Kumpara sa ibang uri ng cancer, ang leukemia ay hindi laganap. Sa katunayan, ito ay lubhang bihirang anyo ng cancer. Gayunpaman, hindi ito nangangahulugang dapat natin itong isantabi at hindi mag-ingat kung paano makakaiwas sa leukemia.
Mabuti na lamang, hindi komplikado ang pagpapababa ng tyansa ng pagkakaroon leukemia. Dagdag pa, sa pangkalahatan, ang mga ito ay makatutulong din sa pagpapababa ng tyansa ng pagkakaroon ng cancer. Gayundin, sa pagpapabuti ng kabuoang kalusugan. Ngunit paano makakaiwas sa leukemia? Alamin sa artikulong ito.
Paano Makakaiwas Sa Leukemia: 5 Bagay Na Dapat Tandaan
Ang leukemia ay isang uri ng cancer na nakaaapekto sa blood cells ng isang tao. Dahil dito, ito ay madaling kumalat sa buong katawan at nagiging sanhi ng malubhang pinsala. Upang maiwasan ang leukemia, mahalagang magsagawa ng holistikong paraan at unahin ang pagpapabuti ng iyong kabuoang kalusugan.
Narito ng 5 bagay na dapat mong tandaan kung paano makakaiwas sa leukemia.
1. Kumain Nang Tama
Ang pagkaing ating kinakain ay lubhang mahalaga sa ating kalusugan. Ang pagkain ng mga pagkaing nakasasama sa atin ay hindi lamang nakapagpapahina ng ating katawan. Ito rin ay nakapagpapataas ng tyansa ng pagkakaroon ng sakit, kabilang na ang cancer.
Ito ang dahilan kung bakit ang pagkain ng mga tamang uri ng pagkain na may wastong dami ay isa sa mga paraan kung paano makakaiwas sa leukemia.
Pagdating sa iyong diet, unahin ang pagkain ng mga sariwang gulay at prutas. Ang mga uring ito ng pagkain ay naglalaman ng mg nutrisyong kailangan ng iyong katawan upang manatiling malakas at malusog. Kailangan mo ring dagdagan ang iyong diet ng protina at masusustansyang fats mula sa mga isda at mani, at carbohydrates mula sa grains at mga buto.
Bukod dito, kailangan mo ring maging maingat sa dami ng iyong kinakain. Kahit na ikaw ay kumakain ng masustansyang diet, maaari ka pa ring magkasakit kung sobra ang iyong pagkain.
Iwasan ang pagkain ng maraming red meat, gayundin ng mga pagkaing mataas sa fats, sugar, at salt. Ito ay maaaring malaking pagbabago sa paraan ng pamumuhay para sa iba, subalit ito ay lubhang mahalaga. At mararamdaman mong mas malakas at mas malusog ang iyong katawan.
2. Iwasan Ang Mga Tiyak Na Kemikal
Ang mga tiyak na kemikal, tulad ng carcinogens, ay nakapagpapataas ng tyansa ng pagkakaroon ng cancer. Nangangahulugan itong ang pag-iwas sa mga kemikal na ito ay makatutulong upang maiwasan ang pagkakaroon ng leukemia.
Sa paghawak ng mga panlinis na produkto, siguraduhing magsuot ng gloves maging ng mask upang maiwasang mahawakan at malanghap ang anomang mga nakasasamang kemikal. Gayundin sa paghawak ng mga kemikal na ginagamit sa trabaho.
Isa sa mga pinakamalaking pinagmumulan ng carcinogens ay ang usok ng sigarilyo. Kung ikaw ay naninigarilyo, mainam na agad itong itigil upang mapababa ang tyansa ng pagkakaroon ng cancer, sakit sa baga, problema sa puso, diabetes, at iba pang mga sakit.
Kung ikaw ay nakatira sa isang bahay kung saan may naninigarilyo, mainam na hikayatin siyang tumigil dahil ang usok ng sigarilyo ay maaaring may katulad na epekto.
3. Alamin Kung Ang Iyong Pamilya Ay May History Ng Leukemia
Bagama’t karamiham sa mga kaso ng leukemia ay hindi namamana, may ilang mga ebidensyang nagpapakita na ito ay maaaring maipasa sa pamilya. Ibig sabihin, kung ikaw ay may kamag-anak na nagkaroon ng leukemia, dapat kang maging mas maingat sa iyong kalusugan.
Ang impormasyong ito ay hindi lubhang nakapipigil sa pagkakaroon ng leukemia. Gayunpaman, makatutulong ito upang gumawa ng mga hakbang upang mapababa ang tyansa ng pagkakaroon nito.
4. Kumonsulta Sa Doktor Kung May Napansing Kakaibang Mga Sintomas
Ang pakikinig sa kung ano ang nais sabihin ng katawan ay mahalaga upang maiwasan ang pagkakaroon ng leukemia. Kung may mapansing anomang kakaibang mga sintomas tulad ng biglang pagkapagod, laging pagkakaroon ng sinat, at biglang pagbaba ng timbang, pinakamainam na kumonsulta sa doktor sa lalong madaling panahon.
Bagama’t ang mga ito ay mga hindi tiyak na senyales ng leukemia, ang mga sintomas na ito ay hindi dapat ipagsawalang-bahala.
5. Regular Na Magpa-Check Up
At huli, siguraduhing regular na magpakonsulta sa iyong doktor. Habang tayo ay tumatanda, mas tumataas ang ating tyansa ng pagkakaroon ng cancer. Dagdag pa, ang pagpapaunlad ng ating kabuoang kalusugan ay maaaring makapagpababa ng tyansa ng pagkakaroon ng cancer.
Hindi tulad ng cancer sa suso, na maaaring malaman sa pamamagitan ng paggamit ng mammogram, ang leukemia ay walang tiyak na screening test. Sa halip, maaaring sabihin ng iyong doktor na ikaw ay may leukemia matapos masuri ang iyong medikal na history at pagsasagawa ng pagsusuri sa dugo.
Ang mga senyales ng leukemia na maaaring makita habang isinasagawa ang routine check up ay ang mga sumusunod:
- Namamagang lymph nodes
- Malaking spleen o atay (sa pamamagitan ng X-ray o palpation)
- Hindi normal na resulta ng CBC (lubhang mataas na bilang ng white blood cell o leukocyte)
Key Takeaways
Mahalagang tandaan ang mga paraan kung paano makakaiwas sa leukemia. Kung mas madalas mong isinasagawa ang mga ito at kung ginawa mo na itong bahagi ng iyong paraan ng pamumuhay, maaaring magkaroon ng mas mabuting resulta.
Matuto pa tungkol sa Leukemia dito.