Paano i-motivate ang sarili na pumayat? Karamihan ay gustong-gustong pumayat ngunit kulang sa motivation sa sarili upang magsimula. Alam mong gusto mong magbawas ng timbang, at medyo malinaw ang mga pagbabagong kailangan mong gawin para maabot ang magic number sa iyong timbangan. Ngunit alam mo rin na ang pag-abot at pagpapanatili ng tamang timbang ay maaaring maging mahirap, lalo na kung kulang ka sa motivation. Minsan nakakalimutan mo ang dahilan kung bakit mo gustong pumayat kung kaya nawawalan ka ng motivation. Makatutulong sa iyo ang pagkakaroon ng mantra upang makabuo ng momentum sa simula pa lamang upang ikaw ay makapag-focus.
Tips kung paano i-motivate ang sarili na pumayat
Food journal
Maaaring maging napakalaking hamon ang paggawa ng isang game plan sa pagpapayat. Mas mahirap kung wala kang ideya kung saan ka magsisimula. Dito mabisa ang pagkakaroon ng food journal. Tutulungan ka nitong masubaybayan ang iyong kinakain. Maaari itong magbigay sa iyo ng higit na kontrol sa iyong mga gawi sa pagkain. Gamitin mo itong motivation upang gumawa ng maliliit na pagbabago sa iyong kasalukuyang diyeta. Mas madaling sundin ang mga maliliit na pagbabago sa diyeta kaysa sa sumunod sa isang panibagong diyeta. Sa katagalan, magkakaroon ka ng ebidensya sa lehitimong progreso na ginagawa mo para magpapayat. Ito rin ang iyong magiging motivation.
Paano i-motivate ang sarili na pumayat: Tamang mindset
Ang pagkakaroon ng tamang mindset ay isang paraan kung paano i-motivate ang sarili na pumayat. Tingnan ang mga pattern at gawi sa iyong buhay na humahadlang sa iyong kagustuhang pumayat. Bawat isa ay may kanya-kanyang palusot upang makatakas sa diyeta. Karamihan ay nakakasunod naman sa mga paraan sa pagpapapayat hanggang sa may mangyari tulad ng:
- Pressure sa trabaho
- Mga isyu sa pamilya
- Iba pang kadahilanan
Anuman ang iyong personal na isyu, kailangang baguhin ang mga pattern na ito kung gusto mong magpapayat. May kakayahan kang tingnan ang mga tunay na isyu. Kapag nagpatalo ka dito ay matitigil ang momentum ng pagpapapayat at mababawasan ang iyong motivation.
Pumili ng planong akma sa iyong pamumuhay
Isang paraan kung paano i-motivate ang sarili na pumayat ang pagpili ng diet plan na maaari mong panindigan ng pangmatagalan. Iwasan ang mga plano na imposibleng sundin sa mahabang panahon. Sa katagalan, hindi mo ito magagawa at lalo kang mawawalan ng motivation sa pagpapapayat.
Karamihan sa mga diet plans ay nagsasangkot ng pagbawas ng calories. Gayunpaman, ang yo-yo dieting ay madalas na dahilan kung bakit mas maaaring tumaas ang iyong timbang sa hinaharap. Samakatuwid, iwasan ang mga mahigpit na diyeta na ganap na nag-aalis ng ilang mga pagkain. Sa halip, gumawa ng sarili mong plano na makatutulong sa iyong pagpapapayat tulad ng:
- Pagbaba ng calorie intake
- Pag-adjust ng dami ng kinakain
- Pag-iwas sa madalas na pagme-meryenda
- Pagbabawas ng pritong pagkain at panghimagas
- Dagdagan ang mga prutas at gulay
Gawing masaya ang pagpapapayat
Hindi kailangan maging stressful ang pagpapapayat. Ang pagpili ng exciting at masayang ehersisyo ay isang paraan kung paano i-motivate ang sarili na pumayat. Masayang paraan ng pagpapapayat ang paglalakad sa mga lugar na may magandang tanawin. Hindi lamang ito mabuti para sa iyong pisikal na kalusugan kung hindi pati na rin sa iyong mental health. Maaaring mag bisikleta at dumayo sa mga malalapit na atraksyon kasama ang mga diet buddies. Bumili ng cookbook at subukang magluto ng masustansyang pagkain kasama ang iyong partner o mga kaibigan. Kapag ang pagbabawas ng timbang ay kasiya-siya, halos hindi mo mapapansin na ginagawa mo ito.
Mahirap magbawas ng timbang lalo na kapag wala kang motivation. Kung kaya ipagdiwang ang maliit na tagumpay sa pagpapayat. Bigyan ng papuri ang iyong sarili kapag nakamit mo ang iyong layunin. Bukod dito, ipagdiwang ang mga pagbabago sa pag-uugali at malusog na pamumuhay.
[embed-health-tool-bmr]