Sa panahon ngayon, maaaring mahirap malaman kung paano pataasin ang energy at ma-motivate sa buong araw. Matinding traffic, overload na trabaho, at araw-araw na abala ay talaga namang nakakaubos ng lakas. Walang gustong makaramdam ng pagod palagi, at ang maganda rito, hindi naman kailangang palaging ganito ang kaso.
Sumasaklaw sa lahat ang kabuoang magandang kalusugan – hindi mo lang kailangang bantayan ang iyong katawan at kinakain. Dapat mo ring tiyaking maayos ang iyong mental at emosyonal na kalusugan.
Ang pagsisimula ng maliit at simpleng pagbabago sa pamumuhay ay may epekto sa kung paano mo haharapin ang iyong araw. Kaya naman, naglista kami ng ilang tips kung paano pataasin ang energy at maging motivated.
Paano Pataasin ang Energy at Maging Motivated
1. Uminom ng Maraming Tubig Upang Pataasin ang Energy
Kapag masyado tayong abala sa pang-araw-araw nating gawain, hindi natin napapansing kulang na pala tayo sa pag-inom ng tubig.
Bagaman inirerekomendang uminom ng 8 baso ng tubig kada araw, magkakaiba ang pangangailangan sa tubig ng bawat tao upang manatiling hydrated. Sa mga araw na mainit ang panahon, makatutulong kung daragdagan ang pag-inom ng tubig ng mga 12 baso kada araw.
Gumagana ang ating katawan nang may tubig, kaya naman mas makararamdam ka ng pagod kapag dehydrated ka. Kung hydrated ka, hindi lamang nito matutulungan ang iyong mga organ na gumana nang madali, tumutulong din itong matanggal ang mga dumi mula sa iyong katawan.
Ito ay dahil kapag uminom ng tubig, dahan-dahan itong pumapasok sa iyong sirkulasyon upang maging dugo, saka nito itinutulak palabas ang body fluid na nagkalat na may mga dumi. Kapag umiinom ka ng tubig, mas madalas din ang pag-ihi mo, kaya naman nalilinis mo ang iyong katawan.
2. Gusto mo bang malaman kung paano pataasin ang energy? Gumalaw.
Kung nag-eehersisyo ka ng isang oras kada araw at may trabaho mula 8am hanggang 5pm na nakaupo sa harap ng office desk, kailangan mong gumalaw-galaw pa. Napag-alaman sa isang pag-aaral ng University of Texas noong 2016 na “ang isang matinding workout ay maliit lamang ang nagagawa upang kontrahin ang mga epekto ng matagal na pag-upo, habang ang madalas na paglalakad sa paligid bilang karagdagang ehersisyo ay pumipigil sa pinsalang ito.”
Pagdating sa kung paano pataasin ang energy at maging motivated, mas marami ang masama kaysa sa mabuting naidudulot ng palagiang pag-upo.
Ang pag-upo nang matagal ay nagpapataas ng panganib ng depression at anxiety, pananakit ng likod at leeg, cancer, obesity, sakit sa puso, mahinang mga buto, at pamumuo ng dugo. Bukod dyan, nakatutulong ang dagdag na pag-eehersisyo upang makapaglabas ang katawan ng mas maraming endorphins. Kilala rin ito bilang “feel-good chemicals” na nagdudulot ng positibong pakiramdam.
3. Palaging Magkaroon ng Sapat na Tulog
Kung hindi mo sinusunod ang iskedyul ng iyong pagtulog, pwede mong masira ang iyong internal body clock na nakaaapekto sa iyong circadian rhythm. Pagdating sa kung paano pataasin ang energy at maging motivated, malaking salik ang pagkakaroon ng sapat at buong pagtulog.
Ang circadian rhythms, ayon sa National Institute of General Medical Sciences ng Estados Unidos, ay ang “pisikal at mental na pagbabago at behavioral changes na may sinusundang pang-araw-araw na cycle.” Ang nagambala o iregular na mga cycle ay makaaapekto sa gana sa pagkain at digestion ng tao, paglalabas ng hormone, temperatura ng katawan, at iba pang function ng ating katawan.
Kung hindi ito maitatama, maaaring magdulot ang iregular na pattern ng pagtulog ng obesity, depression, diabetes, at iba pang sleep at mental disorders.
4. Manatiling konektado
Sa sikolohiya, ang Hierarchy of Needs ni Abraham Maslow ay isang teoryang nagpapaliwanag kung paano nagiging motivated ang tao sa limang pangunahing kategorya ng pangangailangan.
Kapag natugunan ang unang pangangailangan, magpapatuloy ang tao upang matugunan naman ang susunod na pangangailangan. Kabilang sa isang kategorya ang sense of belonging at napag-alamang ang pakiramdam na ikaw ay “kabilang sa iba” ay isang intrinsic motivator. Ibig sabihin, nagiging motivated ang isang tao na makipagkapwa o makihalubilo sa iba dahil sa likas na kaganapang kanilang nararamdaman matapos mangyari ito.
Ipinakita rin sa mga pag-aaral na nakapagpapahaba ng buhay, nakapagpapalusog ng isip at katawan, at nakapagpapababa ng panganib ng dementia ang aktibong social life.
5. Kumain ng tama
Dahil puno ng artificial na sangkap ang mga processed food, hindi mo nakukuha ang tamang dami ng vitamins at minerals na kailangan ng iyong katawan. Mataas din ito sa asukal at/o fructose corn syrup. Ginawa ito upang maging additive; kaya naman mas marami kang nakakaing processed food.
Mahalaga ang makakuha ng tamang nutrisyon para sa katawan. Hindi lamang upang magkaroon ng healthy na timbang kundi upang manatiling mataas ang energy.
Ang pagkain nang tama ay mahalaga sa pagpapanatili ng balanse sa pagitan ng calories na kinokonsumo mo at sa calories na iyong nagagamit kapag gumagalaw ka. Kung mas marami ang calories na iyong kinokonsumo kaysa sa nagagamit–tataba ka, at gayundin sa kabaliktaran. Ang pagkain ng masustansya ay nagbibigay ng garantiya na magiging mas mataas ang energy mo at mas masigla ka, pisikal man ito o mental.
Key Takeaways
Makatutulong ang kaalaman sa kung paano pataasin ang energy at maging motivated. Makatutulong ito upang harapin ang buong araw at mapabuti ang iyong pangkalahatang kalusugan.
Ang mga pagbabagong ito, bagaman maliit, ay maaaring maging mahirap sa simula. Dahan-dahanin at huwag magmadali. Dahan-dahang gawin ang mga pagbabago sa pamamagitan ng palagiang pagsasabuhay nito.
Matuto sa mga pagkakamali, bantayan ang iyong progress, at matapos ang ilang buwan, tingnan kung ano na ang nagawa mo.
Palaging isipin ang nais mong maabot. Tandaang sa dulo, ang maliliit na pagbabagong ito ay maaaring magbigay ng pangmatagalang pagbabago.
Hindi nagbibigay ang Hello Health Group ng payong medikal, diagnosis, at gamutan.
[embed-health-tool-heart-rate]