Kung ang isang tao ay may diabetes, maaaring irekomenda ang random blood sugar (RBS) test paminsan-minsan. Sa test na ito, kukuha ng kaunting sample ng dugo upang sukatin ang lebel ng glucose sa mga random na pagkakataon — anuman ang mga kinaing pagkain. Alamin sa artikulong ito kung ano ang RBS.
Ano Ang RBS?
Ang Random Blood Sugar o RBS testing, tulad ng ipinahihiwatig ng pangalan, ay isang pagsusuri upang malaman ang lebel ng glucose sa dugo sa tiyak na pagkakataon. Hindi tulad ng Fasting Blood Sugar o FBS test kung saan ang pasyente ay kailangang mag-fasting sa loob ng halos 8 oras, ang RBS ay maaaring gawin kahit pagkatapos kumain. Tandaang ang mga resulta ng RBS at FBS ay nagpapakita ng lebel ng glucose sa dugo sa panahon ng pagsusuri.
Ano Ang RBS? Mga Panganib Sa Pagsasagawa Nito
Kung inaalam mo ang kung ano ang RBS, marahil ay iniisip mo rin ang tungkol sa mga panganib nito. Ang test na ito ay medyo simple, bagama’t medyo invasive dahil madalas itong nangangailangan ng pagtusok sa daliri upang makakuha ang sample ng dugo. Ang panganib na masaktan dahil sa karayom na ginamit sa prosesong ito ay lubhang mababa, ngunit maaari itong maging masakit sa una. Maliban dito, ang test na ito ay mabilis, ligtas, at nagbibigay ng tiyak na resulta hangga’t may gumaganang glucometer at strip, at kung ginagamit ang mga ito nang tama.
Ano Ang RBS? Paano Ito isinasagawa?
Ang Random Blood Sugar Test ay isang simple at murang paraan upang mamonitor ang lebel ng glucose sa dugo. Tulad ng nabanggit kanina, maaaring isagawa sa bahay ang RBS test gamit ang finger prick at portable glucose meter, o sa opisina ng doktor bilang bahagi ng iba pang blood tests.
Pagkatapos tusukin ang daliri, kailangan maglagay ng isang patak ng dugo sa test strip na ipapasok sa glucometer. Awtomatikong lalabas ang mga resulta pagkatapos ng ilang segundo.
Ang normal na resulta ay nakadepende sa huling oras ng pagkain. Kung ginawa agad ang test pagkatapos kumain, maaaring asahan ang mas mataas na resulta. Ngunit karaniwang hanggang 125 mg/dl ang itinuturing na normal. Maaaring indikasyon ng diabetes ang resultang 200 mg/dl.
Ang RBS Testing Ay Mahalagang Pagsusuri Para Sa Mga Taong May Diabetes
Ang Random Blood Sugar test ay isang simpleng paraan upang malaman kung mayroon kang diabetes. Bagama’t hindi ito ang iminumungkahing paraan dahil ang mga doktor sa bansa ay kadalasang nagrerekomenda ng Fasting Blood Sugar at glycosylated hemoglobin (HbA1c) tests upang ma-diagnose ang diabetes, ito ay isa pa ring diagnostic tool.
Sa madaling salita, para sa mga taong hindi alam kung sila ay may diabetes, makatutulong ang prosesong ito upang malaman kung may diabetes o wala. Gayunpaman, para sa mga nakaaalam na ng tungkol sa kanilang kondisyon, maaari lamang isagawa ang test na ito kung nakararanas ng mga sintomas na may kaugnayan sa diabetes mellitus, tulad ng:
- Hindi sinasadyang pagtaas ng timbang
- Mas maraming ihi
- Pagkalito o biglaang pagbabago sa paraan ng pagsasalita o pag-uugali ng pasyente
- Panghihina
- Malabong paningin
- Pangingisay (unang beses)
- Pagkawala ng malay
Kung maranasan ang mga sintomas na ito, pinakamainam na kunin ang glucometer at suriin ang blood sugar sa lalong madaling panahon. Mas mabuti ring sabihin ang tungkol sa iyong kondisyong sa mga mahal sa buhay o mga taong kasama sa bahay at pakiusapang i-check ang iyong blood sugar kung maranasan ang mga sintomas na ito.
Key Takeaways
Ano ang RBS? Ito ay nangangahulugang Random Blood Sugar. Ito ay ang pagsusuri ng lebel ng glucose sa dugo anomang oras, sa kabila ng pagkonsumo ng anomang pagkain. Kung hindi mo alam kung ikaw ay may diabetes, ang test na ito ay maaaring makatulong sa pag-screen kung may diabetes o wala. Gayunpaman, tandaang may iba pang diagnostic tools na mas inirerekomenda ng mga doktor, tulad ng HbA1c o glycosylated hemoglobin testing at Fasting Blood Sugar (FBS) testing. Kung alam mong ikaw ay may diabetes, maaaring irekomenda ng doktor na gawin ang RBS testing kung makaranas ng mga hindi kanais-nais na sintomas. Matuto pa tungkol sa Diabetes dito.
[embed-health-tool-bmi]