backup og meta

Paano Mag-Check ng Blood Sugar Sa Bahay? Mga Do's at Don'ts

Paano Mag-Check ng Blood Sugar Sa Bahay? Mga Do's at Don'ts

Kung ikaw ay diabetic, o nag-aalaga ng isang taong may diabetes, alam mo na ang kahalagahan ng blood sugar levels. Ang pag-inom ng gamot o paggamit ng insulin ay hindi sapat. Kaya naman, ang ang kaalaman kung paano mag-check ng blood sugar sa bahay ay mahalaga upang mabanatayan ang iyong kondisyon.

Ang artikulong ito ay magbibigay ng ilan sa mga bagay na dapat mong gawin o iwasan upang makasigurong ang blood sugar ay natse-check nang tama.

Do’s at Don’ts sa Kung Paano Mag-Check Ng Blood Sugar

1. Kausapin mo ang iyong Doktor

Una sa lahat, kailangan mong kumunsulta sa iyong doctor. Siya ang magtatakda ng iyong baseline blood sugar level batay na rin sa mga lab tests na kailangan mong gawin. Ang blood glucose readings na isinasagawa sa mga lab ay higit na tumpak kaysa sa mga ginagawa sa bahay. Gamit ang makukuhang resulta, ang iyong doktor ay magtatakda ng iyong mga target na blood sugar level at paraan ng panggagamot na angkop dito.

Maaari mo ring dalhin ang iyong glucometer upang ma-check ng doktor kung ito ba ay calibrated at ang inilalabas nitong resulta ay nasa antas na katanggap-tanggap.

Karagdagan pa, ang iyong doktor ay may kakayahang magrekomenda ng uri ng glucometer ang angkop mong gamitin. Ang pagkakaroon ng tamang kagamitan ang magbibigay sa iyo ng pinakamainam na resulta sa bawat pagtse-check mo.

2. Pag-aralan ang iyong Kagamitan

Una, para masimulan kung paano mag-check ng blood sugar sa bahay, kailangan mong magkaroon ng tamang kagamitan. May iba’t ibang brand at disenyo ang mga glucometers o blood glucose monitoring devices (BGMDs).

Ang dalawang pangunahing uri na maaaring gamitin sa bahay ay ang mga uri na nangangailangan ng pagtusok sa daliri at patuluyang glucose monitors. Sa kabila ng kanilang pagkakaiba, pareho naman ang gamit nila— ang malaman ang iyong blood sugar level.

Bagaman mabilis na mabibili ang mga kagamitang ito sa iba’t ibang mga botika at tindahan online, hindi lahat ng mga ito ay pare-pareho ang pagkakagawa. Mag-ingat sa mga BGMDs na sobrang mura dahil maaaring ang mga ito ay may mababang kalidad o hindi nagbibigay ng tumpak na resulta. Pagkabili ng iyong kagamitan, basahing mabuti ang manwal.

Bukod sa mismong kagamitan, tiyakin mo ring nakabibili ka ng tamang test strips. I-double check ang packaging, lalo na ang expiration date. Ang mga expired na test strips ay inaasahang hindi gagana nang maayos. Ang ibang mas bagong mga kagamitan ay hindi na nangangailangan ng hiwalay na mga test strips o maging ng pagtusok sa daliri.

3. I-rekord ang mga Resulta

Bagaman maraming mga makabagong glucometers ang may built-in memory para masundan ang iyong mga resulta, maaari mo pa ring itala ang mga ito sa hiwalay na listahan. Maaari kang gumamit ng papel at ballpen o i-track ang iyong mga resulta gamit ang isang application sa selpon.

Alinman sa mga nabanggit na opsyon ay magandang paraan para sa pagi-iskedyul ng pagte-check at makapagbibigay sa iyong doktor ng kapaki-pakinabang na impormasyon.

Tiyakin na ilalagay ang mga impormasyong gaya ng petsa, oras, at higit sa lahat ang resulta ng blood glucose reading. Ang ilang mga blood sugar monitoring devices ay maaaring i-konekta sa mga apps o i-sync sa iyong selpon. Kailangan mo ring itala ang mga kinain mo sa buong maghapon.

