backup og meta

Anu-ano ang mga Stage ng Prostate Cancer

Anu-ano ang mga Stage ng Prostate Cancer

Matapos malaman ng isang tao na mayroon silang prostate cancer, “staging” na ang kasunod na mangyayari. Ito ang tawag sa proseso ng pagtukoy sa lokasyon ng tumor, kung kumalat na ito, saan ito kumalat, at paano ito nakakaapekto sa pasyente. Sa madaling salita, tinutukoy ng “staging” kung gaano na karami at kalala ang cancer sa katawan. Narito ang mga kailangan mong malaman tungkol sa mga yugto ng prostate cancer.

Stages ng Prostate Cancer: Maraming test ang isinasagawa sa staging

Bago namin ipaliwanag ang iba’t ibang yugto, mangyaring tandaan na hindi matatapos ng mga doktor ang staging sa pamamagitan ng isang pagsusuri lamang.

Sa prostate cancer, malaki ang posibilidad na kailangan mong sumailalim sa mga pagsusuri tulad ng digital rectal exam (DRE), at mga blood test para matukoy ang iyong PSA level. Mula dito, gagawa ng order ang doktor para sa mga imaging test tulad ng x-ray, magnetic resonance imaging (MRI), o bone scan. Pagkatapos lamang makuha ang resulta ng mga kinakailangang test matatapos ang staging.

Ano ang mga sintomas ng prostate cancer?

  • Hapdi o pananakit tuwing umiihi
  • Mahirap o patigil-tigil na pag-ihi
  • Madalas na pag-ihi sa gabi
  • Nabawasan ang daloy ng ihi
  • Dugo sa ihi
  • Dugo sa semilya

stages ng prostate cancer

Sa pangkalahatan, may tatlong bagay na isinasaalang-alang sa stages ng prostate cancer

Para matukoy ang stages ng prostate cancer, may tatlong bagay na tinitingnan ang mga doktor: ito ang Gleason score, PSA level, at TNM classification.

Gleason score

Para malaman ang iyong Gleason score, kukuha ng mga cell sample ang doktor at titingnan ito sa ilalim ng mikroskopyo. Ginagawa ito para makita kung gaano kaagresibo na ang kanser. Sa madaling salita, maaaring malulusog na mga selula ang gumagawa sa mga hindi agresibong tumor, habang hindi naman mukhang malulusog na selula ang gumagawa sa mga agresibong kanser.

Narito ang mga score:

  • Grade 6 o mas mababa, ibig sabihin, mukhang malusog na mga selula ang sample.
  • Kapag Grade 7, nangangahulugang medyo mukhang malusog na mga selula ang sample.
  • Grade 8, 9, o 10, ibig sabihin, mukhang nalalayo ang itsura ng sample sa malulusog na selula.

PSA Level

Tinatawag na PSA ang Prostate-specific Antigen. Kadalasang may mataas na PSA level ang mga taong may prostate cancer.

TNM Classification

TNM classification ang sunod na tinitignan ng mga doktor para malaman ang yugto ng prostate cancer. Narito ang ibig sabihin ng TNM:

  • Tumor – Saan matatagpuan ang tumor, at gaano ito kalaki?
  • Nodes – Naapektuhan ba ng tumor ang mga node? Kung oo, anong mga node at ilan ang apektado?
  • Metastasis – Kumalat ba ang cancer sa ibang bahagi? Kung oo, saan at gaano katindi?

Gumagamit ang mga doktor ng iba’t ibang pagsusuri para malaman ang TNM classification. Kapag nakahanda na ang lahat ng resulta, matutukoy na ang yugto.

Stages ng Prostate Cancer

Stage I

Kadalasang walang mga sintomas ang stage I ng prostate cancer. Sa katunayan, madalas na hindi nararamdaman ng doktor ang tumor tuwing DRE o makikita sa ultrasound. Sa yugtong ito, nalalaman lamang sa mga pagsusuri o sa mga pagkakataon na may iba pang pinag-aalala.

Gayundin, mapapabilang pa rin bilang bahagi ng stage I ang mga tumor na mararamdaman sa DRE o makikita sa ultrasound kapag kalahati ng isang bahagi ng prostate (o mas mababa pa sa kalahati) ang naaapektuhan nito.

Mababa ang PSA level ng pasyente; nasa 6 o mas mababa pa ang Gleason score. Bukod dito, hindi pa kumakalat sa labas ng prostate ang tumor.

Stage II

Nahahati sa tatlong klase ang stage II ng prostate cancer: IIA, IIB, at IIC.

Maaaring maramdaman o hindi maramdaman, o may makita na tumor ang doktor tuwing exam. Ngunit sa stage na ito karaniwang nakukulong sa prostate ang kanser. Higit pa rito, karaniwang tumataas ang Gleason score habang nagdaraan ang pasyente sa iba’t ibang klase ng stage II.

Mahalaga ring ipaalam na habang maliit pa ang tumor sa stage II, maaaring tumaas ang panganib nitong lumaki at kumalat.

Stage III

Tulad ng stage II prostate cancer, may tatlong klase ang stage III: IIIA, IIIB, IIIC.

Sa stage IIIA, maaaring hindi pa kumalat sa labas ng prostate ang tumor, ngunit sa IIIB, posibleng umabot na ito sa mga kalapit na bahagi tulad ng bladder at rectum.

Sa stage IIIC, maaaring 8 o 9 na ang Gleason score. Ibig sabihin, ibang-iba na ang itsura ng mga cell mula sa mga malulusog na cell.

Sa stage III ng prostate cancer nangangahulugan na mataas na ang PSA level ng pasyente. Posibleng sinasabi din nito na locally-advance ang cancer, at nagpapakita rin ito ng mga senyales ng paglaki at pagkalat.

Stage IV

Ang stage IV ang huling yugto ng prostate cancer. Mayroon itong dalawang klase: IVA at IVB.

Sa stage IVA, kumalat na ang cancer sa mga lymph node. Sa stage IVB, kumalat na ang kanser sa malalayong lymph node at iba pang bahagi ng katawan.

Ang kahalagahan ng early detection

Sa karaniwan, nakapagbibigay ng mas magandang resulta ng paggamot kapag nakikita agad ang prostate cancer sa pinaka unang stage nito.

Dahil dito, dapat regular na sumailalim ang mga lalaki sa DRE at PSA testing. Iba-iba ang kinakailangang edad kung kailan sila dapat magsimula kumuha ng test. Ngunit kung may lubhang mataas na panganib mula sa prostate cancer dahil sa family history at iba pang dahilan, mahalagang pag-isipan kumuha ng test pagdating ng edad na 40.

Matuto pa tungkol sa Prostate Cancer dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Prostate Cancer: Stages and Grades
https://www.cancer.net/cancer-types/prostate-cancer/stages-and-grades
Accessed January 14, 2021

Prostate Cancer: Grade and Stage
https://www.urmc.rochester.edu/encyclopedia/content.aspx?contenttypeid=34&contentid=16288-1
Accessed January 14, 2021

Prostate Cancer Stages and Other Ways to Assess Risk
https://www.cancer.org/cancer/prostate-cancer/detection-diagnosis-staging/staging.html
Accessed January 14, 2021

Prostate cancer screening and early detection
https://www.seattlecca.org/prevention/prostate-cancer-early-detection#:~:text=the%20early%201990s.-,Screenings%20to%20detect%20prostate%20cancer%20early,may%20have%20a%20better%20prognosis.
Accessed January 14, 2021

Prostate Cancer: Types of Treatment
https://www.cancer.net/cancer-types/prostate-cancer/types-treatment
Accessed January 14, 2021

Kasalukuyang Version

09/11/2022

Isinulat ni Daniel de Guzman

Narebyung medikal ni John Paul Abrina, MD

In-update ni: Jaiem Maranan


Mga Kaugnay na Post

Alamin: Mga Pagkain Na Makatutulong Sa Pag-Iwas Sa Prostate Cancer

Alamin: Sanhi ng Prostate Cancer


Narebyung medikal ni

John Paul Abrina, MD

Oncology · Davao Doctors Hospital


Isinulat ni Daniel de Guzman · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement