backup og meta

Bakit Nga Ba Nagkakaroon Ng Paltos Ang Mga Diabetic?

Bakit Nga Ba Nagkakaroon Ng Paltos Ang Mga Diabetic?

Ang diabetic bullae, mas karaniwang kilalang diabetic blisters o paltos ng may diabetes, ay isang uri ng sugat sa balat na nararanasan ng mga taong may diabetes mellitus. Paano ito nadedelop at paano ito magagamot? Alamin sa artikulong ito ang mga impormasyon tungkol sa paltos ng may diabetes.

Ano Ang Paltos Ng May Diabetes?

Ayon sa mga ulat, ang diabetic bullae, na may medical name na bullosis diabeticorum, ay bihirang mangyari. Subalit kung mangyari man, kadalasan itong nararanasan ng mga taong may hindi makontrol na lebel ng blood sugar.

Subalit mayroon ding mga kaso na ang paltos ay ang unang senyales ng problema sa glycemic control. May ilan ding mga kaso na nagsasabing ang diabetic bullae ay maaaring madebelop sa prediabetes.

Ang mga sumusunod ay ang mga paglalarawan sa paltos:

  • Natural, nangangahulugang ang pagsisimula nito ay mabilis. Ang mga sugat ay maaaring madebelop makalipas lamang ang isang araw nang walang anomang senyales.
  • Hindi masakit. Subalit may ilang nagsabi na nakaramdam sila ng bahagyang hindi komportableng pakiramdam o burning sensation.
  • Naglalaman ng fluid. Kadalasang malinaw ang fluid sa loob nito.
  • Normal na pamumula ng balat. Ibig sabihin, ang diabetic bullae ay karaniwang non-inflammatory at ang balat sa paligid ng paltos ay normal ang itsura.

Sa maraming pagkakataon, ang paltos ay nadedebelop sa ibabang bahagi ng katawan, partikular na sa dulo ng daliri sa paa o sa balat ng paa. Subalit maaari pa rin itong lumabas sa itaas na bahagi, partikular na sa mga bisig.

At huli, tandaan na ang hugis at laki ng diabetic bullae ay nagbabago. Ang diameter nito ay maaaring umabot sa 0.5 hanggang 17 cm. Maaari din itong iisa lamang o marami.

Paltos Ng May Diabetes: Mga Sanhi

Ang tiyak na sanhi ng diabetic bullae ay hindi nalalaman. Naniniwala ang mga eksperto na ito ay sanhi ng maraming mga kadahilanan.

Halimbawa, sinaad ng maraming mananaliksik na ang mga taong may insulin-dependent diabetes ay may “marked reduced threshold  to suction blister development” kaysa sa mga control group. Ibig sabihin, ang mga taong may diabetes ay may mas mataas na tyansang magkaroon ng paltos.

Sa kabilang banda, may ilang mga ekspertong naniniwala na ang diabetic bullae ay maaaring madebelop dahil sa trauma, dahil kadalasan itong lumalabas sa mga paa.

Subalit hindi ipinaliliwanag ng mga kadahilanang ito kung bakit ang paltos ng may diabetes ay bihirang mangyari sa karamihan ng mga taong diabetic.

Paltos Ng May Diabetes: Paggamot At Pagkontrol

Isa rin sa nakabibilib na bagay tungkol sa diabetic bullae ay kadalasan itong gumagaling nang kusa, nang walang anomang gamot sa loob ng 2 hanggang 5 linggo.

Kaya, kung magkakaroon ka ng diabetic bullae, ang gamutan at pagkontrol ay dapat na nakatuon sa pag-iwas sa impeksyon. Hindi dapat butasin o putukin ang paltos.

Narito ang ilan sa mga hakbang na dapat gawin upang kontrolin ang mga paltos:

  • Paglalagay ng benda. Ang paglalagay ng benda ay makatutulong upang hindi mabutas o makamot ang paltos.
  • Aspiration. Maaaring irekomenda ng doktor ang aspiration, ang proseso ng pag-aalis ng fluid sa pamamagitan ng karayom. Tandaan na sa prosesong ito, ang itaas na bahagi ng paltos ay naiiwang buo, pinoprotektahan ang nakatagong sugat mula sa impeksyon.
  • Topical antibiotic. Bagamat hindi karaniwan, maaari ding irekomenda ng doktor ang paglalagay ng topical antibiotic.

Bagamat ang kondisyon sa balat na ito ay gumagaling nang kusa, magpakonsulta pa rin sa doktor kung ang paltos ay namumula, namamaga, o lubhang masakit.

Kailangan din ang medikal na tulong kung natanggal ang balat ng paltos at na-expose ang loob nito. Ang ganitong mga kaso ay nangangailangan ng matinding pag-iingat sa sugat upang maiwasan ang ulceration o impeksyon.

Pag-Iwas

Dahil hindi nalalaman ang tiyak na sanhi ng diabetic bullae, wala ring tiyak na paraan kung paano ito maiiwasan.

Sa puntong ito, ang pinakamainam na paraan upang maiwasan ito ay ang pagkontrol sa lebel ng iyong blood sugar. Siguraduhing sumusunod sa iyong nutrition plan, regular na nag-eehersisyo, at umiinom ng mga gamot.

Maaari ding makatulong ang pag-iwas sa trauma sa abot ng makakaya. Laging suriin ang balat kung may sugat, magsuot ng sapatos na sakto ang sukat, at gumamit ng protective clothing kung kinakailangang gumawa ng kilos na maaaring maging sanhi ng trauma. Halimbawa, gumamit ng  protective gloves kung hahawak ng mga kagamitan.

Key Takeaways

Ang diabetic bullae o paltos ng may diabetes ay isang pambihirang kondisyon ng balat ng mga taong may diabetes mellitus. Hindi tukoy ang sanhi nito ngunit ang paltos ay hindi masakit, non-inflammatory, at kusang gumagaling. Ang gamot at pagkontrol nito ay maisasagawa sa pamamagitan ng pag-iingat nito upang maiwasan ang impeksyon. Kung magkaroon ka ng mga paltos, kumonsulta sa doktor upang malaman ang tamang diagnosis at gamot.

Matuto pa tungkol sa mga Komplikasyon sa Diabetes, dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

1 Diabetic bullae, https://www.bjd-abcd.com/index.php/bjd/article/view/52/120#:~:text=Diabetic%20bullae%2C%20also%20known%20as,reported%20in%201930%20by%20Kramer., Accessed May 4, 2022

2 Bullosis Diabeticorum, https://www.ncbi.nlm.nih.gov/books/NBK539872/, Accessed May 4, 2022

3 Reduced threshold to suction-induced blister formation in insulin-dependent diabetics, https://www.sciencedirect.com/science/article/abs/pii/S0190962283800073, Accessed May 4, 2022

4 Cutaneous Manifestations of Diabetes Mellitus, https://diabetesjournals.org/clinical/article/33/1/40/31293/Cutaneous-Manifestations-of-Diabetes-Mellitus, Accessed May 4, 2022

5 Bullosis diabeticorum: A distinctive blistering eruption in diabetes mellitus, https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pmc/articles/PMC2802364/, Accessed May 4, 2022

Kasalukuyang Version

09/26/2022

Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora

Narebyung medikal ni Dexter Macalintal, MD

In-update ni: Lorraine Bunag, R.N.


Mga Kaugnay na Post

Ano Ang Diabetic Stroke? Alamin Dito Ang Sanhi, Sintomas, At Pag-Iwas Dito

Komplikasyon Ng Diabetic Retinopathy, Anu-Ano Nga Ba?


Narebyung medikal ni

Dexter Macalintal, MD

Lifestyle Medicine, Registered Nutritionist Dietitian


Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement