Lahat siguro sa atin ay nakaranas nang magkaroon ng acne o tigyawat. Madalas itong nararanasan ng mga teenagers, ngunit nangyayari rin ito sa mga nakatatanda, at ang mga ganitong kaso ay tinatawag na hormonal acne.
Ating alamin kung ano ba mismo ang hormonal acne, paano ito nangyayari, at anu-ano ang mga maaaring maging solusyon dito.
Ano ang hormonal acne?
Ang hormonal acne ay isang uri ng acne na nagtutuloy-tuloy mula sa pagiging teenager hanggang sa pagtanda. Kaya ito tinatawag na hormonal acne ay madalas itong naaapektuhan ng pagbabago ng mga hormone levels sa katawan. Dahil sa pabago-bagong hormone levels, naaapektuhan ang production ng sebum o oil sa balat. Kapag masyadong marami ang sebum sa balat, maaari itong bumara sa pores ng balat. Kapag barado ang pores, maaari itong magkaroon ng mga bacterial infection na nagiging sanhi ng acne.
Karaniwang nakararanas ng ganitong klaseng acne ang mga kababaihan, partikular na ang mga buntis o kaya dumadaan sa menopause. Gayunpaman, maaari rin itong makuha ng mga kalalakihan.
Mayroon ring mga bagay na maaaring makaapekto sa hormone levels ng katawan at magdulot ng acne. Kabilang na rito ang mga sumusunod:
- Stress
- Kakulangan sa tulog
- Shampoo at ibang skin products
- Buwanang dalaw
- Pagbubuntis
- Menopause
- Testosterone treatment
- Paggamit ng steroids
- Family history ng acne
Hindi lahat ng kaso ng ganitong uri ng acne ay kinakailangan ng matagal na gamutan at minsan nawawala lang ito ng kusa. Gayunpaman, kung pabalik-balik ang acne o kaya ay lalo itong lumalala, mabuti nang magpatingin sa dermatologist upang malaman kung ano ang maaaring gawin.
Anu-ano ang mga sintomas ng hormonal acne?
Ang karaniwang sintomas ng kondisyong ito ay ang pagkakaroon ng tigyawat sa mukha na pabalik-balik. Gayunpaman, maaari ring makaranas ng acne sa mga sumusunod na bahagi ng katawan:
- Leeg
- Likod
- Balikat
- Dibdib
Bukod sa acne, maaari ring maging sintomas ng ganitong klase ng acne ang mga sumusunod:
- Whiteheads
- Blackheads
- Cysts
- Butlig-butlig na balat
Kapag nakaranas ka ng alin man sa mga sintomas sa taas, posibleng mayroon kang hormonal acne.
Paano ito nagagamot?
Bago gamutin ang hormonal acne ay kailangan munang siguraduhin ng doktor kung ito ba talaga ay hormonal acne o hindi. Pag na-diagnose ang iyong kondisyon, maaaring sumailalim sa ilang mga paraan ng treatment.
Ang karaniwang gamot sa hormonal acne ay ang paggamit ng mga specialized na creams na nirereseta ng mga doktor. Ito ay mayroong mga ingredients na nakatutulong upang bawasan ang oil sa balat at bawasan rin ang mga acne breakouts.
Madalas ring nagrerekomenda ang doktor ng mga skin products na safe para sa acne-prone na balat tulad ng mga water-based na lotion at creams. Ito ay dahil ang mga skin products, tulad na lang ng ibang mga cream at lotion na oil-based, ay maaaring makasama lalo kapag ginagamit ng mayroong acne.
Paano ito maiiwasan?
Bagama’t hindi maaaring ganap na mapigilan o kaya maiwasan ang pagkakaroon ng hormonal acne, mayroong mga bagay na maaaring gawin upang mas makontrol ito. Kabilang dito ang mga sumusunod:
- Pagbabawas ng stress
- Pagkakaroon ng sapat na tulog
- Paggamit ng mga skin products na mild sa balat
- Pag-iwas sa mga pagkaing maaaring magdulot ng mga breakout
- Pagpapanatiling malinis ng mukha at ng balat
Mahalaga ring magpatingin sa doktor upang ma-diagnose at mabigyan ng wastong lunas ang iyong kondisyon.