Tinatawag na seborrheic dermatitis ang isang kondisyon sa balat na nakakaapekto sa milyon-milyong tao sa buong mundo. At para sa mga dumaranas nito, napakahalagang impormasyon na malaman kung ano ang sanhi ng balakubak o seborrheic dermatitis flare-up at kung paano ito maiiwasan.
Ano ang seborrheic dermatitis?
Isang uri ng eczema ang seborrheic dermatitis na nakakaapekto sa mga bahagi ng katawan kung saan maraming sebaceous glands. Kabilang sa mga bahaging karaniwang apektado ang gilid ng ilong, loob ng mga tainga, anit, kilay, at likod ng mga tainga. Sa ilang kaso, posible ring maapektuhan ang mga kilikili, singit, at dibdib.
Mga Posibleng Dahilan
Malassezia
Hindi alam ng mga doktor ang eksaktong dahilan ng seborrheic dermatitis. Naniniwala ang mga doktor na sanhi ito ng labis na pagdami ng malassezia, isang uri ng fungus na nabubuhay sa balat. Ang pagdami nito ang nag-ti-trigger sa reaksyon ng katawan, at nagsasanhi ng mga sintomas.
Oily na balat
Isa pang posibleng dahilan ng seborrheic dermatitis ang pagkakaroon ng oily na balat. Dahil nabubuhay ang malassezia sa oily na balat, maaari itong mauwi sa hindi makontrol na pagdami ng fungi.
‘Cradle Cap’ sa mga sanggol
Maaaring makaapekto ang seborrheic dermatitis sa parehong mga sanggol at matatanda. Sa mga sanggol, kilala ito sa tawag na cradle cap, at nagsasanhi ng mga pantal sa anit, leeg, dibdib, at braso ng sanggol.
Sa mga matatanda, kadalasang nakakaapekto ito sa anit at ibang bahagi ng ulo. Maaaring magkaroon ng seborrheic dermatitis ang isang tao nang nakararanas lamang ng mild effects. Gayunpaman, posible ring mag-trigger ang ilang bagay ng flare-up at magpalala pa nito.
Mahalagang tandaan na hindi nagsasanhi ng seborrheic dermatitis ang poor hygiene, at hindi rin ito nakakahawang kondisyon.
Ano ang sanhi ng balakubak?
Hindi lamang nagdudulot ng hindi magandang pakiramdam ang seborrheic dermatitis flare-ups, kundi pati na rin pagkahiya. Totoo ito lalo na sa mga taong naaapektuhan nang husto sa tuwing nakararanas ng flare-up.
Ito ang dahilan kung bakit mahalagang malaman ng mga tao kung ano ang sanhi ng balakubak upang makagawa sila ng mga hakbang para maiwasan ito.
Narito ang ilan sa mga nag-ti-trigger nito:
- Pagkakaroon ng oily na balat
- Pagiging sobrang stress
- Kakulangan sa tulog
- Biglaang hormonal changes
- Pagiging nasa malamig, tuyo na panahon
- Family history sa seborrheic dermatitis o psoriasis
- Mga kondisyon tulad ng Parkinson’s disease o depresyon
- Ilang uri ng gamot
- Pagkakaroon ng mahinang immune system
Kung mayroong seborrheic dermatitis, magandang ideya na malaman kung ano ang nag-ti-trigger sa iyong kondisyon. Makatutulong ito sa iyo na mas mahusay itong makontrol, upang makagawa ng mga hakbang para makaiwas sa pagkakaroon ng flare-up.
Mga sintomas
Iba-iba ang sintomas ng seborrheic dermatitis sa bawat tao. Ilang tao ang maaaring makaranas ng mild na sintomas, habang ang iba naman ang nakararanas ng mas matinding sintomas na maaaring magdulot ng pagkahiya, at maging ng anxiety.
Sa mga sanggol, karaniwang nagpapakita ang sintomas ng seborrheic dermatitis bilang tuklap-tuklap na balat, mamantika na patches sa anit na kilala bilang cradle cap. Posible rin sa mga sanggol na may seborrheic dermatitis na magkaroon ng mga pantal na kumakalat mula sa anit hanggang sa leeg, dibdib, katawan, gayundin sa mga braso, at bahagi ng singit.
7 Karaniwang Pantal sa Balat ng Sanggol at Paano Ito Gamutin sa Bahay
Sa mga matatanda naman, maaari itong magpakita bilang balakubak sa buhok, balbas, kilay, o bigote ng isang tao. Kabilang sa mas malubhang sintomas ang mamantika na balat na may malalaking patch o mga tuklap-tuklap na balat sa mukha, gilid ng ilong, kilikili, tainga, talukap ng mata, at dibdib.
Maaari din itong magdulot ng pamumula sa mga apektadong lugar, pati na rin maraming pangangati at hindi magandang pakiramdam. Ayon din sa ilang tao, may burning o stinging sensation sa mga bahaging malala ang flare-up. Sa ilang bihirang kaso, maaaring magkaroon ng bacterial infection kung hindi ginagamot ang kondisyon.
Paano ito magagamot?
Karamihan sa mga taong may seborrheic dermatitis ang hindi nangangailangan ng treatment hanggang hindi ito nagdudulot ng anumang hindi magandang pakiramdam o malubhang problema.
Gayunpaman, maaaring gusto ng ilang tao na gamutin ito kung nagdudulot ng hindi magandang pakiramdam o pagkahiya ang kondisyon. Mga medicated shampoo at anti-fungal cream ang maaaring makatulong para kontrolin ang seborrheic dermatitis at maiwasan mangyari ang flare-up. Maganda ring ideya na magkaroon ng skincare routine, tulad ng paglilinis at pag-moisturize ng balat upang makatulong na mapanatili itong malusog.
Ang Pinakamahusay na Treatment at Mga Home Remedy para sa Eczema
Mabuting ideya din na komunsulta sa isang dermatologist tungkol dito, lalo na kung nagiging mahirap na itong kontrolin. Makatutulong sila sa pagrereseta ng gamot, at pagbibigay ng payo sa kung ano ang maaari mong gawin upang maiwasan ang flare-up at makontrol ang mga sintomas.
Mahalaga rin na magkaroon ng magandang pahinga sa gabi, at gumawa ng mga hakbang upang mabawasan ang stress. Ang kakulangan ng tulog at stress ang karaniwang nag-ti-trigger sa seborrheic dermatitis, at pareho itong madali iwasan.
Pagdating sa seborrheic dermatitis, mahalagang dapat tandaan na isa itong kondisyon na maaaring magamot. Huwag mag-atubiling komunsulta sa doktor at humingi ng tulong, lalo na kung sa iyong palagay, hindi mo na ito kayang kontrolin.
Matuto pa tungkol sa mga pantal sa balat dito.