4. Sumunod sa Isang Iskedyul

Gaya ng pagtatala ng iyong mga resulta, sikapin mo ring sumunod sa isang tiyak na iskedyul. Ang pag-ooras sa iyong mga ginagawa, kinakain, at pagtulog ay makatutulong upang mapadali ang pagtse-check ng iyong blood sugar sa bahay.

Halimbawa, gumising ng 7:00 ng umaga araw-araw at i-check ang iyong fasting blood sugar. Pagkatapos, maaari ka nang kumain ng almusal at i-check ang iyong post-prandial blood sugar. Ipagpatuloy mo ang iyong mga ginagawa hanggang sa magpananghalian.

Ang dalas ng pagte-test ay nakadepende sa kung gaano ka-uncontrolled ang iyong blood sugar, ang uri ng insulin na ginagamit mo, at kung ano ang iniutos ng iyong doktor.

5. Palaging Maghugas ng Kamay

Bagaman mukhang hindi mahalaga, ang maruming kamay ay makaaapekto sa resulta ng blood glucose testing. Katatapos mo lang magbukas ng kendi para sa iyong anak? Kung hindi ka maghuhugas ng kamay, ang asukal na nasa kendi ay maaaring mahalo sa iyong blood sample. Ipinapakita pa nga ng mga pag-aaral na ang ilang mga hand lotions at sabon ay maaaring magkaroon ng maliit na epekto sa iyong blood sugar readings.

Maaari itong maging dahilan ng pagtaas ng iyong blood sugar level kaysa sa aktuwal na resulta nito. Ang problema rito ay maaari nitong pagmukhaing hindi epektibo ang paraan ng paggagamot na ginagawa mo. Maaari ding pagmukhain nitong hindi ka umiinom ng gamot o hindi mo binabantayan ang kinakain mo.

Ang isa o dalawang hindi tamang resulta ay maaaring magdulot ng problema kaya naman mainam kung hindi magagawa ang pagkakamaling ito. Hugasang mabuti ang iyong kamay gamit ang mild na sabon bago ang bawat test.

Kung isa kang caretaker, tiyaking maghuhugas ka ng kamay at magsusuot ka ng gloves bago mo isagawa ang test. Pagkatapos, itapon mo nang maayos ang mga gamit nang lancets at test strips para maiwasan ang pagkalat ng mga nakaiimpeksyong gamit.

Paano Mag-check ng Blood Sugar? 5 Bagay na Dapat Iwasan

1. Pagte-test Kaagad Pagkatapos Kumain

Hindi ideyal na mag-check ng blood sugar level pagkatapos na pagkatapos pa lamang kumain dahil ang blood sugar readings ay inaasahang biglang tataas pagkatapos kumain. Para sa after-meal (post-prandial) glucose readings, pinakamainam na gawin ito dalawang oras pagkatapos kumain.

Pagkatapos mag-test, tiyaking naitatala ang iyong blood glucose reading at mga kinain. Inumin ang iyong mga gamot at insulin gaya ng iniutos. I-adjust ang dosage ng insulin batay sa utos ng iyong doktor o ng iyong diabetes care team, depende sa iyong blood glucose reading.

2. Hindi Tamang Pag-iimbak

Ikalawa, itago ang iyong kagamitan at mga accessories sa isang lugar kung saan mabilis mo itong makukuha. Huwag mo itong iimbak sa kung saan maaabot ng mga bata. Maaari nilang mapagkalamang laruan ang kagamitan, lancets, o test strips.

Kung sira ang iyong device, maaaring hindi tama ang resultang ilalabas nito. Gayundin, ang mga test strips na hantad sa hangin at pagkabasa ay maaaring makapagpataas nang hindi tama sa iyong blood sugar.

Kung ikaw ay nag-aalaga ng isang batang may diabetes, mainam kung hahayaan silang maging pamilyar sa kagamitan at proseso ng pagte-test. Gayunpaman, huwag hahayaang gamitin nila ito nang sila lang.

