Madalas na napapabayaan at hindi napapansin ang ating pandinig, ngunit isa ito sa pinakaimportante nating pandama. Mahalaga ang pangangalaga nito at dapat na handa tayo palagi para sa first aid sa bara sa tenga.
First Aid sa Bara sa Tenga: Pumasok na Bagay sa Tenga
Karaniwan na sa mga bata ang mapasukan ng anumang bagay sa tenga (mga toddler at preschooler) dahil mahilig silang magsubo ng mga bagay o magpasok nito sa ilong, at tenga. Ngunit nagiging problema rin ito ng matatanda kapag nililinis nila ang kanilang tenga gamit ang cotton bud.
Ang madalas na pumasok sa tenga ng tao ay:
- maliliit na laruan
- pagkain (tulad ng buto at mani)
- papel
- bulak
- mga insekto.
Ang mga bagay na ito ay maaaring aksidente o sinasadyang ipasok sa tenga.
Kung kailangan ng propesyonal na tulong, maaaring tumawag sa isang otolaryngologist o ear, nose, and throat (ENT) doctor. Ngunit kung walang doktor, mahalaga ang kaalaman sa first aid sa bara sa tenga.
Paano Pumapasok ang mga Bagay Sa Tenga?
Para sa mga Bata
Madalas na inilalagay ng bata ang mga nahahawakan nilang bagay sa loob ng kanilang tenga dahil sa kuryosidad. Dahil nasa edad sila na gusto palaging magsiyasat at sumubok, inilalagay nila ang mga bagay sa lugar na hindi dapat, tulad ng tenga at ilong.
Habang kumakain o naglalaro ang mga toddler o preschooler, maaaring ikinatutuwa nila ang paglalagay ng mga bagay sa loob ng kanilang maliliit na tenga. Karaniwang inilalagay sa tenga ng bata ang maliliit na laruan, trinkets tulad ng beads at butones, mga bilog na baterya, at pagkain tulad ng mani, buto, at beans.
Huwag iiwan basta ang bata lalo na kapag naglalaro o kumakain. Bukod dyan, maaaring kailangan mong matutuhan ang first aid sa bara sa tenga upang makagawa agad ng aksyon sa anumang aksidenteng may kinalaman sa tenga.
Magdoble ingat din kapag naglilinis ng tenga.
Para sa Matatanda
Ang madalas na mangyari sa matatanda ay kapag naiwan ang dulo ng cotton bud sa loob ng tenga nila. Ang cotton buds ang madalas na tinatanggal ng ENT sa tenga ng pasyente. Nangyayari ito dahil madalas na maglinis ng tenga ang matatanda.
Ginawa ang cotton buds upang tanggalin ang ear wax o kulaba sa loob ng iyong tenga. Gayunpaman, pinaiiwas ng mga doktor ang mga tao sa paggamit nito dahil maaari itong maging sanhi ng ilang seryosong problema sa tenga kung mali ang paggamit.
May pagkakataon ding may pumapasok sa insekto sa tenga ng tao. Maaaring mangyari ito habang natutulog ang isang tao sa sahig o nagka-camping sa labas. Sa mga ganitong pagkakataon, mahalagang malaman kung paano gawin ang first aid sa bara sa tenga.
Mga Sintomas
Maaaring lumitaw ang mga sumusunod na sintomas depende sa kung gaano katagal na ang bagay sa loob ng tenga:
- Pananakit ng tenga at discomfort ang pinakakaraniwang sintomas ng bumarang bagay sa tenga.
- May pagdurugo kapag ang paligid ng iyong tenga ay nagasgas, o napunit ang eardrum dahil sa bagay na pumasok dito.
- Biglaang pagkabingi o paghina ng pandinig.
- Kung buhay pa ang insekto sa iyong tenga, mararamdaman mo ang paggalaw nito. Makararamdam ka rin ng sakit kung kumagat ang insekto sa loob.
- Pwedeng may lumabas na fluid kung may impeksyon na ang tenga.
Mga Posibleng Pinsala ng mga Bagay sa Tenga
Bagaman kayang tanggalin ng ENT ang bagay sa pumasok sa tenga, pwede pa ring makapinsala ang bagay na ito sa pandinig, tulad ng:
Ruptured Eardrum (Tympanic Membrane Perforation)
Kapag nasundot ng matulis na bagay ang iyong eardrum, pwede itong magdulot ng pagkapunit. Nauuwi ito sa impeksyon at maging sanhi ng ruptured eardrum. Naaapektuhan nito ang iyong pandinig at maaaring magkaroon ng impeksyon ang tenga (at utak). Gayunpaman, may mga gamutan at medikal na pamamaraang makatutulong sa iyong eardrum sa loob lamang ng ilang linggo.
Impeksyon sa Tenga
- Acute otitis media. Kung napabayaan ang bagay sa loob ng tenga, maaari itong maging sanhi ng pagsakit at impeksyon sa middle ear. Mas karaniwan ang acute otitis media sa mga bata kaysa matatanda. Makatutulong ang antibiotics at iba pang gamutan upang magamot ito.
- Otitis externa. Isa itong impeksyon sa tenga o inflammation sa external ear canal na sanhi ng maruming tubig, hindi malinis na pagbubutas ng tenga, o sobra-sobrang paglilinis ng tenga. Pwedeng dulot ng fungal o bacterial infection ang otitis externa. Makatutulong ang ear drops na may antibiotics at steroid upang magamot ito.
First Aid sa Bara sa Tenga
Sundan ang mga tip sa first aid sa bara sa tenga na ito:
- Tanggalin ang bagay na bumara sa tenga gamit ang tweezers kung nakausli lang ito sa ear canal o madaling makuha. Gayunpaman, kung masyadong malalim ito at umabot na sa inner ear canal, mas mabuting maghintay ng propesyonal upang tanggalin ito.
- Kung loose ang object, subukang itagilid ang ulo upang makatulong na mahulog ito palabas ng tenga.
- Kung may pumasok na insekto sa tenga, ipihit ang ulo upang ang tengang apektado ay nakaharap pataas. Saka maglagay ng maligamgam na baby oil, mineral oil, o olive upang lumutang ang insekto palabas ng tenga.
- Tandaang huwag gamitin ang oil method kung ang bata o matanda ay may nakalagay na ear tubes o kung mayroon siyang perforated o butas na eardrums.
Kung hindi available ang doktor, gawin ang mga hakbang na ito bilang first aid:
- Tiyaking huwag hahawakan ang tengang may nakabarang bagay. Maaaring makapagdulot ng higit na pinsala at sakit ang paggalaw-galaw sa tenga.
- Kung may tumulong likido o fluid mula sa tenga, hayaan lang itong dumaloy. Huwag subukang tanggalin ang anumang fluid mula sa loob ng tenga dahil maaari itong maging sanhi ng mas seryosong impeksyon.
- Gumamit ng malinis na tela o gasa kung nagdurugo ang tenga. Iwasang hawakan ang dumudugong bahagi ng tenga gamit ang kamay upang maiwasan ang panganib ng impeksyon.
Tumawag agad ng medikal na tulong kung ang mga sintomas ay lumala o hindi na makayanan.
Key Takeaways
Isa ang tenga sa pinakamaselang bahagi ng katawan. Ang kaunting pinsala ay maaaring mauwi sa mas seryosong mga problema sa tenga, tulad ng pagkabingi at impeksyon.
Ang first aid sa bara sa tenga ay mahalaga upang maiwasan ang panganib ng posibleng pinsala dito. Tandaang ang first aid sa bara sa tenga ay isa lamang paunang lunas habang naghihintay ng medical professional na masuri at magamot ang iyong tenga.
Gagawin ng ENT ang lahat ng posibleng gamutan upang matulungang maibalik ang kabuoang kalusugan ng iyong tenga. Tandaang uminom ng lahat ng gamot na ibinigay ng doktor.
Matuto pa tungkol sa Pangunahing Lunas dito.