Sa panahon ngayon, sa mga pagsulong na ginagawa sa medical science, ang pag-unawa kung paano gamutin ang leukemia ay hindi na mahirap tulad ng dati. Pero hindi ibig sabihin na diretsong proseso ito. Alamin dito kung paano ginagamot ang leukemia.
Isa sa mga pinakamalaking hadlang ay ang leukemia ay isang uri ng cancer na nakakaapekto sa blood cells ng isang tao. Ibig sabihin, madaling kumalat sa buong katawan ang cancer at ang mga doktor ay hindi maaaring “puputol” lamang ng anumang cancerous tissue. Dahil dito, karaniwang kailangang isaalang-alang ng mga doktor ang kombinasyon ng mga treatment. Ito ay upang matiyak na ang pasyente ay hindi lamang gagaling, ngunit nananatiling malakas at malusog sa buong proseso ng paggamot.
Paano Ginagamot ang Leukemia: Mga Mabisang Paraan ng Paggamot
Ang mga doktor ay may iba’t ibang paraan na ginagamit kung paano gamutin ang leukemia. Ilan sa mga ito ay ginagamit din upang gamutin ang iba pang uri ng cancer. Ang iba naman ay mas specialized ang paggamot sa leukemia, tulad ng bone marrow transplant.
Narito ang mga karaniwang paraan kung paano ginagamot ang leukemia:
Chemotherapy
Chemotherapy ang pangunahing paraan para gamutin ang leukemia. Samantala, isa rin ito sa mga pinakakaraniwang pamamaraan na ginagamit upang gamutin ang cancer.
Gumagamit ang chemotherapy ng mga gamot upang patayin ang cancer cells. Ang mga gamot na kadalasang ginagamit ay nasa anyo ng pill, o itinuturok sa ugat.
Paano ginagamot ang leukemia? Depende sa uri ng cancer, maaaring gumamit ng single type o multiple types ng gamot. Sa multiple types, kilala rin ito na combination chemotherapy. Sa kabila ng pagiging isang epektibong paraan ng paggamot, ang chemotherapy ay may downsides. Ito ay dahil ang mga gamot na ginagamit sa chemotherapy ay hindi kayang matukoy ang pagkakaiba sa pagitan ng healthy cells at cancer cells.
Ang mga karaniwang epekto ng chemotherapy ay fatigue, panghihina, nausea, pagkahilo, lagnat, hair loss, at iba pa. Ngunit makatitiyak ka, ipapaalam sa iyo ng iyong doktor ang anumang posibleng epekto, at bibigyan ka nila ng payo kung ano ang maaari mong gawin upang mabawasan ito.
Radiotherapy
Ang radiotherapy ay isang posibleng paraan kung paano ginagamot ang leukemia pati na rin ang iba pang mga cancer. Gaya ng tawag dito, ang radiotherapy ay gumagamit ng radiation upang patayin ang cancer cells.
Ang ginagawa ng radiation ay sinisira nito ang DNA, o genetic material, na nasa cancer cells. Pinipigilan nito ang pagdami ng cancer cells, at pagtagal, nagsisimula silang mamatay. Bagaman hindi karaniwang ginagamit ang radiotherapy sa mga kaso ng leukemia, ito ay ginagamit kung ang mga cancer cells ay kumalat na sa ibang parte ng katawan. Tulad ng utak, baga, at bato. Gaya ng chemotherapy, maaari rin itong magdulot ng side effects tulad ng pagkapagod, panghihina, pagkahilo, pagkalagas ng buhok, at iba pa.
Immunotherapy
Ang immunotherapy ay isang paraan kung paano ginagamot ang leukemia na gumagamit ng immune system ng katawan. Ginagamit nito ang mga kemikal na ang tawag ay immune checkpoint inhibitors, na talagang naglalagay sa iyong immune system sa sobrang lakas.
Karaniwan, ang immune system ay may mga checkpoint, na pumipigil sa pag-atake sa sarili nitong cells, kasama ang cancer cells. Kapag ang isang tao ay binigyan ng immune checkpoint inhibitors, nagagawa ng immune system na atakehin ang cancel cells.
Ginagamit din ang immunotherapy upang maiwasan ang pag-relapse, dahil pinalalakas nito ang proteksyon ng katawan laban sa cancer sa hinaharap.
Bone marrow transplant
Ang bone marrow transplants ay ginagamit na paggamot sa leukemia, at kadalasang kasabay ang iba pang uri ng treatment. Ito ay dahil minsan ang chemotherapy at immunotherapy ay maaaring pumatay ng mga malulusog na cell. At sa kaso ng leukemia, ang bone marrow cells ay maaaring mapatay. Mahalaga ang bone marrow dahil dito ginagawa ang blood cells.
Sa bone marrow transplant, ang stem cells ay kinuha alinman sa pasyente bago ang chemotherapy o sa isang donor. Ang mga cell na ito ay pini-freeze, at kapag natapos na ang treatment, ang mga cells ay ilalagay sa bone marrow ng pasyente. Nakakatulong ito na lumikha ng bagong bone marrow at tumutulong na mapunan ang supply ng katawan ng malusog na red blood cells.
Key Takeaways
Mas naiintindihan ng mga doktor ngayon ang leukemia at cancer. At alam nila kung anong mga treatment ang makakatulong sa mga tao na bumuti. Ang mga available treatment kung paano ginagamot ang leukemia sa panahong ito ay ang pinakamahusay na maiaalok ng medisina. Kumunsulta sa iyong doktor para sa pinakamahusay na plano ng paggamot para sa iyong kaso. Matuto pa tungkol sa leukemia dito.
[embed-health-tool-bmi]