Kung ang bacteria ay pumasok sa follicle ng buhok at maging sanhi ng impeksyon at pamamaga, ang furuncle o pigsa ay maaaring tumubo. Ano ang furuncle? Ito ay bukol na naglalaman ng nana na makikita sa balat. Ang pagkakaroon ng maraming furuncle ay tinatawag na carbuncle.
Ang mukha, batok, kili-kili, hita at puwitan ay ang mga bahagi ng katawang karaniwang tinutubuan ng pigsa (furuncles). Ito ay kadalasang nagsisimula sa mamula-mula o tila kulay lila, malambot na bukol na madaling mapuno ng nana. Lumaki ito at mas masakit kung pumutok at matuyo. Madalas itong gamutin ang sa bahay, ngunit iwasan ang pagpindot o pagpiga nito dahil maaaring kumalat ang impkesyon nito.
Ano Ang Furuncle: Mga Senyales Nito
Maaaring tumubo ang furuncles saan mang bahagi ng iyong katawan, ngunit pinakamadalas ay sa mga mababalahibong bahagi kung saan maaaring pagpawisan o magkaroon ng pagkikiskisan ng balat. Ang mga karaniwang senyales at sintomas ng furuncles ay ang mga sumusunod:
- Masakit at namumulang bukol na maaaring lumaki nang higit sa 2 pulgada (5 sentimetro) ang diameter
- Namumula o tila kulay lila, namamagang balat sa paligid ng bukol
- Lumalaki sa paglipas ng araw habang napupuno ng nana
- Pagkakaroon ng madilaw-maputing dulo na kalaunan ay maaaring pumutok at lumabas ang mga nana
Ang carbuncle ay ang pagkakaroon ng maraming magkakaugnay na furuncles na nagiging sanhi ng mas malalim, mas malubhang impeksyon at mas nag-iiwan ng peklat kaysa sa isang pigsa lamang.
Ano Ang Furuncle: Bakit Nagkakaroon Nito?
Paminsan-minsang lumalabas ang furuncles sa bahagi ng balat na may pinsala dulot ng maliit na sugat o kagat ng insekto. Dito maaaring makapasok ang mga bakterya. Ang karamihan nito ay sanhi ng staphylococcus aureus.
Sinoman ay maaaring magkaroon ng furuncles o carbuncles ngunit ang mga sumusunod na sitwasyon ay ang mga posibleng kadahilanan sa pagkakaroon nito.
- Mas maaari kang magkaroon ng sakit kung naging pisikal na malapit sa taong may staph infection.
- Ang diabetes ay isang kondisyon na maaaring maging dahilan upang mahirapan ang katawan na labanan ang mga impeksyon, kabilang ang impeksyon sa balat na dulot ng bakterya.
- Ang mga sakit sa balat tulad ng eczema at tigyawat ay nakapagpapataas ng tyansa na magkaroon ng furuncles at carbuncles.
- Kung mahina ang iyong immune system dahil sa anomang kadahilanan, mas mataas ang iyong tyansa na magkaroon ng furuncles at carbuncle.
Ano Ang Furuncle: Mga Komplikasyon
Minsan, ang bakterya mula sa furuncles o carbuncle ay maaaring pumasok sa daluyan ng dugo at kumalat sa iba pang bahagi ng katawan. Ang kondisyong ito ay tinatawag na pagkalason ng dugo (sepsis). Ito ay maaaring humantong sa mga impeksyon na maaari pang kumalat sa loob ng katawan, kabilang ang endocarditis at impeksyon sa buto (osteomyelitis).
Ang mga kondisyong ito ay banta sa buhay. Ang impeksyon sa balat tulad ng furuncles at carbuncles ay dapat maingat na gamutin upang maiwasan ang mga ganitong komplikasyon.
Kumakalat Ba Ito?
Ang pigsa ay hindi kumakalat. Ang kumakalat ay ang impeksyong staphylococcus aureus (bacteria). Ito ay nagiging sanhi ng pagkalat ng mas maraming furuncles sa ibang pang mga bahagi ng katawan. Maaari din itong mapasa sa iba.
Paano Ito Gamutin?
