Problema mo ba ang pagkakaroon ng mabahong paa? Ito ay maaaring nakakahiya at nakakagambala. Ano-ano ang mga sanhi ng mabahong paa at ano ang maaaring gawin upang solusyunan ito?
Ano Ang Sanhi Ng Mabahong Paa?
Isang karaniwang problema sa kalusugan ang mabahong paa. Ang aktwal na medikal na terminong para dito ay bromodosis. Ito ay sanhi ng labis na pagpapawis at pamumuo ng bakterya. Bagama’t madalas itong nangyayari dahil sa hindi mabuting kalinisan, maging ang mga taong napakalinis sa kanilang katawan ay maaari ding magkaroon ng mabahong paa.
Pawis At Bakterya
Una sa lahat, ang iyong mga paa ay mainam na lugar upang pamahayan ng bakterya. Ang bawat paa ay may higit sa 250,000 na sweat glands. Ang glands na ito ay maaaring magprodyus ng isang tasa ng pawis kada araw. At kapag nakasuot ka ng sapatos na nagkukulong ng pawis sa loob, ang napakamamasa-masang paligid na ito ay nagiging isang masaganang lugar upang pamahayan ng bakterya.
Fungus
Gayunpaman, hindi lamang bacteria ang maaaring maging sanhi ng mabahong paa. Ang mga impeksyong sanhi ng fungus tulad ng alipunga ay maaari ding maging sanhi nito. Ito rin ay isang karaniwang kondisyon.
Bagama’t maaari itong maging lubhang hindi kaaya-aya, ang mabahong paa ay kadalasang sanhi ng mga hindi malubhang problema na madaling magamot. Maraming home remedies para sa fungus at amoy ng paa, halimbawa. Kung nais ng mas tiyak at mabisa, komunsulta sa dermatologist para sa mga resetang gamot at mas malalakas na pamahid na maaari mong gamitin.
Paano Iwasan At Gamutin Ang Mabahong Paa
Mabuti na lamang, maraming mga paraan na maaari gawing upang maiwasan at gamutin ang mabahong paa. Narito ang ilan sa mga mas madadaling paraan na maaari mong gawin:
1. Magkaroon ng mabuting hygiene sa paa
Ang pinakamahusay at pinakamadaling paraan upang maiwasan ang alipunga at ang iba pang mga kondisyon na humahantong sa bromodosis ay ang pagpapanatiling malinis ng mga paa. Gumamit ng mild soap upang linisin nang mabuti ang mga paa. Ang pinakamainam na oras upang gawin ito ay sa oras ng paliligo. Kasinghalaga ng mabuting paghuhugas ng mga paa ang ganap na pagpapatuyo ng mga ito nang maayos. Siguraduhing ang mga puwang sa pagitan ng mga daliri ng paa ay lubusang natuyo upang maiwasan ang pagkakaroon ng bakterya at fungus.
Napansin mo ba kung paano naging matigas ang dead skin sa iyong paa? Kapag nabasa ang iyong mga paa, nagiging malambot ang balat nito. Ito ng dahilan kung bakit nagiging madali para sa bakterya o fungi na makapasok at dumami. Alisin mula sa mga paa ang dead skin gamit ang panghilod o kuskusin ito habang naliligo.
2. Subukan ang foot bath
Maaaring ibabad ang paa sa mouthwash o maging sa suka, na maaaring haluan ng tubig.
3. Magpa-pedicure
Siguraduhing gupitin ang mga kuko sa paa nang maikli upang hindi magkaroon ng dumi sa ilalim ng mga ito. Maaari din itong pamahayan ng fungus at bakterya.
4. Gumamit ng angkop na medyas
Palitan ang iyong medyas araw-araw kahit na tila malinis pa ito o wala pang mabahong amoy. Ang pawis ay natutuyo sa medyas at maaaring maging dahilan upang maging lubhang mabilis na ma-infect ang paa. Kung nakatira sa isang mainit na kapaligiran o kung nagsasagawa ng maraming pisikal na gawain, dapat magpalit ng medya nang mas madalas.
Gumamit ng uri ng medyas na sumisipsip ng pawis upang ang iyong mga paa ay hindi mababad sa buong oras na ikaw ay may suot na sapatos.
5. Pagpahingahin ang iyong sapatos
Huwag magsuot ng parehong sapatos araw-araw. Ang pagsusuot ng parehong pares ng sapatos bawat araw ay nangangahulugang wala itong sapat na oras upang matuyo ang pawis. Gayundin, iwasan ang pagsusuot ng sapatos na masyadong masikip o basa.
6. Subukang gumamit ng deodorant para sa paa
May deodorant insoles na maaaring gamitin. Ang insoles na ito ay lubhang epektibo upang labanan ang pagkakaroon ng mabahong paa.
7. Gumamit ng antifungal na ointment
Kung nagkaroon na ng alipunga noon, maaari gumamit ng antifungal soap o maaari bumili sa botika. Kumonsulta sa iyong doktor upang malaman ang pinakaangkop sa iyong kondisyon.
Ano Ang Amoy Ng Alipunga?
Ang alipunga ay nagdudulot ng hindi kanais-nais na amoy, at maaari itong maging napakalakas na naaamoy din ito ng ibang tao sa iyong paligid. Ang kondisyong ito ay bahagyang karaniwan kaya maaaring makahanap ng mga sabon at ointment na magagamit upang masolusyunan ang pagkakaroon ng mabahong paa.
Mabahong Paa At Kanser: May Kaugnayan Ba?
Tandaan na ang mga biglaang pagbabago sa amoy ng iyong katawan ay maaari ding indikasyon ng iba pang kondisyon. Lubhang bihirang magkaroon ng kaugnayan ang pagkakaroon ng mabahong paa at kanser. At sa ganitong mga kaso, may sugat na nagdudulot ng amoy. Ngunit ang ibang mga kondisyon ay maaari ding humantong sa mga biglaang pagbabago sa amoy ng katawan.
Ang amoy ng iyong katawan ay may kaugnayan sa pagkain na iyong kinakain. Kung nakararanas ng biglaang pagbabago sa amoy ng katawan, komunsulta sa doktor.
Key Takeaways
Ang pagkakaroon ng mabahong paa ay maaaring hindi isang malubha o nakamamatay na kondisyon. Gayunpaman, hindi ito nangangahulugan na hindi ito dapat bigyang-pansin. Gamutin ito agad upang mawala ang amoy ng mabahong paa. Maaari itong maging isang nakahihiyang kondisyon na maaaring magdulot ng pagkabalisa at pagkaantala sa mga normal na gawain. Mabuti na lamang, ang kondisyong ito ay madaling gamutin.
Tulad ng iba pang mga kondisyon, ang bromodosis ay mas madaling maiwasan. Sa pamamagitan ng mga tamang gawi sa kalinisan, hindi kinakailangang mabahala tungkol sa pagkakaroon ng mabahong paa.
Matuto pa tungkol sa General Hygiene dito.