Humaharap sa lahat ng uri ng problema ang mga taong may cancer. Ilan sa mga mas nakababahalang senyales ng cancer ay ang cachexia. Subalit ano ang cachexia? Ito ay isang syndrome na nailalarawan ng biglang pagbaba ng timbang, kawalan ng ganang kumain, at pagbaba ng muscle mass. Maaari din itong mapansin sa mga pasyenteng may mga malulubhang kondisyon tulad ng sakit sa puso at HIV. Ang pag-alam sa mga sanhi ng cachexia ay nanatiling isang misteryo sa kabila ng maraming mga siyentipikong pananaliksik hanggang ngayon. Ang bagong pananaliksik mula sa UK ay nagbibigay ng pag-asa na malapit nang matuklasan ng mga siyentista kung ano ang sanhi ng cachexia.
Ano Ang Cachexia?
Ang cachexia ay isang komplikadong pagbabago sa katawan na nagiging sanhi ng pagbaba ng timbang sa kabila ng pagkain nang normal. Wasting syndrome o anorexia cachexia syndrome ang iba pang mga pangalan nito. Ang cachexia ay isang komplikadong problema na kinabibilangan ng paraan ng paggamit ng katawan ng mga protina, carbohydrates, at fat.
Ito ay naiiba sa pangkalahatang pagbaba ng timbang. Ang mga taong may cachexia ay nababawasan ng muscle at fat. Iniisip ng mga siyentista na ang cancer ay nagiging sanhi upang ang immune system ay maglabas sa dugo ng mga tiyak na kemikal na tinatawag cytokines. Ang cytokines ay nagiging sanhi ng pamamaga at ng pagkawala ng fat at muscle.
“Sa kaso ng mga pasyenteng may cancer, sila ay maaaring tila normal hanggang sa pagiging wheelchair-bound sanhi ng pagkawala ng muscle at pagbaba ng timbang sa loob lamang ng ilang buwan,” ayon sa oncologist na si Propesor Charlie Swanton, ng Crick Institute sa London.
Nagreresulta ang cachexia sa paghina ng kakayahan sa pisikal na pagkilos at paggana. Ang mga ito ay maaaring humantong sa pagkahulog, pagiging dependent sa iba, institutionalization, at maging kamatayan.
Ano Ang Cachexia? Mga Sanhi Nito
Isang pangkat ng mga siyentista na pinangunahan ni Propesor Ketan Patel ang kamakailan lamang nakatuklas sa kaugnay ng cachexia o wasting syndrome sa pagkasira ng DNA. Iniugnay ng direktor ng Weatherall Institute of Molecular Medicine sa Oxford ang pagkasira ng DNA sa pagkagambala ng chemical messengers na ipinapadala sa utak. Nagiging sanhi ito upang ang utak ay maglabas hormones na pumipigil sa gana sa pagkain na nagreresulta sa malubhang pagbaba ng timbang.
Natuklasan ng mga mananaliksik na ang natural na formaldehyde ay maaaring mamuo sa daluyan ng dugo ng isang tao upang simulan ang prosesong ito. Kapag ito ay sinala ng kidneys, ang kanilang cells ay nakararanas ng pagkasira ng DNA. Ang kidneys ay naglalabas ng isang hormone na tinatawag na GDF15 upang maghatid ng mensahe sa utak at pigilin ang gana sa pagkain.
“Kung sumasailalim sa chemotherapy, binibigyan ka ng isang chemical substance na umaatake sa DNA sa halos parehong paraan tulad ng ginagawa ng formaldehyde,” saad ni Patel. “Sa madaling salita, maaari itong makasira ng DNA at mag-trigger sa mga senyales na nagsasabi sa utak na pigilan ang gana sa pagkain.”
Cockayne Syndrome
Maaaring makaapekto sa mga bata ang namanang malubhang wasting syndromes. Ang Cockayne Syndrome ay isang pambihirang sakit na nagiging sanhi upang ang mga bata ay makaranas ng matinding malnutrisyon at wasting tulad ng cachexia. Ito ay nailalarawan din bilang kakulangan sa pagdebelop na neurological at malubhang pagiging sensitibo sa sikat ng araw.
Nagmumungkahi ang pananaliksik ng Weatherall Institute ng isang paraan ng paggamot sa cachexia at Cockayne syndrome. Ang pagtuklas ng GDF15 ay nagbibigay-daan sa mga siyentista na targetin at kontrahin ang mga epekto nito. Maaari silang magbigay ng antibody na nag-neutralize ng GDF15 upang harangin ang mga mensahe na para sa utak at maiwasang mangyari ang cachexia.
Maaari Ba Itong Baligtarin?
“Ang cachexia ay higit pa sa pagkawala ng ganang kumain at pagbaba ng timbang, at ang mga doktor ay nagsisikap na baligtarin ang kondisyong ito,” dagdag ni Michelle Mitchell, chief executive ng Cancer Research UK.
“Ito ay isang komplikadong problema na may napakalaking epekto sa mga taong may cancer, nakaaapekto sa kanilang kagalingan at nakapagpapababa ng kanilang lakas sa oras na kailangan nila ito,” dagdag pa niya. “Ang pananaliksik na maaaring makapagsabi sa atin ng higit pa tungkol sa mga mekanismo sa likod ng cachexia ay mahalaga kung gusto nating makahanap ng isang paraan upang makontrol ito.”
Key Takeaways
Ano ang cachexia? Ito ay isang wasting syndrome na nagiging sanhi ng malubhang pagbaba ng timbang sa katawan sa kabila nang normal na pagkain. Ang mga pasyenteng may cancer kung minsan ay biglang kinakikitaan ng mga epekto ng cachexia sa nakababahalang degree. Iniugnay ng mga siyentista sa UK ang isang hormone na nagpapadala ng mensahe sa utak upang pigilan ang gana sa pagkain at maging sanhi ng cachexia. Ang hormone na GDF15 ay maaaring makasira ng DNA at nag-trigger ng signals upang pigilan ang gana sa pagkain.
Matuto pa tungkol sa Cancer dito.