Upang mailabas ang nana at fluid mula sa furuncles o carbuncle, huwag itong pisilin o tusukin ito ng matulis na bagay. Kung gagawin ito, magkakaroon ng tyansang kumalat ang impeksyon sa ibang bahagi ng iyong balat. Kung hahayaan lamang nang kusa ang furuncles, kalaunan ito ay masisira at matutuyo. Gayunpaman, sa ibang pagkakataon, maaaring kailanganin ang tulong ng doktor. Kung natanggal na ang fluid at nana, ang furuncles o carbuncle ay maaari nang gumaling. Palaging kumonsulta sa doktor kaugnay sa wastong gamutan para sa furuncles upang maiwasan ang anomang mga komplikasyon.
Maaaring sundin ang mga sumusunod na hakbang kung ikaw may furuncles:
- Gumamit ng mamasa-masang bimpo bilang mainit-init, mamasa-masang compress. Mapabibilis nito ang paggaling. Mababawasan din ang hindi komportableng pakiramdam at ang pressure.
- Kumonsulta sa doktor kung muling nagkaroon ng furuncle o balik-balik ang pagkakaroon nito, o kung ito ay nasa mukha o gulugod.
- Ang mga pasyenteng may diabetes o kondisyong nakaaapekto sa immune system ay dapat kumonsulta sa doktor upang ipagamot ang furuncle.
- Kung may lagnat o ibang mapanganib na sintomas bukod sa furuncle, kumonsulta sa doktor.
Mga Problemang Sanhi Nito
Ang furuncle o carbuncle ay maaaring maulit sa parehong bahagi o hindi tuluyang mawala sa ibang mga tao (lalo na ang mga may mahihinang resistensya). Ang paulit-ulit na furuncle ay maaaring senyales ng pagkakaroon ng posibleng nakamamatay na methicillin-resistant staphylococcus aureus (MRSA) na impeksyon. Gayundin, ang furuncle ay maaaring magresulta sa mga mas malulubha at mapapanganib na medikal na sakit sa maliit na porsyento ng mga kaso. Para sa iba pang mga alalahanin, kumonsulta sa iyong doktor.
Ang bakteryang nagiging sanhi ng furuncle ay maaari ding:
- Pumasok sa daluyan ng dugo at maging sanhi ng malubhang reaksyon ng katawan (sepsis)
- Pumunta sa utak at humantong sa posibleng nakamamatay na sakit tulad ng meningitis
- Maging sanhi ng impeksyon sa balat at sa paligid nito (cellulitis)
- Kumalat sa puso, buto, spinal cord, at iba pang organs, na nagreresulta sa nakamamatay na impeksyon.
Paano Ito Maiiwasan?
Maging ang taong may malusog na pangangatawan ay maaaring magkaroon ng furuncle o carbuncles. Gayunpaman, maaaring mapigilan ang pagkakaroon nito sa pamamagitan ng pag-iwas sa mga taong may staph infections, furuncle, o carbuncles. Upang makatulong na maiwasan ang transmisyon ng bakterya, iwasan ang pakikigamit o muling paggamit ng bimpo, tuwalya, at kumot. Gayundin, gawing routine ang paghuhugas ng mga kamay gamit ang antibacterial na sabon o gels.
Key Takeaways
Ang furuncle ay masakit at hindi kanais-nais tingnan. Subalit ito ay bihirang maging sanhi ng mga malulubhang problema sa kalusugan. Maraming furuncle ang gumagaling sa pamamagitan ng paggamot sa bahay tulad ng pagsasagawa ng mainit-init na compress at mga gamot na pain relievers na mabibili nang walang reseta. Ngunit mainam na kumonsulta sa doktor kung may mga senyales ng furuncle, lalo kung ito ay masakit. Maaari nilang obserbahan ang iyong kalagayan upang masiguradong hindi kakalat o lulubha ang impeksyon. Upang mabawasan ang tyansa ng pagkakaroon ng furuncle, panatilihing laging malinis ang mga kamay at panatilihing malusog ang pangangatawan.
Matuto pa tungkol sa mga Problema sa Balat dito.