Bagama’t may ilang gawi na kapaki-pakinabang at mabuti para sa katawan tulad ng pag-eehersisyo at meditation, may ilan namang hindi. Ang paninigarilyo ay isang partikular na gawi na may masamang epekto sa katawan. At dahil ito ay lubhang nakaaadik na gawi, ito ang dahilan kung bakit mahirap tumigil sa paninigarilyo. Kaya naman, kinakailangan ng karagdagang suporta ng mga naninigarilyo upang itigil ito.
Bakit mapanganib ang paninigarilyo?
Bagama’t walang tiyak na benepisyo ang paninigarilyo, binibili at tinatangkilik pa rin ito ng mga tao. Ayon sa mga pananaliksik, maaari itong maging sanhi ng mga karamdaman at sakit. Ano ba talaga ang mayroon sa sigarilyo na dahilan upang maadik ang mga tao dito sa kabila ng masamang epekto nito? Bakit mahirap tumigil sa paninigarilyo?
Ika-9 na siglo nang unang matuklasan ang mga sigarilyo sa Gitnang Amerika at Mexico. Ang mga ito ay nasa anyo ng reeds o tubes. Ngayon, ang mga sigarilyo ay nasa anyo ng isang maliit, cylindrical na tube na may matigas na filter sa isang dulo.
Noon, ang mga sigarilyo ay gawa lamang sa napakakaunting mga sangkap. Subalit ngayon, karamihan sa mga ito ay gawa sa napakaraming materyal. Ang mga materyal na matatagpuan sa usok ng sigarilyo ay iba pa sa mga sangkap na makikita sa mismong loob ng tube nito.
Bakit mahirap tumigil sa paninigarilyo? Ang usok ng sigarilyo ay lumalabas sa tubo nito sa dalawang paraan. Una ay mula sa dulong bahagi na sinisindihan, at ang isa ay bahagi ng filter na inilalagay sa labi ng isang naninigarilyo. Ang ilan sa mga materyal na pumapasok sa katawan ng naninigarilyo ay ang carbon monoxide, tar, at nicotine.
Bukod sa mga nakalalasong sangkap, mayroon pang tinatayang 60 mga kemikal na taglay ang usok ng sigarilyo. Kabilang dito ang formaldehyde, aromatic metals, at iba pa na mapanganib sa katawan.
Paano nadedebelop ang adiksyon sa paninigarilyo?
Bakit mahirap tumigil sa paninigarilyo? Ang nicotine na mayroon sa mga sigarilyo ay isang nakaaadik na sangkap. May kakayahan itong baguhin ang balanse ng noradrenaline at dopamine, mga kemikal na matatagpuan sa utak.
Kapag pumasok ang nicotine sa katawan at humalo sa mga kemikal sa utak, magbabago ang mood ng taong naninigarilyo. Maaari nitong mabago ang kanyang lebel ng konsentrasyon, na isa sa mga pinakadahilan kung bakit nagiging kasiya-siyang gawi ang paninigarilyo.
Ang prosesong ito ay napakabilis mangyari. Sa pagpasok ng nicotine sa katawan ng tao, agad itong dumidiretso sa utak. Dito nagaganap ang kasiya-siyang epekto ng paninigarilyo, epektibong nababawasan ang stress ng naninigarilyo. Dito nagsisimula ang adiksyon sa nicotine.
Paano tumigil sa paninigarilyo?
Ang kagustuhan ng isang tao na manigarilyo ay lubhang napakamakapangyarihan. Sa katunayan, maging ang mga taong nagpasyang tumigil na sa paninigarilyo ay naninigarilyo pa rin ng isa o dalawang stick. Subalit ang paninigarilyo ay isang adiksyon na maaari parin itigil.
Narito ang ilang mga paraan na maaari mong subukan na makatutulong upang itigil ang adiksyon sa paninigarilyo.
