Para sa maraming tao, ang tag-araw ay tulad ng mga beach. Masayang magsama-sama ang magkakapamilya habang lumalangoy at kumakain sa tabi ng dagat. Kung nagpaplano kang magbakasyon sa isa sa pinakamagagandang beach sa Pilipinas o international spot, kailangan mong ikonsidera ang mga posibleng panganib sa dagat. Ang mga pating ay kilala bilang nakamamatay na laman-dagat. Ngunit sa realidad, hindi ganoon kadalas kung umatake ang mga pating. Sa kabilang banda, mas karaniwan ang makapitan ng jellyfish. Ang first aid sa nakapitan ng jellyfish ay mahalagang malaman ng lahat dahil hindi lang sa napakasakit nito. May mga pagkakataong nakamamatay din ito.
Mga Uri ng Jellyfish
Bago kayo mag-book ulit papuntang El Nido o Hawaii, maglaan ng ilang oras upang magsaliksik. Hindi lahat ng jellyfish ay nakalalason o may masakit na mga sting. Bukod dyan, lumilipat ng lugar ang mga jellyfish batay sa temperatura at panahon. Mas madalas silang nasa malapit sa mga beach kapag summer o mainit ang panahon, kumpara kapag malamig o tag-ulan.
Kung ang beach na plano ninyong puntahan ay may mga paskil o paalalang nagsasabi na mapanganib ang mga jellyfish, mas mabuti kung mag-iingat. Ilan sa mga pinakamapanganib na jellyfish ay ang:
Box Jellyfish
Hindi lamang pinaka-venomous ang Box jellyfish, ito rin ang pinakanakamamatay na marine animal sa lahat. Pinakakilala ang Australian box jellyfish na kilala sa siyentipiko nitong pangalan na Chironex fleckeri. Ito ang pinakamalaking species ng jellyfish sa lahat ng box jellyfish. May sukat itong hanggang 1 foot in diameter na may 10-foot long na mga tentacle.
Pwede itong maging sanhi ng mabilis na cardiac arrest at shock kapag ang malaking bahagi ng balat ay nakapitan ng mga tentacle. Pwede rin itong maging sanhi ng skin necrosis.
Portuguese Man-of-War
Isa pang uri ng jellyfish na dapat bantayan ang Portuguese man-of-war (Physalia physalis). Nakuha nito ang kanyang pangalan mula sa kanyang natatanging hugis, na tulad ng isang sasakyang pandigma o warship. May ilan ding tinatawag itong bluebottle jellyfish dahil sa translucent blue color nito.
Kung tutuusin, hindi talaga totoong isang jellyfish ang Portuguese man-of-war kundi isang pangkat ng mga organismo na tinatawag na siphonophores. Ang lumulutang na bahagi ng Portuguese man-of-war ay pareho ng sukat sa box jellyfish. Ngunit ang mga tentacle o galamay nito ay umaabot ng hanggang 165 feet long.
Ang “jellyfish” na ito ay hindi kasing nakalalason tulad ng box jellyfish. Hindi sapat ang sting nito upang makapatay ng tao ngunit napakasakit nito at kayang magdulot ng skin necrosis.
Scyphozoan Jellyfish
Sa tatlong uri ng jellyfish na nakalista dito, ito lamang ang totoong jellyfish. Ito ang pinakamarami at karaniwan sa tubig. Gayunpaman, hindi kasing mapanganib ang sting nito kung ikukumpara sa sting jellyfish at hindi kasing sakit ng man-of-war.
First Aid sa Nakapitan ng Jellyfish
Nakababawas ng tsansang makapitan ng jellyfish ang paliligo sa dagat tuwing off-season, pagsusuot ng protective swimwear, at pag-iwas sa paglangoy sa dagat. Gayunpaman, hindi natin minsan mahuhulaan ang mangyayari sa kalikasan at pwede pa ring mangyari ang mga aksidente. Ang mga jellyfish na napadpad sa mga baybay-dagat ay maaaring mapagkamalang plastic bags. Kung mamalasin pa, pwede pa ring dumikit ang mga galamay o tentacle nito at maglabas ng venom kahit patay na ang jellyfish.
Bagaman hindi lahat ng jellyfish ay mapanganib tulad ng box jellyfish, pinakamabuti pa ring ituring na isang emergency situation ang anumang pagkapit ng jellyfish.
Mga Hakbang:
- Mabilis na hugasang mabuti ng suka ang balat na nakapitan ng jellyfish sa loob ng 30 segundo. Meron na dapat nito ang mga lifeguard at mga treatment station. (Kung hindi available, tanggalin ang mga tentacle at hugasan ang balat gamit ang tubig dagat. HUWAG gumamit ng fresh water dahil lalo lang nitong ia-activate ang stinging.)
- Maingat na tanggalin ang tentacle na nasa balat upang maiwasan ang lalong pagkapinsala. Huwag gamitin ang kamay. Kung walang available na gloves, gamitin lamang ang mga dulo ng iyong daliri. Maaari itong magdulot ng mild sting. Tiyaking maghugas ng mga kamay gamit ang tubig dagat/tubig pagkatapos.
- Humingi agad ng medikal na tulong para sa higit na gamutan.
- Pwedeng uminom ng mga over-the-counter na gamot tulad ng paracetamol at ibuprofen habang naghihintay ng medikal na tulong.
Huwag na huwag gagawin ang mga sumusunod:
- gumamit ng ihi, yelo, alcohol, tubig, o iba pang liquid kapalit ng suka. Pwede itong magdulot ng lalong pagsakit.
- subukang tanggalin o sipsipin ang venom.
- hawakan o kaskasin ang mga sugat
Key Takeaways
Sa kabuoan, pagdating sa first aid sa nakapitan ng jellyfish, palaging ituring ito bilang isang emergency situation, anuman ang uri ng jellyfish ito. Sa pangkalahatan, hindi umaatake ang jellyfish sa mga tao dahil hindi nila kayang lumangoy na kasimbilis ng mga isda o pating. Gayunpaman, pwedeng mapagkamalang karaniwang bagay lang ang jellyfish tulad ng mga plastic bag na inaanod sa baybay-dagat o lumulutang-lutang sa tubig.
Matuto pa tungkol sa First Aid Tips dito.