Nag-trend sa social media ang post ng isang ina matapos ma-misdiagnose ng Type 1 diabetes ang kanyang 5 taong gulang na anak, kung saan binigyang-diin ni Wella Baloloy Sia sa kanyang post na dapat aware ang mga magulang sa maaaring sintomas ng diabetes upang maagapan agad ang kondisyon, at hindi humantong sa mga komplikasyon.
Ayon sa paglalahad ni Wella Baloloy Sia sa kanyang fb post, napansin nila medyo pumayat ang kanilang anak na si Nathalie Sophia Sia pero nanatiling masigla pa rin ang bata kahit maselan ito sa pagkain.
Sa hindi inaasahang pagkakataon naging matamlay ang bata noong May 11 at dinala si Pia ng kanyang mga magulang sa ospital para matingnan ng doktor noong May 12, at ayon sa Pedia na tumingin sa kanya pwedeng ang sanhi ng pagpayat ng bata ay dahil sa mga bulate sa kanyang tiyan.
“Pinauwi sila, but lumipas nanaman ang magdamag at mahina pa din si Pia halos ayaw umalis sa bed, ayaw kumain na tlga puro inom lang ng gatas, water at juice at uhaw na uhaw sya lagi. So na alarm na ako tlga kaya the next day agad agad,” ayon sa fb post ni Wella.
Muli nilang dinala si Pia sa ospital noong May 14 para malaman talaga ang tunay na kondisyon ng anak dahil hindi siya tiwala sa unang diagnosis ng bata. Ngunit lumalabas sa mga resulta ng test ni Pia na wala namang sakit ang anak.
Ano ang tunay na kondisyon ng bata?
Pinauwi muli si Pia ng ospital noong 11:00 pm ng May 14 at hindi pa rin naging maayos ang kalagayan ng bata at noong madaling araw ng May 15 — hindi na makatulog ang bata at malalim pa rin ang paghinga.
Minabuti na lamang nila na dalhin sa ibang ospital ang anak, at mabilis nilang nakuha ang diagnosis ng bata — mayroon palang Type 1 diabetes ang kaniyang anak. Pero noong oras na iyon ay hindi na makapagsalita si Pia dahil lupaypay at hindi na makabangon ang bata.
“Sabi samin Critical stage n sya kasi yung sugar sa katawan nya is hindi na ma contain.” pahayag ni Wella sa kanyang fb post.
Ginawa ng ospital ang mga procedure na pwedeng gawin para iligtas ang bata, ngunit sa kasamaang palad ay hindi na kinaya ni Pia ang kanyang kondisyon at pumanaw siya noong May 16, 2022 dahil sa Type 1 Diabetes.
Ano ang Type 1 diabetes?
“Durog ang puso ko hanggang ngayon at hindi ko alam kung hanggang kelan pero patuloy kong hina hanap ang Purpose ni Lord kung bakit nangyari to samin. And isang bagay na ipina ngusap sakin ni Lord — is to share our experience to save many kids and spread awareness when it comes sa Type 1 diabetes,” pahayag ni Wella mula sa kanyang fb post.
Binigyang-diin ni Wella sa kanyang fb post na pwedeng magkaroon ng diabetes ang mga bata, lalo na kung nasa genes ng pamilya ang diabetes.
Ayon sa Mayo Clinic, ang type 1 diabetes sa bata ay isang kondisyon kung saan ang katawan ng bata ay hindi na gumagawa o nagpro-produce ng important hormone (insulin). Tandaan na kailangan ng insulin ng bata upang maka-survive, kaya kailangan nila ng mga injection o insulin pump para mabuhay.
Ang type 1 diabetes sa bata ay kilala noon bilang juvenile diabetes o insulin-dependent diabetes. Maaaring maging overwhelming sa mga bata ang pagkakaroon nito — lalo sa simula. Dahil kailangan nilang maranasan na ma-injection nang madalas — magbilang ng carbohydrates — at magmonitor ng sugar.
Sintomas ng diabetes sa bata
Maraming magulang ang hindi mulat pagdating sa usaping diabetes sa bata at maraming mga sintomas ang pwedeng ma-overlook ng magulang dahil sa pag-aakalang normal lamang ito sa bata.
Narito ang mga sumusunod na sintomas ng diabetes sa bata:
- Pagtaas ng lebel ng pagkauhaw
- Madalas na pag-ihi
- Pag-ihi sa higaan kahit toilet-trained child na ang anak
- Biglaang pagbaba ng timbang
- Fatigue
- Pagiging iritable
- Pagbabago sa behavior
- Fruity-smelling breath
Ang mga sintomas na nabanggit na mula sa Mayo Clinic ay siyang naranasan din ni Pia, ayon sa pahayag ng kanyang ina sa fb post.
“Sobrang lakas umihi to the point na nag leleak n ung ihi nya sa diaper or kapag potty trained nmn yung bata, hindi nya mapigilang umihi sa bed tuwing gabi.”
May gamot ba sa diabetes ng bata?
Walang lunas sa type 1 diabetes sa bata ngunit pwede itong i-manage at ang pag-monitor sa blood sugar at insulin delivery ay makakatulong sa pagpapabuti ng blood sugar management at sa kalidad ng buhay ng bata na may ganitong kondisyon.
Key Takeaways
[embed-health-tool-bmi]