Nasubukan mo na bang saliksikin ang kahulugan ng HbA1c matapos kumonsulta sa doktor? Ano ang HbA1c? Tinatawag din itong glycosylated hemoglobin. Ito ay ang sukat ng karaniwang blood glucose concentration sa nakalipas na tatlong buwan. Ginagamit ito upang ma-diagnose at masubaybayan ang diabetes at prediabetes sa mga nakatatanda. Alamin sa artikulong ito ang mga impormasyong dapat malaman tungkol sa HbA1c test dito sa Pilipinas.
Ano Ang HbA1c?
Ang HbA1c ay ang sukat ng karaniwang lebel ng blood sugar sa nakalipas na 3 buwan. Hindi ito tulad ng blood glucose test na ginagamitan ng glucometer, na nagbibigay lamang ng isang sukat ng lebel ng sugar sa isang tiyak na panahon. Sa ibang salita, ang HbA1c ay makapagbibigay ng mainam na ideya kung gaano kabuti ang pagkontrol ng isang tao sa kanyang diabetes sa mga nakalipas na buwan.
Ano Ang HbA1c? Bakit Ito Ginagamit?
Maaaring irekomenda ng doktor ang glycosylated hemoglobin testing kung ang isang tao ay:
- Nakararanas ng mga sintomas ng type 2 diabetes
- Na-diagnose ng prediabetes o impaired glucose tolerance (IGT). Ito ay kung ang blood sugar ay mas mataas kaysa sa karaniwan ngunit hindi ganoon kataas upang maituring na diabetes.
- Buntis at may mataas na tyansa ng gestational diabetes
HbA1c Para Sa Pag-Diagnose At Paggamot Ng Diabetes
Sa pamamagitan ng HbA1c, maaaring ma-diagnose ang diabetes at matukoy ang kalubhaan ng kondisyon. Maaari din itong gamitin upang malaman ang pagiging epektibo ng gamutan.
Sinusukat ng HbA1c test ang porsyento ng glucose na nakadikit sa red blood cells sa nakalipas na dalawa hanggang tatlong buwan. Ang normal na resulta ay mas mababa sa 5.7%, ngunit maaaring bahagyang magbago depende sa edad, kasarian, lahi, pagbubuntis, o pag-inom ng mga gamot, tulad ng birth control pills o hormone replacement therapy (HRT).
Tandaan:
Bagama’t ang glycosylated hemoglobin testing ay maaaring makapag-diagnose ng (type 1 and 2), tandaang HINDI lamang ito ang paraan upang magkaroon ng positibong diagnosis. Gayunpaman, ang HbA1c ay ang pangunahing pamantayan sa pagmonitor ng glycemic control sa mga pasyenteng may diabetes mellitus.
Ano Ang HbA1c? Kahalagahan Ng Resulta Nito
Kung mas mataas ang lebel ng HbA1c, mas maraming glucose ang matatagpuan sa dugo. Ang lebel na nasa pagitan ng 5.7% at 6.4% ay indikasyon ng prediabetes. Ang resulta na 6.5% o higit pa sa dalawang magkahiwalay na tests ay indikasyon ng diabetes.
Iba pang mga salik na nakaaapekto sa lebel ng HbA1c test:
- Mga kondisyong nakaaapekto sa produksyon ng red blood cell (erythropoiesis), tulad ng kakulangan sa iron at B12 at malubhang sakit sa atay
- Mga kondisyong nakaaapekto sa glycation (bonding ng glucose molecule sa fats o protina), tulad ng malubhang renal failure
- Pag-inom ng alak
- Mga tiyak na gamot o supplements
Ano Ang HbA1c? Gaano Kadalas Dapat Ito Gawin?
Gaano kadalas dapat gawin ang HbA1c testing? Nakadepende ito sa kondisyon ng pasyente. Ibig sabihin, ang doktor ay may magbibigay ng mga karagdagang tagubilin kaugnay nito. Kung ang isang indibidwal ay mayroon ng diabetes, maaaring irekomenda ng doktor ang pagsasagawa ng test na ito kada 3 hanggang 6 na buwan. Ngunit syempre, nakadepende ito sa paraan ng pagkontrol sa lebel ng glucose.
Para sa mga pasyenteng maaayos na nakokontrol ang kanilang diabetes, ang HbA1c ay kadalasang ginagawa 2 beses kada taon (kada ikaanim na buwan). Para naman sa mga pasyenteng hindi maayos na nakokontrol ang kanilang diabetes, ang HbA1c ay kadalasang ginagawa nang 4 na beses sa isang taon (kada tatlong buwan).
Glycosylated Hemoglobin Test Sa Pilipinas
Ang glycosylated hemoglobin o HbA1c testing ay hindi laganap na available sa Pilipinas. Gayunpaman, may ilang mga klinika, laboratoryo, at ospital na nagsasagawa nito. Ang pinakakaraniwang paraan upang ma-diagnose ang diabetes ay sa pamamagitan ng FBS o fasting blood sugar.
Sa FBS, ang pasyente ay kakailanganing sumailalim sa fasting sa loob ng halos 8 oras magdamag, pumunta sa laboratoryo upang kunan ng dugo, at maghintay sa mga resulta. Ang lebel ng blood sugar ay mas mababa sa 100 mg/dl ay normal. Ang 100 hanggang 125 mg/dl ay maaaring indikasyon ng prediabetes. At ang sukat na 126 mg/dl o higit pa sa dalawang magkahiwalay na tests ay maaaring mangahulugan ng pagkakaroon ng diabetes.
Key Takeaways
Ang ang HbA1c? Sinusukat ng HbA1c testing ang dami ng glucose na nakadikit sa red blood cells sa nakalipas na 2 hanggang 3 buwan. Maaari nitong ma-diagnose ang diabetes. Ito ang pangunahing pamantayan sa pagtukoy ng glycemic control ng pasyente. Kung ang isang tao ay ma-diagnose ng diabetes, mahalagang magkaroon ng regular na konsultasyon sa doktor. Magpapasiya ang doktor kung gaano kadalas dapat sumailalim sa diabetes ang isang pasyente depende sa pangangailangan at pagkakataon.
Matuto pa tungkol sa Diabetes dito.
[embed-health-tool-bmi]