Kapag may nagsabi sa iyo na ang kanilang sugat ay tila hindi naghihilom o gumagaling gaya ng inaasahan, isang bagay ang maaaring agad na maiisip: diabetes. Ito ay sa kadahilanang ang pagkakaroon ng mabagal na paghilom ng sugat ay isa sa mga palatandaan ng diabetes mellitus, isang kondisyon na mailalarawan bilang pagtaas ng antas ng glucose – isang uri ng asukal sa dugo. Narito ang mga kailangan mong malaman tungkol sa sugat kapag ikaw ay may diabetes.
Paano Nakaaapekto ang Diabetes sa Paggaling ng Sugat?
Ito ang ilang mga dahilan kung paano negatibong nakaaapekto ang diabetes sa proseso ng pagpapagaling ng sugat:
Kakulangan sa Circulation
Una, ang diabetes, lalo na kapag hindi ginagamot, ay kadalasang nagreresulta sa mahinang sirkulasyon ng dugo sa iba’t ibang bahagi ng katawan
Ang mataas na antas ng asukal sa dugo ay hindi lamang nagpapakapal ng dugo (na nagiging sanhi ng mahinang daloy ng dugo). Maaari rin itong mag-trigger ng pagbuo ng mga fatty deposit sa mga daluyan ng dugo, na siyang lalong makapagpapalala at magpapahina ng pagdaloy ng dugo sa mga partikular na parte ng katawan.
Ang tanong, ano ang epekto ng mahinang sirkulasyon ng dugo sa sugat? Ang sugat ay isang damage o pinsala sa tissue. At para gumaling ito, kakailangin nito madaluyan ng dugo dahil sa dugo matatagpuan ang oxygen at ang iba pang nutrients na kakailanganin para sa proseso ng pagpapagaling. Sa dugo rin matatagpuan ang mga platelets, na mismong tumutulong upang maghilom ang sugat. Kaya kung mahina ang sirkulasyon sa isang parte ng katawan, ang paggaling o paghilom ay talagang magiging mabagal.
Dysfunction ng Immune System at Susceptibility sa Impeksyon
Maliban sa nakapagpapahina ng sirkulasyon ng dugo ang diabetes mellitus, ito ay nagdudulot din ng dysfunction o ng hindi paggana ng immune system. Ang immune system ay ginagamit ng ating katawan upang labanan ang mga mapanirang mikrobyo, na siya ring nagkadadagdag pinsala sa mga tissue kapag ikaw ay may sugat. Kapag hindi ito gumagana ng maayos, ikaw ay magiging mas lapitin at mas madaling kapitan ng mga impeksyon.
At kapag ang isang indibidwal ay may impeksyon, ang paggaling ng sugat ay lalong bumabagal at ang posibilidad ng mga komplikasyon ay tumataas.
Neuropathy
Bukod sa mga nabanggit sa itaas, ang isa pang nakaaapekto sa paggaling ng sugat ay ang tinatawag nating Neuropathy. Ito ay angpakasira ng sensasyon ng mga nerves sa mga partikular na bahagi ng katawan. Sa mga pasyenteng may diabetes, nasisira ang mga nerve na ito dahil din sa mataas na antas ng asukal sa dugo.
Dahil sa neuropathy, marami sa mga pasyenteng may diabetes ang nasusugatan ng hindi nila namamalayan. At nadidiskubre na lamang nila ang mga pinsalang ito kapag ito ay malala na.
Mga Katangian ng Sugat ng Taong may Diabetes
Ang mga pasyenteng na-diagnose na may diabetes ay dapat maging mas mapagbantay sa kanilang balat. Kadalasang inirerekomenda ng mga doktor na gawing regular at mabusisi ang pagsusuri ng kanilang mga balat para malaman kung sila ba ay nasusugatan o hindi, dahil kahit ang isang maliit na hiwa o sugat lamang ay pupwedeng lumala.
Ngunit papaano kung hindi ikaw ang na-diagnose ng diabetes, at wala kang ideya kung ano ang hitsura o mga senyales ng sugat sa mga taong na-diagnose nito? Narito ang ilan sa mga palatandaan at sintomas ng sugat kapag ang tao ay may diabetes.
- Pangmatagalang sakit
- Nabawasan ang sensasyon o walang anumang sakit (tulad ng kaso sa neuropathy)
- pamumula at pamamaga
- Masamang amoy na nagmumula sa sugat
- Mga patay na tisyu sa paligid ng sugat
- Lagnat at panginginig
Bilang kabuuan, hindi dapat balewalain kapag ikaw o ang taong kakilala mo ay nagkaroon ng sugat o pinsala na hindi gumagaling, o di kaya ay napakabagal ng paggaling. Kung mayroon kang alinman sa mga palatandaan at sintomas sa itaas, mangyaring makipag-ugnayan kaagad sa iyong doktor.
Mga Tips sa Paano Pangalagaan ang Sugat na Kapag may Diabetes
Nagbibigay ang mga doktor ng mga tiyak na tagubilin kung paano pangangalagaan ang iyong sugat kapag ikaw ay may diabetes. Karamihan sa mga ito ay hindi kaya at hindi dapat gawin mag-isa sa bahay lamang. Ito ay ang mga sumusunod:
- Tamang paglilinis at paglalagay ng benda sa sugat
- Pag-inom ng antibiotics kung kinakailangan
- Pagtanggal o pag-alis ng mga patay na tissues kung kinakailangan
- Pagpunta sa podiatrist (kung ito ay diabetic foot)
Kung masyado nang malala ang impeksyon, maaaring irekomenda ng doktor ang amputation o pagputol sa bahagi ng katawan na mayroong sugat.
Paano Maiiwasan ang Sugat Kapag may Diabetes?
Mas mabuti pa rin ang pag-iwas kaysa paggamot. Upang maiwasan ang pagkaakroon ng mga sugat, maaaring makatulong ang mga sumusunod na hakbang:
- Gawing target o goal ang pagpapababa ng antas ng asukal sa dugo sa pamamagitan ng isang malusog na diyeta, ehersisyo, at mga gamot.
- Suriin ang balat, lalo na sa mga binti at paa para sa anumang sugat.
- Panatilihing malinis at tuyo ang balat.
- Iwasang maglakad ng walang sapin at magsuot ng angkop na sapatos. Huwag ding kalimutan magsuot ng maayos na medyas.
- Dumalo sa iyong mga regular na check-up.
- At sa kahulihan, sa sandaling makakita ka ng pinsala, kumunsulta sa iyong doktor.
Key Takeaways
Ang sugat ng mga may diabetes ay hindi gumagaling, o di kaya ay talagang mabagal ang paggaling. Kabilang sa mga sanhi nito ay angang mahinang sirkulasyon, dysfunctional na immune system, pagiging susceptible o kapitin ng impeksyon, at neuropathy. Dahil ang mga sugat na ito ay maaaring lumala hanggang sa punto na mangangailan ng pagputol, ang agarang pag-iwas at paggamot ay mahalaga.
Alamin ang tungkol sa Diabetes Complications dito.
Isinalin sa Filipino ni Alwyn Batara
[embed-health-tool-bmr]