Ang malusog na uri ng pamumuhay at ang patuloy na pagkakaroon ng pag-aalaga sa balat ay makatutulong upang makuha ang mas maayos at mas batang itsura ng kutis. Ngunit, paano kung isang araw na gumising ka na mayroong kondisyon sa balat na mas malala pa kaysa sa mga tigyawat at blackheads? Dalawa sa pinaka problema sa balat ay melasma at hyperpigmentation. Ano ang melasma at hyperpigmentation? Ano ang pagkakaiba ng dalawa?
Ano ang Melasma?
Ang melasma ay kondisyon na nagiging sanhi ng maitim na kulay sa balat. Maaari itong makita bilang brown, minsan ay bluish-gray, patches, o tulad ng spots ng pekas. Tinatawag din itong “mask of pregnancy” o chloasma, dahil kadalasan nitong naaapektuhan ang mga buntis.
Bagaman madali lang itong malaman dahil ito ay kadalasang nakikita sa mukha, ito ay kadalasang tinatawag na hyperpigmentation.
Ano ang Melasma vs Hyperpigmentation
Kinakailangan bang ikumpara ang dalawang terminong ito o pareho lamang sila? May tiyak ba itong pagkakaiba?
Ang hyperpigmentation ay pangkalahatang termino na ginagamit sa maraming kondisyon sa balat kung saan ang spot o patch ng balat ay mas maitim kaysa sa balat na nasa paligid nito. Ito ay terminong ginagamit sa ibang kondisyon sa balat tulad ng sunspots o pekas, liver spots, at gayundin ang melasma. Samakatuwid, ang melasma ay maituturing na uri ng hyperpigmentation.
Gayunpaman, ang melasma ay kaiba sa ibang mga porma ng hyperpigmentation, pangunahing dahilan nito ay ang mga sanhi. Sa pagtalakay ng melasma vs hyperpigmentation, ang melasma ay hindi lamang sun-related bagkus ito rin ay sanhi ng pagbabago sa hormones sa loob ng katawan. Bagaman, hindi mapanganib o makati, ang lokasyon ng melasma patches ay maaaring makaapekto sa confidence ng isang tao o maaaring hindi maging komportable sa pampublikong lugar.
Uri ng Melasma
Ngayong alam na natin ang pagkakaiba ng melasma sa hyperpigmentation, tignan naman natin ang mga uri ng melasma base sa lalim ng pigment:
Epidermal Melasma
Mayroong pagtaas ng pigment sa itaas na layer ng balat (epidermis). Ang uri na ito ay brownish sa kulay at may tiyak na borderline. Ito rin ay malinaw na nakikita sa ilalim ng black light at kadalasan ay may positibong reaksyon sa mga lunas.
Dermal Melasma
Sa ganitong uri, mayroong pagtaaas ng pigment sa malalim na layer ng balat (dermis). Maaari itong kulay light brown o bluish-gray at walang tiyak na borderline. Karagdagan, hindi ito malinaw na nakikita sa ilalim ng black light o hindi nakakikitaan ng positibong reaksyon sa mga lunas.
Mixed Melasma
Isa itong karaniwang uri ng melasma. Mayroon itong kombinasyon ng brown at blue na kulay, at nakikitang mayroong pinaghalong pattern sa ilalim ng black light. Mayroon itong positibong reaksyon sa mga lunas at nakakikitaan ng kapansin-pansin paggaling.
Ano ang mga Dahilan ng Pagkakaroon ng Melasma?
Ang mga taong natural na may brown o mas maitim na balat ay mas nagkakaroon ng melasma. Kadalasan itong nakikita sa mga babae na may edad na 20 hanggang 40 taong gulang. Kung mabillis kang umitim, mas maaari kang magkaroon ng ganitong hyperpigmentation.
Ang pagbubuntis, thyroid abnormalities, hormonal therapy, at stress ay maaari ring maging sanhi ng melasma. Bagaman hindi direktang dahilan, ang mas mahabang pagbibilad sa araw ay dapat iwasan ito dahil nagpapalala ito ng kondisyon.
Mga Senyales at Sintomas
Ano ang mga sintomas ng melasma vs hyperpigmentation? Ang dalawa ay may parehong sintomas. At ang pinakamainam na paraan sa paghahanap ng mga senyales at sintomas ng melasma ay sa pamamagitan ng pisikal na pagsusuri.
