Ang cancer ay ang ikaapat na pangunahing sanhi ng kamatayan sa Pilipinas. Hindi karaniwan sa mga taong nasa edad 20 hanggang 39 ang pagkakaroon ng cancer. Gayunpaman, inirerekomenda pa rin ng mga doktor ang maaga at regular na cancer screening para sa bata na may family history o kumpirmadong nagtataglay ng genes na nakapagpapataas ng tyansa ng pagkakaroon ng sakit na ito.
Mga Pinakakaraniwang Uri Ng Cancer Na Maaaring Ma-Detect Ng Screening
Ang screening ay nangangahulugang pagsusuri sa isang tao para sa isang sakit kahit na siya ay hindi pa kinakikitaan ng anomang senyales o sintomas.
Kung maagang ma-detect at kung nasimulan ang gamutan sa mas maagang yugto, may malaking posibilidad na maiiwasan ang pagdebelop ng sakit sa mas malubhang kondisyon. Ang pagsasagawa ng regular na tests sa murang edad ay nakatutulong sa mga doktor at pasyente upang matuklasan ang mga maaagang senyales ng mga uring ito ng cancer:
Gayunpaman, hindi lahat ng screening tests ay ikinokonsiderang epektibo. Para maging epektibo ang screening, dapat nitong:
- Ma-detect ang cancer kahit sa maagang yugto nito
- Mabawasan ang tyansa ng pagkamatay ng pasyente dahil sa cancer
- Makapagbigay ng mas maraming mga benepisyo kaysa panganib sa isang tao
Samantala, ang screening tests ay hindi dapat:
- Maging dahilan ng pagdurugo o pisikal na panganib
- Magbigay ng mga maling resulta
- Humantong sa sobrang diagnosis (paggamot sa mga kondisyong walang kaugnayan o hindi nangangailangan ng gamot)
Mga Inirerekomendang Cancer Screening Para Sa Bata (Edad 20-39)
Colonoscopy At Sigmoidoscopy
Ang dalawang tests na ito ay maaaring maka-detect ng maagang pagkakaroon ng colorectal cancer. Gayundin, sa pamamagitan nito ay maiiwasan ang ganitong uri ng cancer dahil natutuklasan ang hindi normal na paglaki o polyps sa colon. Ang polyps na ito ay maaaring tanggalin bago pa man maging cancerous.
Sa screening tests na ito, isang kamera na may manipis at flexible na tube ang ipapasok sa puwit at itutulak hanggang sa colon. Ang colonoscopy ay sumasaklaw sa buong colon. Habang ang sigmoidoscopy ay nakatuon sa ibabang bahagi ng colon na tinatawag na sigmoid.
Low-Dose Computed Tomography (LDCT)
Ayon sa Global Cancer Observatory (GCO), ang cancer sa baga ay ang nangungunang sanhi ng kamatayan sa mga Pilipino. Ang LDCT (o tinatawag na low-dose CT scan) lamang ang inirerekomendang screening test para sa cancer sa baga. Sa test na ito, ang pasyente ay hihiga sa isang mesa ng CT scan at saka kukuha ang makina ng detalyadong imahe ng baga.
Mammography
Ayon sa GCO, ang cancer sa suso ay ang pinakakaraniwang cancer sa mga kababaihang Pilipino.
Ang x-ray ng suso ng isang babae ay maaaring kakitaan ng hindi karaniwang bukol o ibang mga senyales ng cancer sa suso. Maraming eksperto ang nagrerekomenda na ang mga kababaihang may normal na tyansa ng pagkakaroon ng sakit na ito ay hindi dapat sumailalim sa mammography (tinatawag ding mastography) kahit hanggang sa pagsapit nila ng edad 40. Para sa mga may family history at posibleng magkaroon ng cancer sa suso dahil sa genes, ang regular na mammography ay dapat maagang isagawa.
Ang mga kababaihang sobra sa timbang, nagkaroon ng regla sa mas murang edad, may siksik na suso, at malakas umiinom ng alak ay kabilang din sa kategorya ng mga taong may mataas na tyansa ng pagkakaroon ng cancer sa suso. Ang nakagawaing pagsusuri sa suso, maging ang sariling pagsusuri sa suso, ay maaaring maging dahilan upang maging malay ang isang tao sa mga maaagang senyales ng sakit na ito.
Pap Smear At Human Papillomavirus (HPV) Testing
Ito man ay kombinasyon o magkahiwalay na tests, ang dalawang tests na ito ay maaaring maka-detect at posibleng dahilan upang maiwasan ang cancer sa cervix. Habang isinasagawa ang pap smear at HPV test, ang cells mula sa cevix ay kinokolekta at sinusuri para sa mga posibleng pagbabago.
Kung hindi makontrol ang pagdami ng cells sa cervix, ang isang babae ay unti-unting magkakaroon ng cancer sa cervix. Ang mga kababaihang nasa edad 21 hanggang 65 ay inirerekomendang sumailalim sa pap smear kada tatlong taon. Ang ganitong screening exam ay maaaring makatuklas ng precancerous cells na maaaring subaybayan at tanggalin bago pa maging cancer.
Iba Pang Cancer Screening Para Sa Bata
Ang mga sumusunod na screening tests ay maaaring hindi epektibo at hindi pasok sa lahat ng requirements ng isang epektibong test. Gayunpaman, ang mga ito ay maaaring maging kapaki-pakinabang pa rin para sa mga may matataas na tyansa ng magkaroon ng cancer.
Alpha-Fetoprotein Blood Test
Sa pamamagitan ng test na ito, natutuklasan ang lebel ng alpha-fetoprotein. Ang alpha-fetoprotein ay protinang nililkha sa atay. Nagtataglay ng protinang ito pagkasilang ang isang tao, subalit lubhang bumababa ang lebel nito sa pagsapit ng isang taon. Ang isang nakatatandang may mataas na lebel ng protinang ito ay posibleng magkaroon ng cancer sa atay. Tinukoy ng GCO ang cancer sa atay bilang ikalawa sa pinakamataas na sanhi ng kamatayan sa Pilipinas.
CA-125 test
Ang CA-125 (cancer antigen 125) ay isang uri ng protina na may kaugnayan sa mga cancer. Kung ang test na ito lamang ang isasagawa, hindi ito epektibo bilang isang screening test. Subalit ito ay madalas na isabay sa transvaginal ultrasound upang subukang ma-detect ang cancer sa obaryo.
Prostate-Specific Antigen (PSA) Test
Ito ay isa ring test sa dugo. Ito ay isinasabay sa digital rectal exam upang ma-detect ang cancer sa prostate. Gayunpaman, hindi inirerekomenda ng mga eksperto ang regular na PSA testing. Hindi nito napabababa ang tyansa ng pagkakaroon at pagkamatay mula sa uring ito ng cancer.
Skin Exams
Ang karamihan ng cancer sa balat ay sanhi ng matagal na pagkakalantad sa araw. Kabilang sa mga ebidensya ng cancer sa balat ay ang waxy na bukol, kayumangging sugat, at pananakit. Bagama’t nakikita ng mga tao ang mga pagbabago sa kanilang balat, ang regular na pagkonsulta sa dermatologist ay makatutulong upang malaman ang sanhi ng pagbabagong ito.
Sa pamamagitan ng screening tests ay maaaring makompirma o hindi ang mga nakikitang obserbasyong ito. Gayunpaman, ang ganitong exams ay maaaring hindi makapagpabawas ng tyansa ng pagkakaroon ng sakit (maliban kung ang pasyente ay gumawa ng ilang mga pagbabago sa paraan ng kanyang pamumuhay at limitahan ang pagkakalantad sa araw). Dagdag pa ang tests ay maaaring humantong sa sobrang gamutan.
Transvaginal Ultrasound
Bagama’t hindi ito napatunayang nakapagpapababa ng tyansa ng pagkamatay, ang imaging test (tinatawag ding endovaginal ultrasound) na ito ay sumusuri sa lahat ng reproductive organs ng babae. Ito ay makatutulong upang malaman ang maagang pagkakaroon ng cancer sa obaryo o endometrial cancer.
Key Takeaways
Ang mga makabagong gamot ay hindi ganap na garantiya upang maiwasan ang cancer. Gayunpaman, ang maagang pagtuklas sa mga senyales at sintomas na cancerous ay maaaring makatulong sa pagpapababa ng posibilidad na pagsisimula at pagkalat ng simula.
Mahalagang tandaan na hindi lahat ng cancer screening para sa bata ay inirerekomenda ng nakararami. Kaya mainam na kumonsulta sa doktor upang malaman kung ang tiyak na test ay angkop para sa iyo.
Matuto pa tungkol sa cancer dito.