Magsagawa agad ng test para sa diabetes, kung nakakaranas ng mga sintomas ng type 2 diabetes o prediabetes. Para maiwasan ang komplikasyon. Pwedeng gustuhin mong makipag-usap sa’yong doktor tungkol sa screening test.
Narito ang kailangan mong malaman tungkol sa diagnostic test para sa type 2 diabetes — at kung paano ginagamit ang mga ito upang masuri ang sakit.
Diagnostic Test Para Sa Type 2 Diabetes
Malamang na gagamit ang mga doktor ng higit sa isang screening test. Para kumpirmahin ang diagnosis para sa type 2 diabetes. Narito ang mga sumusunod na diagnostic test:
Test Para Sa Diabetes: HbA1C
Ang HbA1C, na tinatawag ding glycosylated hemoglobin screening ay sumusukat sa’yong average blood glucose level — sa nakalipas na 3 buwan. Sinusuri nito ang dami ng glucose na nakakabit sa hemoglobin, ang sangkap na nagdadala ng oxygen ng red blood cells. Ang hemoglobin ay may lifespan na humigit-kumulang 120 araw o 3 buwan.
Ano Ang Mangyayari Sa Panahon Ng Test?
Hindi mo kailangang maghanda ng anuman para sa test. Hindi na rin kailangan ng pag-aayuno o fasting. Ang healthcare practitioner ay kukuha ng sample ng dugo mula sa’yong braso. Pagkatapos, ito ay susuriin para sa average blood sugar level.
Paano Na-Diagnose Ang Type 2 Diabetes Gamit Ang HbA1C?
Pwedeng mabasa ang resulta ng glycosylated hemoglobin screening ay makikita sa porsyento:
- Ang HbA1C na mas mababa sa 5.7 porsyento ay nagpapahiwatig ng normal findings.
- Habang ang resulta na mula sa 5.7-6.4 porsiyento ay nagpapahiwatig ng prediabetes.
- Tandaan rin, ang HbA1C na 6.5 porsiyento o mas mataas sa 2 magkahiwalay na test ay nangangahulugan na ang tao ay may diabetes.
Test Para Sa Diabetes: Ano Pa Ba Ang Dapat Kong Malaman?
Maaaring hindi pare-pareho ang mga resulta ng HbA1C. Bukod dito, hindi ito angkop na test para sa mga buntis at sa mga may ibang anyo ng hemoglobin (mga variant). Panghuli, pwedeng hindi maging tumpak ang mga resulta, lalo na kung ang taong sinusuri ay mayroon ding anemia.
Test Para Sa Diabetes: Fasting Blood Sugar (FBS)
Maraming Pilipino ang pamilyar sa fasting blood sugar. Ito ang pinakakilalang diagnostic test para sa type 2 na diabetes. Sapagkat, ito ay diretso, highly available, at mura. Tinatawag din ito na fasting plasma glucose test. Sinusuri nito ang blood glucose level sa oras ng screening.
Ano Ang Mangyayari Sa Panahon Ng Test?
Pinakamabuting gawin ang test sa umaga. Dahil kailangan mong mag-ayuno o fasting na hindi bababa sa 8 oras at hindi hihigit sa 14 na oras. Nangangahulugan ito na hindi ka makakain o makakainom ng anuman (maliban sa pagsipsip ng tubig) 8 oras bago ang FBS. Sa klinika o ospital, kukuha ang isang healthcare worker ng dugo mula sa iyo — at isusumite ito sa laboratoryo para sa test.
Paano Na-Diagnose Ang Type 2 Diabetes Gamit Ang FBS?
Kapag natanggap mo ang mga resulta ng iyong FBS, makikita mo ang mga numero:
- Ang blood sugar level na 99 mg/dl o mas mababa ay normal.
- Kung ito ay 100 hanggang 125 mg/dl, pwede itong mangahulugan ng prediabetes.
- Huwag kakalimutan, na ang resulta ng 126 mg/dl, o mas mataas sa 2 magkahiwalay na FBS — ay nangangahulugan na ang pasyente ay may diabetes.
Test Para Sa Diabetes: Ano Pa Ba Ang Dapat Kong Malaman?
Sa ilang pagkakataon, pwedeng pumili ang doktor ng random plasma glucose test o random blood sugar (RBS), sa halip na FBS.
Para sa isang RBS, hindi mo kailangang mag-fasting; kukunin ng doktor ang iyong sample ng dugo anumang oras ng araw. Hindi nito alintana kung kailan ka huling kumain. Ang resulta ng 200 mg/dl o mas mataas ay nagpapahiwatig ng diabetes.
Test Para Sa Diabetes: Oral Glucose Tolerance Test (OGTT)
Isa sa mga diagnostic test para sa type 2 diabetes ang OGTT. Ito ay naiiba, dahil sinusuri nito kung paano ang nagme-metabolize ng glucose ang katawan. Bukod pa rito, ang oral glucose tolerance test ay matagal na hinihintay para maibigay. Sapagkat kailangan mong manatili sa klinika o ospital nang hindi bababa sa 2 oras upang makumpleto ang screening.
Ano Ang Mangyayari Sa Panahon Ng Test?
Para sa test na ito, kailangan mong mag-fasting ng 8 hanggang 12 oras. Kaya, tulad ng FBS, ang OGTT ay pinakamahusay na gawin sa umaga.
- Sa klinika, kukunin ng healthcare worker ang iyong dugo at susukatin ang iyong fasting blood sugar level.
- Pagkatapos nito, bibigyan ka nila ng inuming glucose (mga 75 grams), na parang “napakatamis na soda.”
- Kapag natapos na inumin ang liquid glucose. Pana-panahong susukatin ng healthcare practitioner ang iyong blood sugar mark (1, 2, o 3 oras). Nangangahulugan ito na kukuha sila ng sample ng dugo nang ilang beses sa loob ng 2 hanggang 3 oras.
Paano Na-Diagnose Ang Type 2 Diabetes Gamit Ang OGTT?
Ang antas ng fasting blood sugar na 60 hanggang 100 mg/dl ay normal. Pagkatapos ng ika-1 oras na mark, ang resulta na mas mababa sa 200mg/dl ay normal din. Ginagamit din ng mga doktor sa pag-diagnose ng diabetes ang blood sugar level sa ika-2 oras na mark:
- Ang antas na mas mababa sa 140mg/dl ay normal.
- Kung ang resulta ay nasa pagitan ng 140 at 199 mg/dl. Nangangahulugan ito na ang tao ay may impaired glucose tolerance o prediabetes.
- Tandaan na ang blood sugar level na 200 mg/dl o higit pa ay nagpapahiwatig ng diabetes.
Test Para Sa Diabetes: Ano Pa Ba Ang Dapat Kong Malaman?
Bukod sa pag-aayuno o fasting bago ang test. Hindi ka rin makakain ng anuman sa panahon ng pagsusulit. Kung mayroon kang mga gamot na kailangan mong inumin, kausapin ang iyong doktor kung ano ang gagawin. Maraming mga ulat ang nagsasabi na ang OGTT ay mas tumpak na nakikita ang diabetes, kaysa sa FBS. Gayunpaman, ito ay mas mahal at nangangailangan ng mas maraming oras.
Key Takeaways
Mahalaga ang test para sa diabetes dahil maagang natutukoy nito ang kondisyon. Nagbibigay-daan din ito sa’yo at sa iyong doktor na makabuo kaagad ng isang treatment strategy kung paano panatilihing normal o acceptable ang iyong blood sugar.
Mayroong ilang mga diagnostic test para sa type 2 diabetes: fasting blood sugar, random blood sugar, HbA1C, at oral glucose tolerance test. Huwag kakalimutan na ang mga halagang ibinigay sa itaas ay mga karaniwang sukat. Pwedeng magbago ang mga numero, depende sa kagamitang ginamit o sa laboratoryo kung saan isinasagawa ang test.
Matuto pa tungkol sa Type 2 Diabetes dito.
[embed-health-tool-bmi]