Mga Gamit
Para saan ang lady’s mantle?
Ano ang lady’s mantle? Ang lady’s mantle o lion’s foot (Alchemilla mollis, A. vulgaris) ay isang uri ng halaman na matatagpuan sa Europa. Isa itong halaman na madalas na umuusbong sa buong taon na may kaugnayan sa mga rosas na ginagamit sa mga hardin bilang ornamental plant, habang ang mga dahon ay tradisyonal na ginagamit bilang tsaa na may kakayahang makapagpagaling.
May taglay na ilang active constituents ang mga dahon ng lady’s mantle, kabilang ang phenolic compounds at tannins.
Kabilang ang mga sumusunod sa properties ng lady’s mantle:
- Antimicrobial
- Mabilis na nakapagpapagaling ng sugat
- Nagpapabuti ng female reproductive health
- Anti-inflammatory
- Antioxidant
- Hormone regulator
- diuretic o pampa-ihi
Paano ko dapat gamitin ang lady’s mantle?
Available ang lady’s mantle sa merkado bilang extract o tincture. Gamitin o ilagay ang mga gamot na may lady’s mantle batay sa nakasaad sa product label o ayon sa sinabi ng doktor.
Paano ko dapat iimbak ang lady’s mantle?
Kailangang iimbak ang produktong ito sa room temperature (<30°C) at malayo sa liwanag at halumigmig. Huwag hayaang magyelo ang produktong ito. Palaging tingnan ang label bago ito gamitin. Para sa kaligtasan, huwag hayaang maabot ito ng mga bata at alagang hayop.
Huwag na itong gamitin kung lipas na ang petsa ng expiration, sira na ang selyo ng produkto, o nagbago na ang kulay, amoy, o consistency.
Huwag itapon ang produktong ito sa pamamagitan ng pagbubuhos sa drain, toilet, o sa kapaligiran. Tanungin ang iyong parmasyutiko tungkol sa tamang paraan at lugar ng pagtatapon nito.
Mga Pag-iingat at Babala
Ano ang dapat kong malaman bago gamitin ang lady’s mantle?
Karaniwang ligtas gamitin sa tamang dami ang mga herbal supplement ayon sa sinabi ng health professional. Gayunpaman, dahil karamihan sa mga herb at food supplement ay hindi pa aprubado ng FDA para panggamot at pang-iwas sa tiyak na mga sakit, hindi palaging naitatakda ang inirerekomendang daily values nito.
Sa kabila ng pagsasabing “all-natural” o “ligtas”, dapat na isiping ang natural o food supplement ay mga conventional medication. Maaaring mag-interact ang ilang herbal na gamot sa iba pang gamutan, na nagpapataas ng panganib ng adverse drug reactions at toxicity.
Bago gamitin ang gamot na ito, ipaalam sa iyong doktor kung:
- Nagkaroon ka na ng allergic reaction sa lady’s mantle o iba pang supplement
- May history ka ng allergy sa iba pang gamot, pagkain, o iba pang substance
- Gumagamit ka ng iba pang gamot
- Mayroon kang underlying health conditions
Ligtas ba ito sa nagbubuntis o nagpapasuso?
Wala pang sapat na impormasyon tungkol sa paggamit at kaligtasan ng supplement na ito sa nagbubuntis. Dapat lamang gamitin ang gamot na ito ng nagbubuntis kung mas matimbang ang potensyal na benepisyo kaysa sa potensyal na panganib nito sa sanggol, batay sa sinabi ng iyong doktor.
Hindi ito humahalo sa gatas ng ina. Dapat lamang gamitin ang gamot na ito ng nagpapasuso kung mas matimbang ang potensiyal na benepisyo kaysa sa potensiyal na panganib nito sa bata, batay sa sinabi ng iyong doktor.
Mga Side Effect
Ano ang mga side effect ng lady’s mantle?
Lahat ng gamot ay may potensyal na magdulot ng side effect kahit sa normal na gamit. Marami sa mga side effect ay may kinalaman sa dosage at maaayos din kung magkaroon ng adjustment, o kapag tinapos ang therapy.
