Ang mga eksperto ay hindi napapagod na paalalahanan tayo na ang paninigarilyo ay nagdudulot ng maraming sakit, tulad ng stroke, sakit sa puso, at kanser. Ayon sa US National Institute of Cancer, ang paninigarilyo ay humahantong sa mga kanser sa bibig, larynx, esophagus, baga, bato, bladder, pancreas liver, tiyan, cervix, colon, at rectum. Ngunit paano nakaka-cancer ang paninigarilyo? At isa pang bagay: ilang sigarilyo ang nagdudulot ng cancer? Alamin dito.
Paano Nakaka-Cancer Ang Paninigarilyo
Ipinapaliwanag ng US Center for Disease Control na ang paninigarilyo ay nagdudulot ng kanser sa dalawang paraan: sa pamamagitan ng pag-trigger ng mga pagbabago sa DNA at pagkompromiso sa immune system.
Ang ating DNA ay naglalaman ng “instruction manual” kung paano gagana ang ating mga cells, kabilang ang kanilang paglaki at pagkamatay. Ang pagbabago o pinsala sa DNA ay maaaring maging sanhi ng abnormal na pag-uugali at hindi mapigilan ang paglaki ng mga cell, na nagreresulta sa mga tumor.
Paano nakaka-cancer ang paniningarilyo? Maraming mga ulat ang nagsasabi na ang isang stick ng sigarilyo ay naglalaman ng libu-libong mga compound at hindi bababa sa 60 ang natukoy bilang mga carcinogens, o ang mga sangkap na nagtataguyod ng carcinogenesis (pagbuo ng kanser).
Ang mga nakakapinsalang kemikal sa sigarilyo ay nakasisira rin sa mga bahagi ng DNA na umano’y nagpoprotekta dito laban sa kanser. Higit pa rito, ginagawang mas mahirap ng ibang mga kemikal para sa mga cell na ayusin ang mga pinsalang ito.
Panghuli, ang paninigarilyo ay nagpapahina sa immune system, na ginagawang mas mahirap ang pagkasira ng mga naturang cancer cells.
Paano Nakaka-Cancer Ang Paninigarilyo At Gaano Karaming Sigarilyo Ang Nakapagdudulot Nito?
Ngayong mas naunawaan na natin kung paano nakaka-cancer ang paninigarilyo, subukan nating sagutin ang isang karaniwang tanong ng mga naninigarilyo: ilang sigarilyo ang nagdudulot ng cancer?
Maraming tao ang naniniwala na ang heavy smoking ay nagdaragdag ng panganib ng kanser, ngunit pakiramdam ng mga taong minsanang naninigarilyo lamang, o iyong mga dumadaan lamang sa isa o dalawa stick araw-araw, tila sila ay ligtas mula sa naturang panganib.
Gayunpaman, ang Ingles na pariralang “Everything in moderation” ay hindi naaangkop sa paninigarilyo.
Ayon sa mga awtoridad, walang ligtas na antas ng paninigarilyo. Binibigyang-diin din nila na kahit isang stick sa isang araw sa iyong buhay ay maaaring humantong sa smoking-related cancers.
Hindi Ligtas Ang Mga Light At Social Smokers
Wala standard na depinisyon para sa “light smoking,” ngunit sinasabi ng ilang ulat na ito ay kapag naninigarilyo ka ng mas mababa sa isang pakete, wala pang 15 sticks, o mas mababa sa 10 stick araw-araw. Ayon naman sa iba, ito ay kapag nagsisindi ka ng 1 hanggang 39 na sigarilyo sa isang linggo.
Dagdag pa rito, wala ring standard na depinisyon para sa social o intermittent smoking, ngunit marami ang sumasang-ayon na ito ay kapag hindi ka naninigarilyo araw-araw.
At habang madaling paniwalaan na ang light at social smoking ay “mas mainam” kaysa sa heavy smoking (hindi bababa sa 25 stick bawat araw), sinasabi ng mga eksperto na nagdudulot pa rin ito ng maraming panganib, kabilang ang mga sumusunod:
- Stomach, pancreatic, esophageal, at lung cancers
- Respiratory tract infections
- Cardiovascular diseases dulot ng pinsala sa daluyan ng dugo at baradong arteries
- Cataracts
Isang Pag-Aaral Ang Nagsiwalat Ng Mga Panganib
Maaaring walang eksaktong sagot sa tanong, kung paano nakaka-cancer ang paninigarilyo at kung gaano karaming sigarilyo ang nagiging sanhi ng kanser, ngunit isang grupo ng mga mananaliksik ang nagkumpara sa mga panganib sa pagitan ng heavy at light o social smokers.
Ipinakita ng mga resulta na:
- Ang panganib na mamatay mula sa lung cancer ay 23 beses na mas mataas sa mga lalaki at 13 beses na higit pa sa mga kababaihan na naninigarilyo ng higit sa 20 stick sa isang araw kumpara sa mga hindi naninigarilyo.
- Bagaman mas mababa, ang panganib para sa light at occasional smokers ay malaki pa rin. Ang mga lalaki at babae na naninigarilyo ng 1 hanggang 4 na stick araw-araw ay 3x na higit pa at 5x na mas malaki ang posibilidad na magkaroon ng kanser sa baga kumpara sa mga hindi naninigarilyo.
- Ang mga light at social smokers ay halos 5 beses din na mas may panganib na magkaroon ng esophageal cancer, 2.4 beses na mas malamang na magkaroon ng stomach cancer, at halos dalawang beses naman para sa pancreatic cancer.
Key Takeaways
Ilang sigarilyo nga ba ang nakapagdudulot ng cancer? Bagaman ang light at social smoking ay hindi kasing tindi ng heavy smoking, sumasang-ayon ang mga eksperto na walang ligtas na antas ng paninigarilyo. Ito ay dahil kahit ang isang sigarilyo sa isang araw sa iyong buong bahay ay maaaring negatibong makaapekto sa iyong buhay.
Maaari kang matuto ng higit pa tungkol sa mga benepisyo ng pagtigil sa paninigarilyo dito. Gayundin, kung nahihirapan kang huminto, maaari mong tingnan ang 5As Approach ng Smoking Cessation.