Ang melasma ay nagiging dahilan ng discoloration, kadalasan ay mas maitim kaysa sa iyong kulay ng balat. Maaari itong maging medyo brown o blue na patches o mga tuldok na tipikal na nakikita sa mata.
Ang dark brown o medyo blue na patches ay kadalasang lumalabas sa :
- Noo
- Mga Pisngi
- Sa tulay ng ilong
- Baba
- Mga Braso
Kung lumabas ang discoloration, mainam na kumonsulta sa doktor para sa opinyon dahil ang melasma ay maaaring tumagal sa iyong balat sa maikling panahon, tatagal ng ilang mga linggo o aabot ng mga buwan sa ibang mga kaso.
Diagnosis at Lunas
Ang mga doktor, partikular na ng mga dermatologist ay maaaring makaalam ng melasma sa pamamagitan ng pagsusuri sa pisikal na katawan. Ngunit, upang malaman kung gaano kalalim ang melasma sa balat, kadalasan silang gumagamit ng kagamitan na tinatawag na Woods Lamp.
Naglalabas ito ng black light na ginagamitan ng long-wave ultraviolet light. Ang test na ito ay ginagawa upang malaman kung mayroong fungal sa anit, isang potensyal na impeksyon sa balat, o iba’t ibang porma ng hyperpigmentation kasama na ang epidermal o mixed melasma.
Upang masuri ang discoloration o karagdagan pang mga kondisyon sa balat. Ang dermatologist ay kinakailangang magsagawa ng biopsy sa balat. Tatanggalin nila ang maliit na parte ng balat na apektado at susuriin ang sample na ito kung mayroong melasma.
Mga Pagpipilian na Lunas
Ngunit, hindi lahat ay may kakayahan at oras na bumisita sa isang dermatologist. Sa kabutihang palad, ang ibang mga kaso ng melasma ay kusa ring naglalaho. Kadalasan itong mapapansin sa mga buntis, na nawawala ang melasma matapos manganak. Ang mga babaeng huminto sa pagkonsumo ng hormones o birth control pills, ay napapansin din na naglalaho ang kanilang melasma pagkatapos.
Gayunpaman, may mga ibang tao na tumatagal ang melasma ng mga taon o panghabambuhay. Mayroong mga gamot na mabibili upang kontrolin o matanggal ito nang tuluyan:
Hydroquinone
Ito ay karaniwan na unang panlunas sa melasma at direkta itong nilalagay sa balat. Ang layunin nito ay paputiin ang balat na apektado.
Tretinoin at corticosteroids
Kumikilos bilang pagpapabuti ng pagpapaputi ng balat. Kadalasan na tinatawag na triple cream.
Ang iba mga topical na gamot tulad ng azelaic o kojic acid ay makatutulong upang mapaputi ang melasma.
Medical Procedure
Kung ang mga gamot at cream ay hindi naging epektibo sa pagtanggal ng kondisyon sa balat, maaari kang sumailalim sa mga procedure na maaaring maging mabisa. Ang chemical peels, microdermabrasion, dermabrasion at laser treatment ay ilan sa mga procedure na maaaring isagawa ng dermatologist upang matanggal ang melasma.
Ano ang Melasma vs Hyperpigmentation: Mahalagang Tandaan
Ano ang melasma vs hyperpigmentation? Ang mga blemishes at skin spots ay tinatago ng mga makakapal na makeup, hindi nadi-diagnose at hindi nagagamot.
Ang abrasions at discolorations ay nalulunasan ng mga self-prescribed na creams at ointments na makatutulong o potensyal na mas magpapalala ng balat. Ang mga kondisyon sa balat na hindi nagagamot tulad nito ay maaaring mas lumala o maging delikadong sakit na nagtatago sa mga inosenteng brownish na kulay ng balat.
Kung nakakita ng mga senyales ng hindi normal na discoloration sa mukha o katawan. Humingi ng medikal na tulong at lumayo sa mga paraan para mapalala ito. Ang melasma ay maaaring hindi masakit, kadalasan ay nagagamot, ngunit ang mga marka ay maaaring magtagal ng mga buwan o maging panghabambuhay.
Alamin ang iba pa tungkol sa Pangangalaga sa Balat dito.
Isinalin mula sa orihinal na Ingles na sinulat ni Louis Bienes.