Kabilang sa mga potensyal na side effect ng paggamit nito ang:
- Gastrointestinal discomfort
- Iritasyon sa balat
Maaari kang makaranas ng ilang side effect at iba pang hindi nabanggit dito. Puwede ka ring hindi makaranas ng kahit na anong side effect. Kung mayroon ka pa ring alalahanin tungkol sa side effect o nag-aalala ka na, kumonsulta sa iyong doktor o pharmacist.
Mga Interaksyon
Ano ang mga gamot na maaaring mag-interact sa lady’s mantle?
Upang maiwasan ang mga potensyal na interaksyon ng gamot, kailangan mong magtabi ng listahan ng lahat ng gamot na iyong ginagamit (kabilang na ang gamot na may reseta, walang reseta, at herbal products) at ipaalam sa iyong doktor o parmasyutiko.
May alcohol ang liquid extract preparation ng gamot na ito. Iwasang gumamit nito kasabay ng mga sumusunod:
- Antihistamines
- Sedatives
- CNS depressants
Kung makaranas ka ng masamang interaksyon ng gamot, itigil ang paggamit nito at ipagpatuloy ang iba pang gamot. Ipaalam agad sa iyong doktor upang muling masuri ang iyong treatment plan. Maaaring kailangang i-adjust, palitan ng ibang gamot, o itigil na ang paggamit nito.
May interaksyon ba ang lady’s mantle sa pagkain o alak?
Maaaring gamitin ang gamot na ito, kumain ka man o hindi. Kung makaranas ka ng anumang gastrointestinal discomfort, ang paggamit ng gamot na ito nang may pagkain ay maaaring makaiwas sa sintomas. Ang liquid extract preparation ng gamot na ito ay maaaring may alcohol, kaya’t dapat limitahan ang pag-inom ng alak upang maiwasan ang pagkalasing, lalo na sa mga bata o matatanda na gagamit ng makinarya.
Ipaalam sa iyong doktor o parmasyutiko kung mayroon kang iba pang alalahanin tungkol sa interaksyon ng gamot sa pagkain.
Anong kondisyong pangkalusugan ang maaaring mag-interact sa lady’s mantle?
Kailangang gamitin ang gamot na ito nang may pag-iingat kung mayroon ka ng sumusunod na kondisyon o panganib:
- Allergy sa anumang sangkap ng gamot na ito
Ipaalam sa iyong doktor o parmasyutiko kung mayroon kang alalahanin tungkol sa partikular na kondisyong pangkalusugan.
Dosage
Hindi pamalit para sa anumang medikal na payo ang mga impormasyong ibinigay dito. Kaya naman, palaging kumonsulta sa doktor o parmasyutiko bago gumamit ng lady’s mantle.
Ano ang dose para sa nasa hustong gulang?
Hindi pa naitatakda ang dose ng gamot na ito bilang panggamot sa anumang sakit o kondisyon. Kumonsulta sa doktor para sa tamang indication at dosage.
Ano ang dose ng lady’s mantle para sa bata?
Hindi inirerekomenda ang gamot na ito sa mga bata at hindi pa rin naitatakda ang dose para sa kanila. Kumonsulta sa doktor o parmasyutiko para sa alternatibo at karagdagang impormasyon.
Sa anong dosage nakukuha ang lady’s mantle?
Available ang gamot na ito sa mga sumusunod na dosage form:
- Liquid extract
Ano ang dapat kong gawin sakaling magkaroon ng emergency o overdose?
Sa panahon ng emergency o overdose, tawagan ang iyong local emergency services o magtungo sa pinakamalapit na emergency room.
Ano ang dapat kong gawin kapag nakaligtaan ko ang pag-inom ng dose?
Kung nakaligtaan mo ang isang dose, gumamit na nito agad. Gayunpaman, kung halos oras na para sa susunod mong dose, lagtawan na ang nakaligtaang dose at sundin ang regular na dose ayon sa iskedyul. Huwag magdobleng dose.