backup og meta

Ano ang Dapat Gawin Kapag Napako? Heto ang mga First Aid Tip

Ano ang Dapat Gawin Kapag Napako? Heto ang mga First Aid Tip

Ang kaalaman kung ano ang dapat gawin kapag napako ay isang bagay na hindi mo inaasahang magagamit, ngunit napakahalaga sa panahon ng emergency. Basahin pa ito upang malaman ang dapat gawin kapag napako, at anong mga first aid steps ang dapat tandaan.

Paano tanggalin ang pako

Mabuti na lang at bihira lang mangyari ang mapako ng anumang bagay. Sa kabila nito, mahalaga pa ring malaman kung ano ang dapat gawin kapag napako, dahil depende sa tindi ng injury, maaari itong maging life-or-death situation.

Narito ang ilang dapat tandaan:

1. Suriin ang pinsala

Una, suriin muna ang kabuoang kalagayan ng tao at pati na ang kanyang pinsala. Tingnan kung may malay, humihinga, at kayang gumalaw. Sunod na tingnan ang pinsala o injury mismo. Tandaan kung nasaan ang pinsala, ang lalim ng pagkakapako, at anong bagay ang bumaon.

Mahalagang maibigay ang mga impormasyong ito sa oras na humingi ka ng tulong upang malaman ng mga paramedic kung ano ang aasahan nilang klase ng pinsala.

2. Agad na humingi ng tulong

Isang seryosong pinsala ang pagkakapako, kaya’t dapat kang humingi agad ng tulong. Tiyaking tama at eksakto ang ibibigay mong lugar kung nasaan ka upang mabilis na makarating ang tulong.

Hangga’t maaari, subukang huwag dalhin agad sa ospital ang isang tao dahil maaaring magdulot ng lalong pinsala sa katawan ang paggalaw. Gawin lamang ito kung hindi ka makahingi ng tulong o wala nang iba pang paraan.

3. Huwag tanggalin ang bumaon na bagay

Huwag na huwag mong tanggalin ang bumaong bagay sa kahit na anong sitwasyon. Ito ay dahil sa pinsalang dulot ng pagkakapako, ang bumaong bagay ay maaaring magsilbing “plug” na tumutulong upang huminto ang pagdurugo. Kapag tinanggal o hinatak mo ito, maaaring lumabas nang lumabas ang dugo.

Posible rin na sa ilang mga kaso, maaaring magdulot ng mas matindi pang pinsala ang pagtanggal ng bagay na bumaon, lalo na kung mahahalagang organ ang tinamaan. Kaya’t huwag na huwag tatanggalin ang bagay na bumaon sa isang tao. Tanging mga doktor lamang at medikal na propesyonal ang maaaring gumawa nito. Sila ang lubos na nakaaalam kung ano ang dapat gawin kapag napako nang hindi nakapagdudulot ng higit na pinsala.

4. Asikasuhin ang pinsala

Ngayong nasuri mo na ang pinsala at nakatawag na ng tulong, asikasuhin mo na ang pinsala. Ito ang sunod na hakbang na dapat gawin kapag napako.

Subukang linisin ang sugat hangga’t makakaya. Magagawa mo ito sa pamamagitan ng paggamit ng alcohol, o iodine. Kung may tubig ka, puwede mo rin itong gamitin upang linisin ang sugat. Maging sobrang maingat sa paggawa nito upang maiwasang matanggal ang bumaong bagay.

Kung mayroon kang anumang gauze o benda, puwede mong subukang bendahan ang sugat, na dapat makatulong upang huminto ang pagdurugo at maprotektahan ang pinsala. Makatutulong din ito upang hindi magalaw ang bumaong bagay o matanggal. Gayunpaman, iwasang sumabit ang benda sa mismong bumaong bagay.

Sa ilang kaso, maaaring may tuloy-tuloy na pagdurugo. Ang puwede mong gawin ay maglagay ng padding sa sugat, at maglagay ng hindi direktang pressure dito. Kailangang makatulong ang pressure upang mahinto ang pagdurugo hanggang sa dumating ang tulong.

Kung marunong kang gumamit at gumawa ng tourniquet, puwede mo rin itong gawin upang huminto ang pagdurugo.

5. Manatili kasama ng pasyente hanggang sa dumating ang tulong

Pagdating sa ano ang dapat gawin kapag napako, matapos asikasuhin ang pinsala, samahan ang pasyente hanggang sa dumating ang tulong. Subukang kausapin siya at piliting kumalma, at tiyakin sa kanyang may tulong na darating.

Kung magagawa niyang gumalaw, tulungan siya upang makalipat sa komportableng posisyon. Sa ganitong paraan, maaari mong mapantili ang parehong kondisyon, at makagagawa ng paraan sakaling biglang lumala ang kanyang kondisyon.

Key Takeaways

Pagdating sa kung ano ang dapat gawin kapag napako, ang importanteng dapat tandaan ay huwag na huwag itong tatanggalin.  Tanging mga medikal na propesyonal lang tulad ng mga doktor ang nakakaalam kung paano ito tanggalin. Ipagkatiwala ito sa kanila.

Matuto pa ng ibang Pang-unang Lunas dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

  1. Impaled object : Nursing2021, https://journals.lww.com/nursing/Citation/2011/07000/Impaled_object.24.aspx, Accessed June 3, 2021
  2. Standard First Aid Course – Chapter Five – Soft Tissue Injuries, http://www.operationalmedicine.org/Library/Manuals/Standard%201st%20Aid/chapter5.html, Accessed June 3, 2021
  3. 8-04. TREAT A WOUND WITH A PROTRUDING (IMPALED) OBJECT | Tactical Combat Casualty Care and Wound Treatment, https://brooksidepress.org/TCCC/lessons/lesson-8-treating-soft-tissue-injuries/8-04-treat-a-wound-with-a-protruding-impaled-object/, Accessed June 3, 2021
  4. First Aid for embedded object and bleeding, https://www.firstaidae.com.au/bleeding-management-for-embedded-object/, Accessed June 3, 2021
  5. Removal of an impaled knife under thoracoscopic guidance, https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pmc/articles/PMC2677854/, Accessed June 3, 2021

Kasalukuyang Version

07/26/2022

Isinulat ni Daniel de Guzman

Narebyung medikal ni Martha Juco, MD

In-update ni: Jaiem Maranan


Mga Kaugnay na Post

5 Dapat Mong Gawin Kapag Tinamaan Ng Kidlat Ang Iyong Anak!

Safety sa Swimming Pool: Ano Ba Ito at Bakit Ito Mahalaga?


Narebyung medikal ni

Martha Juco, MD

Aesthetics


Isinulat ni Daniel de Guzman · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement