Ang stroke ay isang seryosong problemang pangkalusugan na may magkakaibang anyo ng gamutan. Ngunit ano ang pwedeng pagpilian ng mga pasyente pagdating sa kung paano maka-recover sa stroke?
Magbasa pa upang matuto tungkol sa kung paano ginagamot ang stroke, ano ang prognosis, at gaano kabisa ang mga gamutang ito.
Paano Maka-recover sa Stroke: Mga Paraan
Maaaring gumamit ng gamot, surgery, o kombinasyon nito ang gamutan sa stroke. Magkakaiba ang gamutan depende sa edad ng pasyente, gaano sila kalusog, at kung anong bahagi ng katawan ang nagka-stroke.
Pakitandaang bago magsimula ang gamutan, kailangan munang sumailalim ang pasyente sa brain scan. Ginagawa ito upang matiyak kung talaga bang stroke ang naging kondisyon nila at hindi iba pang kondisyon na nangangailangan ng ibang gamutan.
Paano Maka-recover sa Stroke: Gamutan
Ang mga pasyenteng nagpapagaling mula sa stroke ay kadalasang binibigyan ng magkakaibang anyo ng gamot. Idinesenyo ito upang gamutin ang kondisyon ng pasyente, at upang mapababa ang panganib na maulit ang sakit.
Paggagamot ang kadalasang inirerekomenda para sa mga pasyenteng sumailalim na sa surgery. Ito ay dahil nakatutulong ito upang mapababa ang panganib na ma-stroke ulit ang pasyente.
Thrombolysis
Ang thrombolysis ay isang procedure na gumagamit ng uri ng gamot upang madurog ang mga namuong dugo. Pangunahing ginagamit ito upang gamutin ang ischemic strokes. Gayunpaman, pinakamabisa ito kapag ginamit sa loob ng 4 na oras matapos ma-stroke ng pasyente.
Isa pang mahalagang bagay tungkol sa thrombolysis ay kailangan munang sumailalim ang pasyente sa brain scan bago ito gawin. Makatutulong ang scan na ito upang makita ang pagkakaiba ng infarction at hemorrhage, na magkaiba rin ang management strategies.
Anticoagulants
Isang uri ng gamutan ang anticoagulants na nakatutulong upang maiwasang magdikit-dikit ang mga blood cells. Makatutulong ito upang mapababa ang panganib ng mga pasyenteng magkaroon ng blood clot. May mga anticoagulants na kailangang gamitin araw-araw, at meron namang ginagamit lang para sa short-term effects.
Maaari din silang ma-diagnose kung may atrial fibrillation ang pasyente, dating history ng blood clots, o deep vein thrombosis.
Statins
Kadalasang inirereseta ang statins para sa mga pasyenteng may high blood cholesterol levels. Ito ay mga uri ng gamot na ginawa upang harangin ang ilang kemikal sa atay na nagiging sanhi ng paggawa ng cholesterol.
At dahil ang stroke ay maaaring sanhi ng cholesterol plaques o embolism na naipon sa mga artery na nagsusuplay sa utak, makatutulong ang pagbibigay nito sa mga pasyenteng nakaranas na ng stroke noon upang mabawasan ang panganib ng stroke sa hinaharap.
Hypertension medication
Kung may hypertension ang pasyente, o high blood pressure, kailangan nilang uminom ng gamot para dito. Ito ay dahil nakapagpapataas ng panganib na ma-stroke ang pasyente sa hinaharap kapag mayroon siyang hypertension.
Paano Maka-recover sa Stroke: Surgery
Narito ang ilan sa mga surgical procedures upang gamutin ang stroke:
Angioplasty
Isa itong procedure kung saan ang doktor ay nagpapasok ng maliit na balloon sa makipot na artery. Matapos nito, hihipan nito ang balloon na magpapalaki ng ugat. Makatutulong ang paraang ito upang gumanda ang daloy ng dugo sa apektadong ugat.
Carotid endarterectomy
Karaniwang isinasagawa ang ganitong procedure ng mga surgeon kung may carotid stenosis ang pasyente. Ang carotid stenosis ay ang pagsikip o pagkipot ng carotid artery. Napakahalaga ng artery na ito dahil nagsusuplay ito ng dugo direkta sa utak. Kapag may bara sa carotid artery, maaari itong mauwi sa ischemic stroke.
Gayunpaman, pwedeng maging mapanganib ang procedure na ito, partikular sa mga taong may mga problema sa puso.
Clipping
Gumagamit ang mga surgeon ng clipping upang maiwasan ang pagsabog ng aneurysm. Gaya ng sinasabi ng katawagan nito, gumagamit ang clippings ng mga clip upang ipitin ang aneurysm at huminto ang pagdaloy ng dugo. Sa oras na huminto na ang daloy ng dugo, mapabababa nito ang panganib ng pagsabog ng aneurysm.
Coiling
Ang coiling ay isang procedure na gumagamit ng maliit na platinum coils upang maiwasan ang pagsabog ng aneurysm. Gumagamit ang procedure na ito ng catheter papunta sa artery. Sa oras na makapasok na ito, gagamit ang surgeon ng kagamitan upang ipasok sa maliit na mga coil papunta sa aneurysm.
Pinupuno nito ang aneurysm at hinaharangan ang daloy ng dugo. Ito ang ginagawa upang maiwasan ang pagsabog ng aneurysm.
Key Takeaways
Sa panahon ngayon, malayo na ang narating ng medical science pagdating sa kung paano maka-recover sa stroke. Isa pa ring seryosong sakit ang stroke, ngunit hindi na ito kasing nakamamatay tulad ng dati.
Gayunpaman, mahalaga pa ring subukan at manatiling malusog upang maiwasan ang stroke.
Matuto pa tungkol sa mga Stroke dito.