Marami ang naghahanap ng gamot sa allergy sa balat, dahil ang madalas na problema ng tao sa skin allergies ay ang pangangati at pamumula ng balat. Hindi ito pwedeng isawalang-bahala lalo na kung nagiging sanhi ito ng discomfort ng isang tao. Kaya naman, pag-usapan natin ngayon ang mga gamot sa allergy sa balat na pwede mong gamitin. Pero bago natin ito talakayin, alamin muna natin ang mga mahahalagang impormasyon tungkol sa allergy para sa mas mahusay na pagbibigay ng treatment sa ating balat.
Ano Ang Skin Allergy?
Madalas na nagkakaroon ng allergy sa balat ang mga indibidwal na may sobrang sensitibong immune system. Kung saan pwede silang makaranas ng matinding allergic reaction gaya ng mga sumusunod:
- Pamumula
- Pamamaga
- Pangangati
- Skin burning sensation
- Pagkakaroon ng bukol at pantal
Nagkakaroon sila ng allergic reaction dahil ang kanilang immune system ay nakakaranas ng mga hindi pangkaraniwang reaksyon mula sa isang hindi pangkaraniwang nakakapinsalang sangkap.
Trabaho ng mga cells ng ating immune system na maghanap ng mga dayuhang sangkap, gaya ng bakterya at virus upang alisin ito. Sa madaling sabi, ang tugon na ito ang nagsisilbing proteksyon ng katawan mula sa mga mapaminsalang sakit. Ngunit kapag may allergy ang isang tao, may ilang mga bagay na nagiging sanhi o trigger ng immune response, kahit hindi ito karaniwang mapinsala.