3. Matataas na Lugar

Maaaring hindi ito angkop sa lahat ng pasyente, gayunpaman, ipinakikita ng mga pag-aaral na ang taas ng lugar ay nakaaapekto sa BGMDs. Ito ay dahil ang test strips na may glucose oxide ay sensitibo sa konsentrasyon ng oxygen.

Sa matataas na lugar, ang mababa ang lebel ng oxygen na nagiging dahilan ng pago-overestimate ng kagamitan sa iyong blood sugar levels. Bagaman hindi ito maiiwasan kadalasan, isa itong bagay na dapat isaalang-alang.

Kung kailangan mong maglakbay sa himpapawid, may tyansa na kailanganin mong mag-check ng blood sugar habang nasa biyahe. Itala mo ang iyong lokasyon bilang karagdagan sa mga karaniwang impormasyon na iyong itinatala.

Kung ikaw ay lilipat sa isang mataas na lugar patungo sa mababang lugar, o kabaligtaran, ipagbigay-alam sa iyong doktor kapag kumunsulta ka sa kanya.

4. Mababang Temperatura

Sa maraming pagkakataon, ang insulin ay inirerekomendang iimbak sa refrigerator ngunit ganoon din ba ang mga test strips? Sa pinakamainam, hindi. Gaya ng sa taas ng lugar, ang temperatura ay maaaring makaapekto sa katumpakan ng blood glucose readings.

Ang mas mainit na temperatura (patungong 40°C) ay makababawas sa pagiging stable ng test strips. Bunga nito, ang blood sugar reading ay maaaring maging mas mataas. Kung nakatira sa isang mainit na kapaligiran na walang air conditioning system, ang refrigerator ay maaaring pamalit. Ang mas malamig na temperatura ay may mas mababang epekto kumpara sa mas mainit na temperatura.

5. Pag-inom ng Gamot

Panghuli, ang ilang mga gamot ay maaaring makapagpabago sa blood glucose readings. Ang ilang halimbawa ay ang paracetamol, dopamine, ilang diuretics, at maging ang bitamina C. Bagaman ang paracetamol ay maaaring makapagpababa ng resulta, ang ibang nabanggit na gamot ay may iba’t ibang epekto.

Bagaman maliit lamang ang epekto ng mga nabanggit na gamot sa resulta ng blood glucose readings, ang mataas na dosage ng mga ito ay maaaring magdulot ng mas malaking epekto. Kung umiinom ka ng ano man sa mga nabanggit, itala ito sa iyong dyornal o app.

Higit pang matuto tungkol sa Diabetes dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Factors Affecting Blood Glucose Monitoring: Sources of Errors in Measurement. https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pmc/articles/PMC2769960/. Accessed November 1, 2o2o

Blood Glucose Monitoring Devices. https://www.fda.gov/medical-devices/vitro-diagnostics/blood-glucose-monitoring-devices. Accessed November 1, 2o2o

Device Technology. https://www.diabetes.org/diabetes/device-technology. November 1, 2020

The Big Picture: Checking Your Blood Glucose. https://www.diabetes.org/diabetes/medication-management/blood-glucose-testing-and-control/checking-your-blood-glucose. November 1, 2020

Monitoring Your Blood Sugar. https://www.cdc.gov/diabetes/managing/managing-blood-sugar/bloodglucosemonitoring.html. Accessed November 2, 2020

Infection Prevention during Blood Glucose Monitoring and Insulin Administration. https://www.cdc.gov/injectionsafety/blood-glucose-monitoring.html. Accessed November 2, 2020

Kasalukuyang Version

01/23/2023

Isinulat ni Marie Kristel Corpin

Narebyung medikal ni Stephanie Nera, RPh, PharmD

In-update ni: Jan Alwyn Batara


Mga Kaugnay na Post

Puwede ba ang diabetic sa noodles? Alamin dito!

Okay lang ba Kumain ng Kanin ang may Diabetes?


Narebyung medikal ni

Stephanie Nera, RPh, PharmD

Pharmacology


Isinulat ni Marie Kristel Corpin · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement