, posibleng maging chronic ang pantal kung tatagal sila ng higit pa sa anim na linggo. Maaaring dumating at mawala din kaagad ang pantal pagkatapos ng ilang buwan o taon.
Posible rin na senyales ng isang mas malubhang sakit ang pantal, lalo na kung malala ang mga sintomas. Kaya mabuting ideya na palaging kumuha ng gamot sa pantal kung hindi pa mawala ang kondisyon kalaunan.
Mabisang Paraan Ng gamot Sa Pantal
Maraming paraan na maaaring magawa pagdating sa paggamot ng pantal. Narito ang ilan sa mga karaniwang paraan:
Gamot Sa Pantal: Antihistamine
Tinatawag na antihistamine ang isang uri ng gamot na ginagamit panlunas sa mga allergic reaction. Nakatutulong ito na mapawi ang pangangati o pamamaga sa tuwing mayroong pantal.
Maaaring mabili ang ilang uri ng antihistamine bilang over-the-counter na gamot. Gayunpaman, maaaring mangailangan ng reseta mula sa doktor ang mas malakas na uri ng antihistamine. Kaya mabuting ideya na makipag-ugnayan sa medical team tungkol sa iyong allergic reactions upang matulungan ka nilang mahanap ang tamang uri ng gamot para sa iyo.
Maaari ding magkaroon ng ilang mga side effect ang antihistamine, tulad ng pagkaantok matapos uminom ng gamot.
Mahalaga ring tandaan na maaari lamang magbigay ng pansamantalang kaginhawaan ang ilang antihistamine, kaya’t puwede pa ring makaranas ng biglaang pagdami nito pagkaraan ng ilang oras. Kung mangyari ito, mabuting ideya na magtanong sa iyong doktor ng mga alternatibong treatment na mas tumatagal.
Gamot Sa Pantal: Corticosteroids
Epektibo ang corticosteroid bilang uri ng gamot sa pantal dahil nakatutulong itong mabawasan ang pamamaga, gayundin ang immune system reactions. Dahil tinuturing na immune response ang mga allergic reaction na nagdudulot ng pantal, nirereseta ng mga doktor ang corticosteroids sa mas seryosong kaso.
Tandaang dapat lang uminom ng corticosteroid kung may reseta para dito. Dapat ding sundin nang mabuti ang bilin ng doktor. Sa ganitong paraan, maiiwasan ang anumang posibleng epekto o problema na maaaring lumabas sa maling paggamit ng gamot na ito.
Gamot Sa Pantal: Immunosuppressants
Ang mga immunosuppressant, gaya ng pangalan nito, mga gamot ito na pumipigil sa immune system ng isang tao. Karaniwang inirereseta ito sa mga seryosong kaso ng pantal, o kung hindi sapat na panggamot ang mga antihistamine at corticosteroid.
Tulad ng corticosteroids, nirereseta lang ito ng isang doktor at ibinibigay lamang kapag hindi epektibo ang iba pang uri ng gamot sa pantal.
Gamot Sa Pantal: Ano Ang Maaaring Gawin Sa Bahay
Para sa mga hindi gaano kalubhang kaso ng pantal, madalas na hindi na kailangan ng gamot. Ngunit narito ang ilang bagay na maaaring makatulong sa pagbibigay ng kaunting ginhawa sa pangangati at pamamaga dahil sa pantal:
- Magsuot ng maluwag at breathable na damit.
- Iwasan ang sobrang init na temperatura dahil mas lalala dito ang pantal.
- Maaaring makatulong ang malamig na compress para maibsan ang pangangati at pamamaga. Ngunit iwasan ito kung na-trigger ng lamig ang iyong pantal.
- Maglagay ng calamine lotion sa pantal upang mabawasan ang pangangati.
- Minsan, stress ang maaaring magpalala ng pantal. Kaya mahalaga na iwasan ang stress.
- Siguraduhing natandaan ang anumang mga trigger ng pantal, at iwasan ito hanggang sa maaari.
Kung hindi sapat ang mga ito, huwag mag-atubiling komunsulta sa iyong doktor tungkol sa iyong kondisyon. Pinakamabuting mabigyan ka nila ng tamang uri ng gamot sa pantal upang maibsan ang iyong mga sintomas.
Key Takeaways
Bihira lang na maging malubhang kondisyon ang pantal, at karamihan sa mga kaso ang madali lang gamutin sa bahay. Gayunpaman, kung patuloy na bumabalik ang pantal, huwag mag-atubiling komunsulta sa iyong doktor at magtanong tungkol sa kung ano ang maaaring sanhi ng pabalik-balik na kondisyon na ito, at paano ito magagamot.
Matuto pa tungkol sa Sakit sa Balat dito.