Ang tigyawat bago mag-mens ang isa sa pinakaayaw ng mga babae kapag malapit na ang kanilang menstrual cycle. Totoong ang mga babae– parehong bata at matanda– ang nakararanas ng tigyawat bago mag-mens. May mga pagkakataon ding may mga babaeng hindi nakararanas ng problema sa balat tulad nito; ngunit karamihan sa mga babae ang dumadaan dito.
Ang kagandahan dito, lumalabas ang tigyawat at nawawala rin tuwing o pagtapos ng kanilang cycle. Kaya ang tanong, bakit nangyayari ang tigyawat bago mag mens sa kababaihan? Maiiwasan ba sila?
Bakit Nangyayari Ang Tigyawat Bago Mag-Mens?
Ang tigyawat bago mag-mens, na tinatawag ding premenstrual acne, nangyayari ito dahil sa hormonal fluctuations. Bahagi rin ito ng PMS (Premenstrual Syndrome) na isang mabuting palatandaan na magsisimula na ang menstrual cycle ng isang babae.
Kapag nagbabago ang hormones, nagiging sanhi ito ng paggawa ng katawan ng mas marami pang sebum. Sa kalaunan, ang sobrang sebum na inilabas ng balat ang nagiging tigyawat bago mag mens.
Dagdag pa sa pagtaas ng oil production ng balat, isa pang sintomas ng PMS ang mood swings. Mas posibleng maging emosyonal ang mga babae bago ang mens nila, na maaaring humantong sa binge eating. Posible maging sanhi rin ng binge eating ang irregular cycle.
Napaparami ng binge eating ang pagkain ng carbohydrates at fat, kaya kapag nag-binge eat ang mga babae dahil sa PMS, posibleng makaranas sila ng acne breakout dahil sa pagbabago ng diet nila.
Panghuli, kapag nakararanas ng PMS ang mga babae, madalas silang ma-stress. Kapag napabilang ang stress sa iba pang mga dahilan na makadaragdag sa stress (tulad ng trabaho, problema sa pera, problema sa relasyon), maaaring makapagpalala ito ng tigyawat kumpara sa dati.
Tandaang hindi stress ang nagdudulot ng tigyawat; ngunit kung may tigyawat na noon ang isang tao, maaaring stress ang maging dahilan para lumala ito.
Paano Maiwasan Ang Tigyawat Bago Mag-Mens?
May mga solusyon na makatutulong sa kababaihan na maiwasan ang pagkakaroon ng tigyawat bago mag-mens, gayunpaman, hindi nito sinisuguro na hindi sila makararanas ng acne breakouts.
1. Maghilamos ng mukha nang hindi bababa sa dalawang beses sa isang araw para maiwasan ang oil build up.
Siguraduhing gumagamit ng mga mild acne care product para maiwasan ang karagdagang pangangati at pagkatuyo ng balat.
2. Iwasan ang mga skincare product na tumutuyo sa balat.
Palaging tingnan ang listahan ng mga sangkap sa mga skincare product at suriin kung may parabens, phthalates, at alkohol ito. Kung may mga sangkap na ito ang nasabing produkto, iwasan itong gamitin.
3. Siguraduhing matanggal ang bawat bakas ng makeup bago matulog.
Maaaring magsanhi ng acne breakouts at tigyawat bago mag-mens ang makeup na naiwan buong gabi sa iyong mukha.
4. Kung madalas magpawis, siguraduhing maghilamos ng mukha pagtapos ng araw.
Maaaring humantong sa acne breakouts ang mga baradong pores dahil sa pawis.
5. Iwasang gumamit ng mga abrasive na facial scrub.
Maaaring makairita sa balat ang mga abrasive na facial scrub o pag-scrub ng mukha nang masyadong mariin, at maging sanhi rin ng pagkakaroon ng tigyawat bago mag-mens.
6. Iwasan ang paghawak sa mukha.
Dumidikit ang bakterya sa iyong mga kamay kaya iwasang hawakan ang iyong mukha, lalo na kung hindi malinis ang iyong kamay. Mapipigilan nitong mapunta sa iyong pores ang bakterya at magdulot ng tigyawat bago mag-mens.
7. Huwag putukin o tanggalin ang iyong pimples.
Maaaring hindi makatutulong ang pagputok o pagtanggal ng pimples dahil mas lalo nitong maiirita ang balat. Makatutulong ang pag-iwas sa gawain na ito na hindi dumami ang iyong tigyawat bago mag-mens.
8. Uminom ng birth control pills.
Ang mga birth control pill, o iba pang mga gamot na tumutulong sa hormones, ang maaaring makapagpanatili sa iyong hormones sa tamang antas nito. Kung walang hormonal fluctuations, hindi makagagawa ng masyadong maraming sebum ang balat at magbabara ng pores, kaya posible ring mabawasan ang pagkakaroon ng tigyawat bago mag-mens. Tanungin muna ang doktor kung maari itong gamitin sa iyong sitwasyon para sa pag kontrol ng tigyawat.
9. Gumamit ng topical acne medications.
Kung hindi gumagana sa iyong tigyawat ang mga gamot tulad ng birth control pills, maaaring subukan ang topical acne medications. Mababawasan ntio ang kasalukuyang tigyawat bago mag-mens.
10. Kontrolin ang iyong diet.
Subukan umiwas sa mga pagkaing mataas sa carbohydrates at fat dahil maaari sila magdulot ng tigyawat. Ilang pag-aaral ang nagpakita ng koneksyon ng mga high-glycemic na pagkain sa tigyawat.
Key Takeaways
Normal lang na maranasan ang pagkakaroon ng tigyawat bago mag-mens. Hindi kailangan mag-panic ang mga babae kapag nangyari ito dahil kusa itong nawawala pagtapos ng menstrual cycle. Sa kabutihang-palad, maaaring gumawa ng mga hakbang ang mga babae para lumiit ang posibilidad na magkaroon sila ng tigyawat bago mag mens.
Matuto pa tungkol sa Tigyawat dito.