Nicotine-Replacement Therapy
Ang doktor ay lubhang makatutulong sa mga taong nais sumailalim sa nicotine-replacement therapy. Kadalasang ibinibigay ng doktor ang mga sumusunod na pagpipilian upang makapili ang taong naninigarilyo ng paraan ng gamutan na nais niyang gawin bilang pamalit sa nicotine:
Sa paraan ng isang inhaler o nasal spray
Sa paraan ng patches, lozenges o chewing gum
Non-smoking meds tulad ng varenicline at bupropion
Ang nicotine-replacement therapies ay agad na nagiging epektibo sa katawan. Ang mga ito ay ligtas at lubhang mabisa kung sasamahan ng long-acting nicotine therapies tulad ng patches.
Humanap ng Ibang Gawi
Isa sa mga dahilan kung bakit sinusubukan ng mga tao ang paninigarilyo ay dahil sa pagkainip. Upang maitigil ang bisyong ito, kailangan mong humanap ng gawi na papalit sa paninigarilyo. Kung nakararamdam ka ng pangangailangan na manigarilyo, subukan ang paggawa ng isang gawaing mas makabubuti at kakailanganin ang pagiging mas aktibo.
Maaaring subukan ang ilang ehersisyo, pagbabasa ng libro, o pagbisita sa isang kaibigan. Maaari ka ring maglaan ng mas mahabang oras sa mga bagay na lagi mong gustong gawin tulad ng mga gawaing makasining o meditation. Makatutulong din ito upang maiwasan ang muling paninigarilyo matapos ang panahon ng pagtigil nito.
Humingi ng tulong
Kung pakiramdam mo ay kailangan mo ng karagdagang suporta upang tumigil sa paninigarilyo, laging makatutulong ang iyong mga kaibigan at pamilya. Makipagkita ka sa kanila o ayain silang magkape o mamasyal.
Maaari ka ring sumali sa mga grupo na kinabibilangan ng mga taong nagnanais ding tumigil sa paninigarilyo. Makipag-ugnayan sa mga organisasyong sinusuportahan ng pamahalaan na nagbibigay ng counseling at suporta sa mga naninigarilyo na gusto nang tumigil sa kanilang bisyo.
Laging tandaan kung bakit gusto mong tumigil sa paninigarilyo
Kung sinusubukan mong tumigil sa paninigarilyo dahil gusto mong gumawa ng mas mabuting desisyon para sa iyong sarili o dahil sa iba pang dahilan, kailangan mo ng motibasyon upang ipagpatuloy ito. Isulat ang iyong mga dahilan ng pagtigil sa paninigarilyo sa isang papel at idikit ito sa pader kung saan mo ito laging makikita.
Kung natutukso kang manigarilyo, basahin mo ito nang malakas. Maaaring makatulong ang mga halimbawang benepisyong ito:
Para sa isang mas malusog at mas magandang pamumuhay
Pag-alis ng panganib na malantad ang iyong mga mahal sa buhay sa usok ng sigarilyo
Pagtitipid ng pera at paggamit nito sa ibang personal na layunin
Ano ang mangyayari matapos tumigil sa paninigarilyo
Matapos mong tumigil sa paninigarilyo, maaari kang makaranas ng withdrawal symptoms tulad ng mga sumusunod:
Pagkapagod
Stress
Pagiging iritable
Pagkabalisa
Nahihirapang matulog
Pagtaas ng ganang kumain
Pagbaba ng tibok ng puso
Mahirap mang tiisin ang mga sintomas na ito, ngunit magtatagal lamang ang mga ito hanggang sa matanggal na sa iyong katawan ang toxins na mula sa sigarilyo. Magiging sulit ang mga ito kapag tuluyan ka nang naging malaya sa paninigarilyo.
Bagama’t walang magiging anomang masamang epekto at problema sa kalusugan matapos huminto sa paninigarilyo, ang iba ay maaaring makaranas ng pagtaas ng timbang. Ito ay epekto ng pagtaas ng ganang kumain.
Pangunahing Konklusyon
Ang paninigarilyo ay isang masamang gawi na maaaring iwasan ng tao. Mahirap itong itigil nang biglaan. Kaya naman hinihakayat ang mga taong nais tumigil sa paninigarilyo na humanap ng suporta. Tandaan na kung noon ay nakaya mong mabuhay nang wala ito, kaya mong malagpasan ang adiksyon sa nicotine at mamuhay nang hindi naninigarilyo.
Matuto pa tungkol malulusog na gawi dito.